Wala Nang mga Sakuna!
Wala Nang mga Sakuna!
KUNG may magsabi sa iyo, “Malapit nang mawala ang mga sakuna,” ano ang magiging reaksiyon mo? Baka sabihin mo, “Nananaginip ka yata. Bahagi na iyan ng buhay.” O baka maisip mo, ‘Sinong niloloko niya?’
Bagaman waring bahagi na nga ng buhay ang likas na mga sakuna, may basehan pa rin tayo para umasang mababago ang ganitong kalagayan. Pero hindi ito mangyayari dahil sa pagsisikap ng mga tao. Hindi kaya ng tao na lubusang maunawaan ang mga nangyayari sa kalikasan, at lalo nang hindi nila kayang kontrolin o baguhin ang mga iyon. Si Haring Solomon ng sinaunang Israel, kilaláng marunong at mapagmasid, ay sumulat: “Hindi matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw; gaano mang pagpapagal ang gawin ng mga tao upang masumpungan, gayunma’y hindi nila natutuklasan. At sabihin man nila na may sapat silang karunungan upang makaalam, hindi nila matutuklasan.”—Eclesiastes 8:17.
Kung hindi kayang kontrolin ng tao ang likas na mga sakuna, sino ang makagagawa nito? Tinutukoy ng Bibliya na ang ating Maylalang ang makagagawa nito. Siya ang nagtatag ng ekolohikal na mga sistema ng lupa, gaya ng siklo ng tubig. (Eclesiastes 1:7) At di-gaya ng tao, walang-limitasyon ang kapangyarihan ng Diyos. Bilang patotoo, sinabi ni propeta Jeremias: “O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, ikaw ang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong unat na bisig. Ang lahat ng bagay na ito ay hindi lubhang kamangha-mangha para sa iyo.” (Jeremias 32:17) Yamang ang Diyos ang gumawa ng lupa at ng lahat ng elemento nito, natural lang na alam niya ang kaniyang gagawin para maging payapa at tiwasay ang buhay ng mga tao rito.—Awit 37:11; 115:16.
Kung gayon, paano gagawin ng Diyos ang kinakailangang pagbabago? Matatandaan na binanggit sa ikalawang artikulo ng seryeng ito na ang mga nakagigimbal na bagay na nangyayari sa lupa sa ngayon ay bahagi ng “tanda” ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Mateo 24:3; Lucas 21:31) Ang Kaharian ng Diyos, isang gobyerno na itinatag ng Diyos sa langit, ang gagawa ng malalaking pagbabago sa lupa at kokontrol pa nga sa likas na mga elemento. Bagaman may kapangyarihan ang Diyos na Jehova na gawin iyan, ipinasiya niyang iatas iyan sa kaniyang Anak. Tungkol sa isang ito, sinabi ni propeta Daniel: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.”—Daniel 7:14.
Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay binigyan ng kapangyarihan upang gawin ang lahat ng kinakailangang pagbabago para maging kasiya-siyang tahanan ang lupa. Noong nasa lupa si Jesus, dalawang libong taon na ang nakalilipas, ipinakita niya na kaya niyang kontrolin ang likas na mga elemento. Minsan, habang siya at ang kaniyang mga alagad ay nakasakay sa bangka sa Dagat ng Galilea, “nagsimula ang isang napakalakas na buhawi, at patuloy na humahampas sa bangka ang mga alon, anupat malapit nang lumubog ang bangka.” Nataranta ang kaniyang mga alagad. Sa takot na mamatay, humingi sila ng tulong kay Jesus. Ano ang ginawa ni Jesus? “Sinaway [niya] ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, at nagkaroon ng lubos na katahimikan.” Namangha ang kaniyang mga alagad at nagtanong: “Sino nga bang talaga ito, sapagkat maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”—Marcos 4:37-41.
Nang umakyat si Jesus sa langit, tumanggap siya ng higit pang kapangyarihan at awtoridad. Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, may pananagutan siya at kakayahang gawin ang lahat ng kinakailangang pagbabago para mabigyan ang mga tao ng isang payapa at tiwasay na buhay sa lupa.
Pero gaya ng alam natin, marami sa mga problema at sakuna ay kagagawan ng tao, na pinalulubha ng mapagsamantala at sakim na mga indibiduwal. Ano ang gagawin ng Kaharian sa mga taong iyan na ayaw magbago? Binanggit ng Bibliya ang tungkol sa Panginoong Jesus na dumarating “mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” Oo, ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—2 Tesalonica 1:7, 8; Apocalipsis 11:18.
Pagkatapos, lubusan nang kokontrolin ng “Hari ng mga hari,” si Jesu-Kristo, ang mga elemento sa lupa. (Apocalipsis 19:16) Titiyakin niyang hindi na daranas ng anumang kalamidad ang mga sakop ng Kaharian. Gagamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para kontrolin ang mga elementong nakaaapekto sa lagay at siklo ng panahon sa kapakinabangan ng mga tao. Bilang resulta, matutupad na ang pangako ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan: “Tiyak na ibibigay ko rin sa inyo ang mga buhos ng ulan sa kanilang tamang panahon, at ibibigay nga ng lupain ang kaniyang ani, at ibibigay ng punungkahoy sa parang ang kaniyang bunga.” (Levitico 26:4) Ang mga tao ay hindi na rin matatakot na masira ng kalamidad ang kanilang itinatayong bahay: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.”—Isaias 65:21.
Ano ang Dapat Mong Gawin?
Gaya ng marami, tiyak na gusto mo ring manirahan sa isang daigdig na wala nang mga sakuna. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Yamang ang “mga hindi nakakakilala sa Diyos” at ang “mga hindi sumusunod sa mabuting balita” ay hindi makapaninirahan sa ipinangakong daigdig na wala nang mga sakuna, maliwanag na dapat muna nilang alamin ang tungkol sa Diyos at suportahan ang kaniyang kaayusan ng pamamahala sa lupa. Hinihiling ng Diyos na makilala natin siya at sundin ang mabuting balita ng Kaharian na itinatag niya sa pamamagitan ng kaniyang Anak.
Para magawa ito, dapat na masusi mong pag-aralan ang Bibliya. Naglalaman ito ng mga tagubilin para maging kuwalipikado ang isa na manirahan sa isang tiwasay na kapaligiran sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Bakit hindi ka magpatulong sa mga Saksi ni Jehova na matutuhan ang itinuturo ng Bibliya? Handa silang tulungan ka. Isang bagay ang tiyak—kung magsisikap kang makilala ang Diyos at sumunod sa mabuting balita, matutupad sa iyo ang sinasabi sa Kawikaan 1:33: “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”