AGOSTO 17, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG
“Mabuting Balita na Nasa Internet”
25 Taon Nang Nasa Internet ang mga Saksi ni Jehova
Dalampu’t limang taon nang may opisyal na website ang mga Saksi ni Jehova. Sa Nobyembre 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, sa artikulong “Mabuting Balita na Nasa Internet,” unang binanggit ang tungkol sa ating website, ang watchtower.org. Mababasa sa artikulo: “Ang Samahan ay naglagay sa internet ng ilang tumpak na impormasyon hinggil sa mga paniniwala at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. . . . Ang layunin ng ating Web site ay upang may makuhang impormasyon ang publiko sa paraang elektronika.”
Noong Enero 15, 1997, available na sa publiko ang watchtower.org. Mula noon, puwede nang ma-download ng sinuman ang ilang tract, brosyur, at mga artikulo ng Bantayan at Gumising! Noong 1999 naman, available na ang jw-media.org. Nagbibigay ito sa media ng tamang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, gaya ng legal na mga usapin at mga gawain ng organisasyon.
Noong 2005, available na sa Internet ang jw.org. Mada-download doon ang ilang publikasyon at audio recording.
Noong Agosto 2012, pinag-isa ang tatlong website na ito sa jw.org. Tungkol diyan, sinabi sa Disyembre 2012 ng Ating Ministeryo sa Kaharian: “Mga sangkatlo ng populasyon ng daigdig ang gumagamit ng Internet. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng marami, lalo na ng mga kabataan. . . . Kaya makararating na ang mabuting balita sa mga lugar kung saan napakaliit ng tsansang marinig ng mga tao ang mensahe ng Kaharian.”
Nadagdagan ang impormasyong maa-access sa JW.ORG gaya ng mga publikasyon, audio recording, at video. At nai-translate na ito sa mas maraming wika. Dati, 411 wika lang. Makalipas ang mga pitong taon mula nang ma-redesign ito noong 2012, umabot na ito sa 1,000 wika, kasama na ang 100 sign language. Ito ang kauna-unahang website na nai-translate sa ganoon karaming wika.
Gamit na gamit ang JW.ORG nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Mas dumami ang nagbubukas ng website nang ihinto ang face-to-face na mga pulong sa kongregasyon at maging mahirap na mag-imprenta at mamahagi ng mga publikasyon. Ang pinakamarami sa lahat ay noong Abril 7, 2020—ang araw ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus—mahigit pitong milyon! Noong 2020, mahigit isang bilyon ang nagbukas ng website, kumpara sa 800 milyon noong 2019. Mula noong Enero 2022, may average na tatlong milyon ang pumupunta sa website araw-araw.
Nakatulong ang tamang impormasyon sa website, para maituwid ang mga maling akala ng mga tao tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni Tenesha Gordon: “Nakakatuwa na ang daling humanap ng impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova, gaya ng kung sino sila, kung ano ang pinapaniwalaan nila, at kung saan nakabase ang mga paniniwala nila. Nakatulong ’yon sa akin para maituwid ang mga maling akala ko tungkol sa kanila.”
Nabautismuhan si Tenesha noong 2017. At naglilingkod siya ngayon bilang commuter Bethelite sa Jamaica.
Sinabi ni Brother Clive Martin, overseer ng department na humahawak sa website: “Nakakapagpatibay makita kung paano ginagamit ni Jehova ang jw.org para tulungan ang mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na malaman ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.”
Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa tool na ito na patuloy na tumutulong sa atin sa pangangaral, nagbibigay ng update sa mga gawain ng organisasyon, at nakakatulong para magkaisa ang lahat ng kapatid sa buong mundo. Dahil sa website na ito, napapapurihan natin si Jehova.—Awit 145:1, 2.