Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang nakaimpluwensiya sa isang punk rocker na matutuhang mahalin at tulungan ang ibang tao? Ano ang nag-udyok sa isang lalaki sa Mexico na talikuran ang imoral na pamumuhay? Bakit iniwan ng isang nangungunang siklista sa Japan ang pangangarera para maglingkod sa Diyos? Basahin ang kuwento nila.

“Siga Ako Noon, Walang-Galang, at Arogante.”​—DENNIS O’BEIRNE

ISINILANG: 1958

PINAGMULAN: ENGLAND

DATING PUNK ROCKER

ANG AKING NAKARAAN: Ang pamilya ng tatay ko ay taga-Ireland at lumaki akong Katoliko. Nagsisimba akong mag-isa, kahit hindi ko ito gusto. Pero palaisip pa rin ako sa Diyos. Lagi kong dinarasal ang Ama Namin. Pinag-iisipan ko ang kahulugan nito habang nakahiga sa kama sa gabi. Sinusuri ko pa nga ang bawat pananalita nito at inaalam ang kahulugan.

Noong tin-edyer ako, nasangkot ako sa kilusang Rastafarian. Naging interesado rin ako sa mga kilusang pampulitika gaya ng Anti-Nazi League. Pero nagkaroon ako ng rebelyosong pag-uugali dahil sa impluwensiya ng kilusang punk rock. Halos araw-araw akong gumagamit ng droga, lalo na ng marijuana. Ang saloobin ko’y “Wala akong pakialam,” kaya naging lasinggero ako, isinapanganib ko ang aking buhay, at wala akong malasakit sa ibang tao. Hindi ako halos nakikipag-usap sa iba kung sa tingin ko’y wala namang makabuluhang mapag-uusapan. Ayaw ko ring magpalitrato. Pero ngayo’y napag-iisip-isip ko na siga ako noon, walang-galang, at arogante. Mabait at mapagbigay ako sa malalapít lamang sa akin.

Noong mga 20 anyos ako, naging interesado ako sa Bibliya. Isang kaibigan ko na dating nagtutulák ng droga ang nagsimulang magbasa ng Bibliya habang nakabilanggo, at nagkaroon kami ng mahabang usapan tungkol sa relihiyon, Simbahan, at sa impluwensiya ni Satanas sa daigdig. Bumili ako ng isang Bibliya at pinag-aralan ko ito. Binabasa namin ng kaibigan ko ang mga bahagi ng Bibliya, tinatalakay ang aming mga natutuhan, at saka bumubuo ng mga konklusyon. Maraming buwan namin itong ginawa.

Narito ang ilan sa aming konklusyon sa mga nabasa namin: na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sanlibutang ito; na dapat ipangaral ng mga Kristiyano ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos; na hindi sila dapat maging bahagi ng sanlibutang ito, pati na ng pulitika nito; at na ang Bibliya ay nagbibigay ng mainam na patnubay sa moral. Naunawaan namin na ang Bibliya ay totoo at na may tunay na relihiyon. Ngunit alin? Naisip namin ang malalaking relihiyon, ang kanilang karangyaan at seremonya gayundin ang kanilang pakikisangkot sa pulitika, pero hindi gayon si Jesus. Alam namin na hindi sila ginagamit ng Diyos, kaya naipasiya naming suriin ang ilang di-gaanong kilaláng relihiyon.

Nagtanong kami sa mga miyembro ng gayong mga relihiyon. Alam namin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa bawat tanong, kaya agad naming nakikita kung ang sagot nila ay kaayon ng Salita ng Diyos. Pagkatapos, lagi akong nananalangin sa Diyos, ‘Kung ang mga taong ito ay kumakatawan sa tunay na relihiyon, sana’y ipadama mo sa akin na gusto ko silang makausap muli.’ Pero makalipas ang mga buwan, wala pa rin akong makitang grupo na nakasagot sa aming mga tanong mula sa Bibliya; ni ginusto ko mang makausap pa silang muli.

