OKTUBRE 28, 2022
CANADA
Natapos Na ang Kingdom Hall sa “Lugar ng Maraming Isda” sa Canada
Mayroon nang Kingdom Hall ang Iqaluit Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa Iqaluit, Nunavut, Canada. Natapos ng mga construction volunteer ang Kingdom Hall na may 50 upuan noong Oktubre 14, 2022. Ang bagong Kingdom Hall na ito ay nasa pinakadulo ng hilagang bahagi ng Canada. Naitatag ang Iqaluit Congregation noong 2010 at nagpupulong sila dati sa isang school gymnasium.
Naantala ang pagtatayo nang dalawang taon dahil sa pandemic. Ang Iqaluit, na nangangahulugang “lugar na maraming isda,” ay nasa Frobisher Bay, sa Baffin Island. Mararating lang iyon sa pamamagitan ng eroplano o barko. Wala ring mabibili roong materyales para sa pagtatayo. Ang mga kagamitan at materyales ay kailangang ipadala sa lugar na pagtatayuan gamit ang barko. Dahil sa panahon, maitatayo lang nila ang Kingdom Hall sa pagitan ng mga buwan ng Agosto hanggang Oktubre.
Inihanda ang 140 tonelada ng mga materyales at kasangkapan sa isang Assembly Hall sa Ontario. Pagkatapos, isinakay ang mga ito sa 12 sea container at tatlong malalaking crate at ipinadala sa isang daungan na malapit sa Montreal, Quebec. Mula roon, dumaan ang barko sa St. Lawrence Seaway papunta sa Atlantic Ocean, at sa wakas sa Frobisher Bay. Dahil walang daungan dito para sa malalaking barko, inilipat sa mga barge ang mga container. Hinatak ng mga tugboat ang mga barge sa mababaw na tubig. Kapag low tide, iniaangat ng mga loader ang mga container at dinadala sa dalampasigan.
Dinisenyo ang Kingdom Hall para makayanan nito ang matinding lamig sa Iqaluit, kung saan ang average na temperatura sa taglamig ay minus 30 degrees Celsius.
Naglakbay ang mga 40 construction volunteer mula sa anim na lalawigan papunta sa liblib na lokasyon para tumulong. Sinabi ni Brother Jason McGregor, isa sa mga volunteer: “Mula sa pagdadala ng mga materyales sa pinakamalayong lugar sa hilaga hanggang sa paglutas ng mahihirap at di-inaasahang mga problema, walang makakahadlang kay Jehova. Nakakapagpatibay ng pananampalataya na makita ang pagsulong araw-araw.”
Nakikigalak tayo sa mga kapatid natin sa Canada sa bago nilang Kingdom Hall sa “lugar na maraming isda” habang nagpapatuloy sila sa napakahalagang gawain bilang “mangingisda ng tao.”—Mateo 4:19.