Genesis 26:1-35
26 At nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod pa sa unang taggutom na nangyari nang mga araw ni Abraham,+ kung kaya nagpunta si Isaac kay Abimelec, na hari ng mga Filisteo, sa Gerar.+
2 Sa gayon ay nagpakita si Jehova sa kaniya at nagsabi:+ “Huwag kang bumaba sa Ehipto. Magtabernakulo ka sa lupain na tutukuyin ko sa iyo.+
3 Manirahan ka bilang dayuhan sa lupaing ito,+ at ako ay patuloy na sasaiyo at pagpapalain kita, sapagkat sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito,+ at tutuparin ko ang sinumpaang kapahayagan na isinumpa ko kay Abraham na iyong ama,+
4 ‘At pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito;+ at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili,’+
5 dahil nakinig si Abraham sa aking tinig at patuloy na tinupad ang kaniyang mga katungkulan sa akin, ang aking mga utos, ang aking mga batas, at ang aking mga kautusan.”+
6 Kaya tumahan si Isaac sa Gerar.+
7 Buweno, ang mga lalaki sa dakong iyon ay palaging nagtatanong may kinalaman sa kaniyang asawa, at sinasabi niya: “Siya ay kapatid ko.”+ Sapagkat natatakot siyang sabihing “Asawa ko” dahil, ang sabi niya, baka “patayin ako ng mga lalaki sa dakong iyon dahil kay Rebeka,” sapagkat siya ay may kaakit-akit na anyo.+
8 At nangyari, samantalang lumalawig ang kaniyang mga araw roon, si Abimelec, na hari ng mga Filisteo, ay tumingin mula sa bintana at tumanaw, at naroon si Isaac na nagpapakasayang kasama ni Rebeka na kaniyang asawa.+
9 Kaagad na tinawag ni Abimelec si Isaac at sinabi: “Aba, siya pala ay asawa mo! Kaya bakit mo sinabi, ‘Siya ay kapatid ko’?” Dahil dito ay sinabi ni Isaac sa kaniya: “Sinabi ko iyon sapagkat baka ako mamatay dahil sa kaniya.”+
10 Ngunit nagpatuloy si Abimelec: “Ano itong ginawa mo sa amin?+ Kaunti na lamang at tiyak na nasipingan na ng sinuman sa bayan ang iyong asawa, at ikaw ay nakapagdala na ng pagkakasala sa amin!”+
11 Nang magkagayon ay nag-utos si Abimelec sa buong bayan, na sinasabi: “Ang sinumang gumalaw sa lalaking ito at sa kaniyang asawa ay tiyak na papatayin!”
12 Pagkatapos ay nagsimulang maghasik si Isaac ng binhi sa lupaing iyon,+ at nang taóng iyon ay nakakuha siya ng hanggang sa isang daang takal sa bawat isa,+ sapagkat pinagpapala siya ni Jehova.+
13 Dahil dito ay naging dakila ang lalaki at patuloy pang sumulong at naging dakila hanggang sa siya ay maging lubhang dakila.+
14 At siya ay nagkaroon ng mga kawan ng mga tupa at mga kawan ng mga baka at malaking kalipunan ng mga lingkod,+ anupat kinainggitan siya+ ng mga Filisteo.
15 Kung tungkol sa lahat ng balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama noong mga araw ni Abraham na kaniyang ama,+ ang mga ito ay tinabunan ng mga Filisteo at pinunô nila ng tuyong lupa.+
16 Nang dakong huli ay sinabi ni Abimelec kay Isaac: “Umalis ka sa aming pamayanan, sapagkat ikaw ay naging totoong higit na malakas kaysa sa amin.”+
