Pumunta sa nilalaman

HUNYO 14, 2016
BULGARIA

Komisyon sa Bulgaria Tutol sa Diskriminasyon Laban sa Relihiyon

Komisyon sa Bulgaria Tutol sa Diskriminasyon Laban sa Relihiyon

Nanalo ang mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria sa isang kaso na nagtaguyod sa kalayaang magsalita pero nagsilbi ring proteksiyon sa mga indibiduwal at organisasyon laban sa diskriminasyon dahil sa relihiyon. Natuklasan ng Commission for Protection Against Discrimination sa Bulgaria na ang cable television channel na SKAT TV at ang dalawa sa mga journalist nito ay sadyang nagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova at nagsusulsol ng karahasan laban sa kanila. Ipinasiya ng Komisyon na ang ginawa ng SKAT TV ay “hindi mapagpapaumanhinan.”

Mga Brodkast na Nagsulsol ng Pagkapoot at Karahasan

May mga istasyon ng telebisyon sa Bulgaria na nagbobrodkast sa pana-panahon ng mga programang naninirang-puri sa mga Saksi ni Jehova. Partikular na, madalas na sinisiraang-puri ng mga journalist ng SKAT TV ang mga Saksi at pinaniniwala ang mga nanonood na ang mga Saksi ay gumagawa ng malulubhang krimen. Ibinobrodkast ang mga programang ito sa buong bansa at inilalagay sa Internet.

Ang mga programang ito ay nagsusulsol din ng karahasan at pagkapoot sa mga Saksi. Sa isang brodkast noong Mayo 2011, ipinagtanggol ng SKAT TV ang marahas na pag-atake sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang Kingdom Hall (lugar ng pagsamba) sa lunsod ng Burgas. Habang nagpupulong noon ang mga Saksi para sa taunang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus, isang pangkat ang lumusob sa bulwagan at pinagbubugbog ang mga naroon. Limang Saksi ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong sugat. Sinulsulan ng programa ng SKAT TV ang mga nanonood na gayahin ang gayong pag-atake, at sinabi pa sa mga sumunod na brodkast na nararapat lang sa mga Saksi ang gayong pagtrato. *

Pagkatapos ng mga brodkast na iyon, maraming karahasang naganap laban sa mga Saksi, at marami sa kanilang mga Kingdom Hall ang pininsala. Sa ilang rehiyon, may mga munisipalidad na gumawa ng mga batas para higpitan ang gawain ng mga Saksi.

Mga Saksi na nagpupulong sa Kingdom Hall sa Burgas

Pinagmulta ng Komisyon Dahil sa Paglabag sa Batas at Etika

Noong Pebrero 2012, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsampa ng reklamo sa Komisyon may kaugnayan sa anim na programa ng SKAT TV na ipinalabas noong 2010 at 2011. Sinabi ng mga Saksi na ang SKAT TV ay gumamit ng pananalitang nagpapakita ng matinding diskriminasyon at na ang malawakang pagbobrodkast nito ay maituturing na harassment at panunulsol ng pagkapoot. Sinabi rin nila na dumanas sila ng mga diskriminasyon dahil sa brodkast na iyon.

Noong Enero 25, 2016, may-pagkakaisang nagbaba ang Komisyon ng desisyon na pabor sa mga Saksi. Natuklasan nila na ang SKAT TV at ang dalawa sa mga journalist nito ay nang-harass sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng mga paratang na mali at walang ebidensiya. Kinilala ng Komisyon na ang anim na programa ay nagpakita ng diskriminasyon laban sa mga Saksi ni Jehova at tahasang pagbale-wala sa mga tuntunin ng professional journalism.

Sa pagpapataw ng multa, sinabi ng Komisyon na “ang lahat ng miyembro ng relihiyong ito ay biktima ng di-nararapat at labag-sa-batas na pagkilos, na tugma sa tunay na kahulugan ng harassment.” Matapos nitong ipaliwanag na ang karapatan sa malayang pagsasalita ay may mga limitasyon at hindi dapat magsulsol ng pagkapoot, sinabi ng Komisyon na “ang ginawa ng mga nasasakdal sa kasong ito ay hindi mapagpapaumanhinan.”

Bilang pagtatapos, sinabi ng Komisyon na ang mga kasinungalingang ikinalat nila laban sa mga Saksi ni Jehova ay partikular na napakabigat. Tinutulan nito ang pagtanggi ng SKAT TV at ng mga journalist nito na panagutan ang ginawa nila at tanggapin ang kanilang pagkakamali. Kaya para ipakita kung gaano kalubha ang mga paglabag, pinagmulta sila ng Komisyon ng halaga na mas malaki kaysa karaniwan.

Nalutas Dahil sa Kapuri-puring Pag-aksiyon

Pinupuri ng mga Saksi ang Komisyon dahil nanindigan ito laban sa pamamahayag na naninirang-puri at di-patas. At yamang napapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa gayon ding pagtrato ng ibang media outlet sa Bulgaria, ang desisyong ito ay magsisilbing babala sa kanila na huwag tularan ang maling pagpaparatang at panunulsol ng pagkapoot.

“Walang matutuwa na may magbobrodkast ng di-totoo tungkol sa kanila, at ganiyan ang damdamin namin,” ang sabi ni Krassimir Velev, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria. “Narinig ng mga tao sa Bulgaria ang negatibong propaganda, kaya importante na marinig din nila ang totoo tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at natutuwa kami na kumilos ang Komisyon para ayusin ang bagay na ito.”

^ par. 5 Noong Hulyo 8, 2015, muling ibinrodkast ng SKAT TV ang video ng malupit na pag-atake sa mga Saksi noong Abril 17, 2011, anupat patuloy ito sa pagkakalat ng maling impormasyon at pagsusulsol ng poot laban sa mga Saksi ni Jehova.