Sa wakas, nakilala naming magkaibigan ang mga Saksi ni Jehova. Itinanong din namin sa kanila ang aming mga tanong, at nasagot nila ang mga ito mula sa Bibliya. Ang sinabi nila ay kapareho ng mga alam na namin. Kaya itinanong namin ang mga hindi pa namin alam. Halimbawa, ano ang pangmalas ng Diyos sa paninigarilyo at pagdodroga? Nasagot din nila ito mula sa Salita ng Diyos. Sumang-ayon kami na dumalo sa pulong sa Kingdom Hall.

Mahirap para sa akin ang dumalo sa pulong. Hindi kasi ako mahilig makihalubilo sa mga tao, kaya hindi ko nagustuhan nang lapitan ako sa Kingdom Hall ng mga taong palakaibigan at mahusay manamit. Inisip ko na may masamang motibo sila sa paglapit sa akin, kaya ayaw ko nang dumalo sa kanilang mga pagpupulong. Pero gaya ng dati, nanalangin ako sa Diyos na bigyan niya ako ng pagnanais na muling makita ang mga taong ito kung sila nga ay kumakatawan sa tunay na relihiyon, at nadama ko ang masidhing pagnanais na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Alam kong kailangan kong ihinto ang pagdodroga, at naihinto ko naman ito. Ang problema ko ay ang paninigarilyo. Ilang beses kong sinubukang ihinto ito pero nabigo ako. Nang marinig kong nagawa ng iba na ihinto agad ang paninigarilyo, ipinanalangin ko ito kay Jehova. Sa tulong niya, naihinto ko ang paninigarilyo. Natutuhan kong mahalagang makipag-usap nang tapatan kay Jehova sa panalangin.

Malaking pagbabago rin ang ginawa ko sa aking pananamit at pag-aayos. Nang una akong dumalo sa Kingdom Hall, tulis-tulis ang buhok ko na may kulay asul. Pagkatapos, kinulayan ko naman ito ng matingkad na orange. Nakamaong ako at leather jacket na may islogan. Hindi ko nakitang kailangan kong magbago, kahit na may-kabaitang ipinaliwanag ito sa akin ng mga Saksi. Pero napag-isip-isip ko ang sinasabi sa 1 Juan 2:15-17: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.” Batid ko na ang aking hitsura ay nagpapakita ng pag-ibig sa sanlibutang ito. At upang ipakita ang pag-ibig ko sa Diyos, kailangan kong magbago. Gayon nga ang ginawa ko.

Natanto ko na hindi lamang ang mga Saksi ang may gustong dumalo ako sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ipinakita sa akin ng Hebreo 10:24, 25 na gusto ng Diyos na gawin ko ito. Pagkatapos kong daluhan ang lahat ng pagpupulong at lubusang makilala ang mga Saksi, nagpasiya akong ialay ang aking buhay kay Jehova at magpabautismo.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Labis akong naantig dahil pinahihintulutan tayo ni Jehova na maging malapít sa kaniya. Ang kaniyang habag at pagmamalasakit ay nagpakilos sa akin na tularan siya at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Natutuhan ko na bagaman sinisikap kong magkaroon ng Kristiyanong personalidad, maaari pa rin naman akong magkaroon ng sariling pagkakakilanlan. Sinikap kong maging maibigin at mapagmalasakit, at tularan si Kristo sa pakikitungo ko sa aking asawa at anak. Mahal ko ang aking mga kapatid sa pananampalataya. Dahil sa pagsunod kay Kristo, nagkaroon ako ng dignidad, paggalang sa sarili, at nagawa kong ibigin ang iba.

“Pinakitunguhan Nila Ako Nang May Dignidad.”​—GUADALUPE VILLARREAL

ISINILANG: 1964

PINAGMULAN: MEXICO

DATING IMORAL

ANG AKING NAKARAAN: Pito kaming magkakapatid na pinalaki sa Hermosillo, sa Sonora, Mexico, isang lugar ng mahihirap. Namatay ang tatay ko nang bata pa ako, kaya kailangang magtrabaho ni Nanay para suportahan kami. Madalas na nakatapák ako dahil wala kaming pambili ng sapatos. Bata pa ako ay nagtatrabaho na ako para makatulong sa pamilya. Gaya ng maraming pamilya, siksikan kami sa bahay.

