Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Paano Magiging Maligaya ang Inyong Pamilya?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Bakit mahalaga ang kasal para maging maligaya ang pamilya?
Si Jehova, ang maligayang Diyos, ang nagpasimula ng pag-aasawa. Napakahalaga nito para maging maligaya ang pamilya dahil hindi lang ito naglalaan ng kasama kundi naglalaan din ng matatag na pundasyon para sa pagpapalaki ng mga anak. Ano ang pangmalas ng Diyos sa kasal? Gusto niyang maging permanente at legal na nakarehistro ang pagsasama ng isang lalaki at isang babae. (Lucas 2:1-5) Gusto ng Diyos na maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. (Hebreo 13:4) Pinapayagan lang ni Jehova ang isang Kristiyano na makipagdiborsiyo at mag-asawang muli kapag nangalunya ang kaniyang asawa.—Basahin ang Mateo 19:3-6, 9.
2. Paano dapat pakitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa?
Nilalang ni Jehova ang lalaki at babae para magtulungan sa isa’t isa. (Genesis 2:18) Bilang ulo ng pamilya, ang lalaki ang dapat manguna sa paglalaan ng materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya at sa pagtuturo sa kanila tungkol sa Diyos. Dapat siyang maging mapagsakripisyo alang-alang sa pag-ibig niya sa kaniyang asawa. Dapat ibigin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. Yamang pareho silang di-sakdal, ang pagpapatawad ay napakahalaga sa maligayang pagsasama.—Basahin ang Efeso 4:31, 32; 5:22-25, 33; 1 Pedro 3:7.
3. Dapat mo bang iwan ang iyong asawa kapag hindi na kayo masaya?
Kapag dumaranas kayo ng mga problema, sikaping magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. (1 Corinto 13:4, 5) Hindi iminumungkahi ng Salita ng Diyos ang paghihiwalay bilang solusyon sa inyong mga problema. Pero sa malulubhang sitwasyon, ang isang Kristiyano ay kailangang magpasiya kung hihiwalay siya o hindi.—Basahin ang 1 Corinto 7:10-13.
4. Mga anak, ano ang gusto ng Diyos para sa inyo?
Gusto ni Jehova na maging masaya kayo. Nagbibigay siya ng napakagagandang payo para ma-enjoy ninyo ang inyong kabataan. Gusto niyang matuto kayo mula sa karunungan at karanasan ng inyong mga magulang. (Colosas 3:20) Natutuwa si Jehova sa anumang bagay na ginagawa ninyo para purihin siya.—Basahin ang Eclesiastes 11:9–12:1; Mateo 19:13-15; 21:15, 16.
5. Mga magulang, paano magiging maligaya ang inyong mga anak?
Dapat kayong magsikap na paglaanan ang inyong mga anak ng pagkain, tirahan, at pananamit. (1 Timoteo 5:8) Pero para maging maligaya ang inyong mga anak, dapat din ninyo silang turuang ibigin ang Diyos at matuto mula sa kaniya. (Efeso 6:4) Ang inyong halimbawa sa pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos ay may malaking impluwensiya sa inyong anak. Kapag mula sa Bibliya ang inyong itinuturo, mahuhubog nito ang kaisipan ng inyong anak sa positibong paraan.—Basahin ang Deuteronomio 6:4-7; Kawikaan 22:6.
Nakikinabang ang inyong mga anak kapag sila’y pinatitibay ninyo at pinupuri. Kailangan din nila ang pagtutuwid at disiplina. Ang ganiyang pagsasanay ay proteksiyon sa mga paggawing aagaw sa kanilang kaligayahan. (Kawikaan 22:15) Pero hindi naman dapat na maging marahas o malupit ang pagdidisiplina.—Basahin ang Colosas 3:21.
Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng mga aklat na dinisenyo para tulungan ang mga magulang at anak. Ang mga aklat na ito ay salig sa Bibliya.—Basahin ang Awit 19:7, 11.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.