17 Kaya si Isaac ay umalis mula roon at nagkampo sa agusang libis ng Gerar+ at nanahanan doon.
18 At muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na hinukay nila noong mga araw ni Abraham na kaniyang ama na tinabunan ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham;+ at ibinalik niya ang pagtawag sa mga pangalan nito ayon sa mga pangalan na itinawag dito ng kaniyang ama.+
19 At ang mga lingkod ni Isaac ay humukay sa agusang libis kaya nakasumpong sila roon ng isang balon ng sariwang tubig.
20 At ang mga pastol ng Gerar ay nakipagtalo sa mga pastol ni Isaac,+ na sinasabi: “Ang tubig ay amin!” Dahil dito ay tinawag niyang Esek ang pangalan ng balon, sapagkat nakipag-away sila sa kaniya.
21 At humukay sila ng isa pang balon, at pinagtalunan din nila iyon. Dahil dito ay tinawag niyang Sitna ang pangalan nito.
22 Nang maglaon ay umalis siya mula roon at humukay ng isa pang balon,+ ngunit hindi nila pinagtalunan iyon. Dahil dito ay tinawag niyang Rehobot ang pangalan nito at sinabi: “Ito ay sapagkat binigyan tayo ngayon ni Jehova ng sapat na dako+ at ginawa niya tayong palaanakin sa lupa.”+
23 Nang magkagayon ay umahon siya mula roon patungo sa Beer-sheba.+
24 At si Jehova ay nagpakita sa kaniya nang gabing iyon at nagsabi: “Ako ang Diyos ni Abraham na iyong ama.+ Huwag kang matakot,+ sapagkat ako ay sumasaiyo, at pagpapalain kita at pararamihin ko ang iyong binhi dahil kay Abraham na aking lingkod.”+
25 Sa gayon ay nagtayo siya roon ng isang altar at tumawag sa pangalan ni Jehova+ at nagtayo roon ng kaniyang tolda,+ at ang mga lingkod ni Isaac ay nagdukal ng isang balon doon.
26 Nang maglaon ay pumaroon si Abimelec sa kaniya mula sa Gerar kasama si Ahuzat na kaniyang matalik na kaibigan at si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo.+
27 Dahil dito ay sinabi ni Isaac sa kanila: “Bakit kayo pumarito sa akin, gayong kayo ay napoot sa akin anupat itinaboy ninyo ako mula sa inyong pamayanan?”+
28 Dito ay sinabi nila: “Walang alinlangang nakita namin na si Jehova ay sumasaiyo.+ Kaya sinabi namin, ‘Pakisuyo, magkaroon ng isang sumpaang pananagutan sa pagitan natin,+ sa amin at sa iyo, at makikipagtipan kami sa iyo,+
29 na hindi ka gagawa sa amin ng anumang masama kung paanong hindi ka namin ginalaw at kung paanong mabuti lamang ang ginawa namin sa iyo anupat pinayaon ka namin nang payapa.+ Ikaw ngayon ang pinagpala ni Jehova.’ ”+
30 Nang magkagayon ay naghanda siya ng isang piging para sa kanila at sila ay kumain at uminom.+
31 Nang sumunod na umaga ay maaga silang bumangon at nagsumpaan sila sa isa’t isa.+ Pagkatapos ay pinayaon sila ni Isaac at sila ay humayo mula sa kaniya nang payapa.+
32 At nangyari, nang araw na iyon ay dumating ang mga lingkod ni Isaac at nag-ulat sa kaniya may kinalaman sa balon na hinukay nila,+ at sinabi sa kaniya: “Nakasumpong kami ng tubig!”
33 Dahil dito ay tinawag niyang Siba ang pangalan nito. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan ng lunsod ay Beer-sheba,+ hanggang sa araw na ito.
34 At si Esau ay umabot ng apatnapung taóng gulang. Nang magkagayon ay kinuha niya bilang asawa si Judit na anak ni Beeri na Hiteo at gayundin si Basemat na anak ni Elon na Hiteo.+
35 At sila ay naging sanhi ng kapaitan ng espiritu para kay Isaac at kay Rebeka.+