Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 29, 2023
ARGENTINA

Public Witnessing sa FIFA U-20 World Cup sa Argentina

Public Witnessing sa FIFA U-20 World Cup sa Argentina

Idinaos ang FIFA U-20 World Cup sa apat na lunsod sa Argentina simula noong Mayo 20 hanggang Hunyo 11, 2023. Tinatayang mahigit 400,000 mula sa Argentina at sa ibang bansa ang dumalo sa event na ito na tumagal nang tatlong linggo. Naglagay ng mga display cart ng literatura sa iba’t ibang oras at lokasyon. Mga 500 kapatid ang nakibahagi sa gawaing ito, at mahigit 500 literatura ang naipamahagi. Inanyayahan ng mga Saksi ang mga tao na puntahan ang jw.org para masagot ang mga tanong nila sa Bibliya.

Isang lalaki na tagaroon ang lumapit sa cart at sinabi sa mga Saksi na nag-e-enjoy siya sa mga podcast habang nag-e-exercise. Ipinakita sa kaniya ng isang brother kung paano ida-download ang mga publikasyon sa audio format. Sinabi ng lalaki na isasama niya sa playlist niya ang mga publikasyon natin.

Para mapansin ng maraming bisita mula sa ibang bansa, nag-display ng mga literature cart sa siyam na wika. Pinag-aralan din ng maraming mamamahayag ang mga simpleng pagbati sa iba’t ibang wika para makausap ang mga lumalapit sa cart. Sinabi ng isa sa mga brother na nakibahagi sa public witnessing: “Masayang-masaya ako kasi nagkaroon ako ng bahagi sa pagpapatotoo sa mga tao mula sa maraming bansa. Nakita ko na talagang napakabait ni Jehova at hindi siya nagtatangi.”

Kapansin-pansin na pinayagan ng mga nag-organisa ng FIFA U-20 World Cup ang mga Saksi ni Jehova na mag-display ng mga cart sa mga lugar na karaniwan nang hindi pinapapasok ang mga manonood para matiyak ang seguridad. Sinabi ng isa sa mga nag-organisa nito kung bakit, “Alam namin na mapagpayapa ang mga Saksi ni Jehova at hindi sila banta sa seguridad.” Kaya isang magandang patotoo ito sa mga tauhan na nangangalaga sa seguridad.

Nakakapagpatibay makita na ginagawa ng mga lingkod ni Jehova ang lahat para maabot ang lahat ng uri ng tao at maihasik sa buong mundo ang mga binhi ng katotohanan tungkol sa Kaharian.​—Eclesiastes 11:6.