Eclesiastes 3:1-22
3 Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,+ isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit:
2 panahon ng kapanganakan+ at panahon ng kamatayan;+ panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim;+
3 panahon ng pagpatay+ at panahon ng pagpapagaling;+ panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo;+
4 panahon ng pagtangis+ at panahon ng pagtawa;+ panahon ng paghagulhol+ at panahon ng pagluksu-lukso;+
5 panahon ng paghahagis ng mga bato+ at panahon ng pagtitipon ng mga bato;+ panahon ng pagyakap+ at panahon ng pag-iwas sa pagyakap;+
6 panahon ng paghanap+ at panahon ng pagtanggap sa pagkawala; panahon ng pag-iingat at panahon ng pagtatapon;+
7 panahon ng pagpunit+ at panahon ng pananahi;+ panahon ng pagtahimik+ at panahon ng pagsasalita;+
8 panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot;+ panahon para sa digmaan+ at panahon para sa kapayapaan.+
9 Ano ang pakinabang ng manggagawa sa kaniyang pinagpapagalan?+
10 Nakita ko ang kaabalahang ibinigay ng Diyos sa mga anak ng sangkatauhan upang pagkaabalahan.+
11 Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan nito.+ Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso,+ upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.+
12 Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay;+
13 at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal.+ Iyon ang kaloob ng Diyos.+
14 Nalaman ko na ang lahat ng bagay na ginagawa ng tunay na Diyos, iyon ay magiging hanggang sa panahong walang takda.+ Doon ay walang anumang idaragdag at mula roon ay walang anumang babawasin;+ kundi ang tunay na Diyos mismo ang gumawa nito,+ upang matakot ang mga tao dahil sa kaniya.+
15 Ang anumang nangyari, iyon ay nangyari na noon, at ang darating ay umiral na noon;+ at patuloy na hinahanap ng tunay na Diyos+ yaong tinutugis.+
16 At nakita ko pa sa ilalim ng araw ang dako ng katarungan kung saan may kabalakyutan at ang dako ng katuwiran kung saan naroon ang kabalakyutan.+
17 Ako ay nagsabi sa aking puso:+ “Hahatulan ng tunay na Diyos kapuwa ang matuwid at ang balakyot,+ sapagkat may panahon para sa bawat pangyayari at may kaugnayan sa bawat gawa roon.”+
18 Ako nga ay nagsabi sa aking puso may kinalaman sa mga anak ng sangkatauhan, na sila ay pipiliin ng tunay na Diyos, upang makita nila na sila man ay mga hayop.+
19 Sapagkat may kahihinatnan ang mga anak ng sangkatauhan at may kahihinatnan ang hayop, at ang kanilang kahihinatnan ay magkatulad.+ Kung paanong ang isa ay namamatay, gayundin namamatay yaong isa;+ at silang lahat ay may iisang espiritu,+ anupat ang tao ay walang kahigitan sa hayop, sapagkat ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.
20 Ang lahat ay pumaparoon sa iisang dako.+ Silang lahat ay nanggaling sa alabok,+ at silang lahat ay bumabalik sa alabok.+
21 Sino ang nakaaalam sa espiritu ng mga anak ng sangkatauhan, kung iyon ay umaakyat nang paitaas; at sa espiritu ng hayop, kung iyon ay lumulusong nang pababa sa lupa?+
22 At nakita ko na wala nang mas mabuti kundi ang tao ay magsaya sa kaniyang mga gawa,+ sapagkat iyon ang kaniyang takdang bahagi; sapagkat sino ang magbabalik sa kaniya upang makita kung ano ang mangyayari pagkatapos niya?+