Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sino ang “babae” na binabanggit sa Isaias 60:​1, at paano siya “bumangon” at ‘nagpasinag ng liwanag’?

Mababasa sa Isaias 60:1: “Bumangon ka, O babae, magpasinag ka ng liwanag, dahil dumating na ang iyong liwanag. Sumisikat sa iyo ang kaluwalhatian ni Jehova.” Makikita sa konteksto na ang “babae” ay tumutukoy sa Sion, o Jerusalem, ang kabisera ng Juda nang panahong iyon. a (Isa. 60:14; 62:​1, 2) Kumakatawan ang lunsod ng Jerusalem sa buong bansang Israel. May dalawang tanong tayong sasagutin tungkol sa tekstong ito: Una, kailan at paano “bumangon” at nagpasinag ng espirituwal na liwanag ang Jerusalem? Ikalawa, may mas malaking katuparan ba sa panahon natin ang sinabi ni Isaias?

Kailan at paano “bumangon” at nagpasinag ng espirituwal na liwanag ang Jerusalem? Habang tapon ang mga Judio sa Babilonya sa loob ng 70 taon, nanatiling wasak ang Jerusalem at ang templo nito. Pero nang matalo ng mga Medo at mga Persiano ang Babilonya, pinayagan nang bumalik sa bayan nila ang mga Israelita na nakatira sa mga lugar na sakop ng Imperyo ng Babilonya. Dahil dito, posible nang maibalik ang tunay na pagsamba. (Ezra 1:​1-4) Noong 537 B.C.E., bumalik sa Jerusalem ang isang grupo ng tapat na mga Israelita na mula sa 12 tribo. (Isa. 60:4) Nakapaghandog na ulit sila kay Jehova, nakapagdiwang ng mga kapistahan, at sinimulan na nilang itayong muli ang templo. (Ezra 3:​1-4, 7-11; 6:​16-22) Muli, sumikat ang kaluwalhatian ni Jehova sa Jerusalem—suminag na itong muli sa bayan ng Diyos. Kaya naman, naging makasagisag na liwanag sila sa mga bansa na nasa espirituwal na kadiliman.

Pero hindi lubusang natupad sa sinaunang Jerusalem ang mga hula ni Isaias. Naging masuwayin sa Diyos ang karamihan sa mga Israelita. (Neh. 13:27; Mal. 1:​6-8; 2:​13, 14; Mat. 15:​7-9) Itinakwil pa nga nila ang Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Mat. 27:​1, 2) Noong 70 C.E., nawasak ulit ang Jerusalem at ang templo nito.

Inihula ni Jehova na talagang mangyayari ito. (Dan. 9:​24-27) Maliwanag na hindi niya layunin na lubusang matupad sa sinaunang Jerusalem ang mga hula sa Isaias kabanata 60.

May mas malaking katuparan ba sa panahon natin ang mga sinabi ni Isaias? Oo, natutupad ito ngayon sa isa pang makasagisag na babae—“ang Jerusalem sa itaas.” Ganito ang isinulat ni apostol Pablo tungkol sa kaniya: “Siya ang ating ina.” (Gal. 4:26) Ang Jerusalem sa itaas ay ang makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos. Binubuo ito ng tapat na mga espiritung nilalang. Kasama sa “mga anak” ng babaeng ito si Jesus at ang 144,000 pinahirang Kristiyano na may pag-asa sa langit. Isa dito si Pablo. Ang pinahirang mga Kristiyano ang bumubuo sa “banal na bansa”—ang “Israel ng Diyos.”​—1 Ped. 2:9; Gal. 6:16.

Paano “bumangon” at ‘nagpasinag ng liwanag’ ang Jerusalem sa itaas? Nagawa niya ito sa pamamagitan ng pinahirang mga anak niya sa lupa. Tingnan natin ang mga naranasan nila at ikumpara ito sa mga hula sa Isaias kabanata 60.

Kailangang “bumangon” ng mga pinahirang Kristiyano kasi napunta sila sa espirituwal na kadiliman nang kumalat ang apostasya pagkamatay ng mga apostol. (Mat. 13:​37-43) Nang panahong iyon, naging bihag sila ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Nanatiling bihag ang mga pinahiran hanggang sa “katapusan ng sistemang ito,” na nagsimula noong 1914. (Mat. 13:​39, 40) Pero noong 1919, napalaya sila at agad silang nagpasinag ng espirituwal na liwanag—ginawa nila ang buong makakaya nila para sa gawaing pangangaral. b Sa paglipas ng mga taon, nakinabang sa liwanag na iyan ang mga tao mula sa lahat ng bansa, kasama na ang mga natitira sa Israel ng Diyos—ang “mga hari” na binabanggit sa Isaias 60:3.​—Apoc. 5:​9, 10.

Sa hinaharap, mas lalo pang papasinagin ng pinahirang mga Kristiyano ang liwanag mula kay Jehova. Paano? Kapag namatay ang isang pinahiran, magiging bahagi siya ng “Bagong Jerusalem,” o nobya ni Kristo, na binubuo ng 144,000 kapuwa niya hari at saserdote.​—Apoc. 14:1; 21:​1, 2, 24; 22:​3-5.

Malaki ang magiging papel ng Bagong Jerusalem sa katuparan ng Isaias 60:1. (Ihambing ang Isaias 60:​1, 3, 5, 11, 19, 20 sa Apocalipsis 21:​2, 9-11, 22-26.) Kung paanong ang Jerusalem noon ang naging sentro ng pamamahala sa sinaunang Israel, ganiyan din ang Bagong Jerusalem. Kasama ang Kristo, ito ang magiging sentro ng pamamahala sa bagong sanlibutan. Paano “bumababa ng langit mula sa Diyos” ang Bagong Jerusalem? Sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagbabago na may kinalaman sa lupa. Ang mga taong may takot sa Diyos mula sa lahat ng bansa ay “lalakad sa liwanag nito.” Mapapalaya rin sila sa kasalanan at kamatayan. (Apoc. 21:​3, 4, 24) Sa bandang huli, lubusang ‘maibabalik sa dati ang lahat ng bagay,’ gaya ng inihula ni Isaias at ng iba pang propeta. (Gawa 3:21) Nagsimula ang lubusang pagbabalik na iyan nang maging Hari ang Kristo at matatapos sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari niya.

a Sa Isaias 60:​1, ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang salitang “babae” imbes na “Sion,” o “Jerusalem,” dahil ang mga pandiwang Hebreo para sa “bumangon” at ‘magpasinag ng liwanag’ ay nasa kasariang pambabae, gaya rin ng panghalip na “iyo.” Makakatulong ang salitang “babae” para maunawaan ng mga mambabasa na isang makasagisag na babae ang tinutukoy dito.

b Ang pagbabalik ng tunay na pagsamba na nangyari noong 1919 ay inilarawan din sa Ezekiel 37:​1-14 at Apocalipsis 11:​7-12. Inihula ni Ezekiel ang espirituwal na pagbabalik ng lahat ng pinahirang Kristiyano pagkatapos ng isang napakahabang panahon ng pagkabihag. Ang hula naman sa Apocalipsis ay tumutukoy sa makasagisag na muling pagsilang ng isang maliit na grupo ng pinahirang mga brother na nangunguna. Nakulong nang maikling panahon ang mga brother na ito, kaya hindi sila aktibong nakapaglingkod kay Jehova nang mga panahong iyon. Pero makasagisag silang naisilang-muli noong 1919 nang atasan sila bilang ang “tapat at matalinong alipin.”​—Mat. 24:45; tingnan ang Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova, p. 118.