Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 19

Malaki ang Pamilya ni Jacob

Malaki ang Pamilya ni Jacob

TINGNAN mo nga ang malaking pamilyang ito. Ito ang 12 anak na lalaki ni Jacob. May mga anak din siyang babae. Alamin natin ang mga pangalan ng ilan sa kanila.

Ipinanganak ni Lea sina Ruben, Simeon, Levi at Juda. Walang anak si Rachel kaya ibinigay niya kay Jacob ang kaniyang alilang si Bilha. Nagkaanak si Bilha ng dalawang lalaki, sina Dan at Neptali. Ibinigay din ni Lea kay Jacob ang alila niyang si Zilpa. Isinilang ni Zilpa sina Gad at Aser. Nagkaanak pa uli si Lea ng dalawang lalaki, sina Issachar at Zabulon.

Sa wakas ay nagkaanak din si Rachel. Tinawag niya itong Jose. Nang bandang huli ay naging tanyag si Jose. Ito ang 11 anak na lalaki na isinilang kay Jacob noong nakatira siya sa tatay ni Rachel na si Laban.

Pagkatapos ay tinipon ni Jacob ang malaking pamilya niya pati na ang kaniyang mga tupa at baka, at nagbalik sila sa Canaan.

Sa Canaan, nanganak uli si Rachel ng isa pang lalaki. Masyadong nahirapan si Rachel, kaya namatay siya sa panganganak. Pero malusog naman ang sanggol. Tinawag siya ni Jacob na Benjamin.

Gusto nating tandaan ang pangalan ng 12 anak na lalaki ni Jacob kasi ang buong bansang Israel ay galing sa kanila. Sa katunayan, ang 12 tribo ng Israel ay tinawag sa pangalan ng 10 anak ni Jacob at sa dalawang anak ni Jose. Si Isaac, ang ama ni Jacob, ay tiyak na tuwang-tuwa dahil marami siyang apo. Pero tingnan natin kung ano ang nangyari sa apo niyang babae, si Dina.