Karaniwan nang maghapong wala si Nanay sa bahay para protektahan kaming magkakapatid. Nang ako ay 6 na taóng gulang, naging biktima ako ng seksuwal na pang-aabuso ng isang 15-anyos na binatilyo. Nagpatuloy ang pang-aabusong ito sa loob ng mahabang panahon. Dahil dito, nalito ako. Akala ko, normal lamang na maakit sa mga lalaki. Nang humingi ako ng tulong sa mga doktor o klerigo, tiniyak nila sa akin na normal lamang ito.

Nang ako ay 14 anyos na, nagpasiya akong kumilos at magdamit bilang homoseksuwal. Nanatili akong gayon sa sumunod na 11 taon, at nakipagrelasyon pa nga sa iba’t ibang lalaki. Nang maglaon, nag-aral ako upang maging hair stylist at nagkaroon ako ng parlor. Pero hindi ako masaya. Madalas ay nagdurusa ako at nakadaramang pinagtaksilan. Napag-isip-isip kong mali ang ginagawa ko. At naitanong ko sa aking sarili, ‘Mayroon pa bang mabubuting tao?’

Naalaala ko si Ate. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nagpabautismo. Sinasabi niya sa akin ang mga natututuhan niya, pero hindi ko ito pinapansin. Gayunman, hanga ako sa kaniyang pamumuhay at pag-aasawa. Nakikita kong talagang mahal nila at iginagalang ang isa’t isa. Mabait din sila sa isa’t isa. Nang maglaon, isang Saksi ni Jehova ang nakipag-aral ng Bibliya sa akin. Sa umpisa, pinagbibigyan ko lamang siya. Pero nagbago ang mga bagay-bagay.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Niyaya ako ng mga Saksi sa isa sa kanilang mga pagpupulong, at sumama naman ako. Pagdating sa Kingdom Hall, binati ako ng mga Saksi nang may kabaitan at pinakitunguhan nila ako nang may dignidad. Bago ito sa akin. Kasi karaniwan nang pinagtatawanan ako ng mga tao pero hindi ang mga Saksi. Nasaling ang puso ko sa kanila.

Lalo akong humanga sa mga Saksi nang dumalo ako sa isang asamblea. Nakita ko na kahit sa malalaking grupo, para ko silang kapatid​—totoo sila at sinsero. Naitanong ko, ‘Ito na kaya ang grupo ng mabubuting tao na matagal ko nang hinahanap-hanap?’ Hangang-hanga ako sa kanilang pag-ibig at pagkakaisa, pati na sa paggamit nila ng Bibliya sa pagsagot sa bawat tanong. Natalos ko na ang Bibliya ang nasa likod ng kanilang mabuting pamumuhay. At nakita ko rin na kailangan kong gumawa ng maraming pagbabago upang maging isa sa kanila.

Sa katunayan, kailangan kong lubusang magbago, sapagkat ako ay namumuhay na parang babae. Kailangan kong magbago ng pananalita, kilos, pananamit, istilo ng buhok, at mga kaibigan. Nilibak ako ng dati kong mga kaibigan, na sinasabi: “Bakit mo kailangang gawin iyan? Ayos ka naman dati. Huwag ka nang mag-aral ng Bibliya. Tutal, nasa iyo na ang lahat.” Gayunman, ang pinakamahirap baguhin ay ang aking imoral na pamumuhay.

Pero alam kong posible ang malalaking pagbabagong iyon, sapagkat tumagos sa aking puso ang pananalita sa 1 Corinto 6:9-11: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos. Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis.” Tinulungan ni Jehova ang mga tao noon na magbago, at tinulungan din niya ako. Ilang taon din akong nakipaglaban. Malaking tulong sa akin ang patnubay at pag-ibig ng mga Saksi.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Normal na ang buhay ko ngayon. May asawa na ako at tinuturuan naming mag-asawa ang aming anak na lalaki na mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Ibang-iba na ang buhay ko ngayon, at nagtatamasa ako ng maraming espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo. Naglilingkod ako sa kongregasyon bilang isang elder, at nakatulong ako sa iba na matutuhan ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Tuwang-tuwa ang nanay ko sa mga pagbabagong ginawa ko sa aking buhay anupat nag-aral din siya ng Bibliya at naging bautisadong Kristiyano. Naging Saksi ni Jehova rin ang isa kong kapatid na babae na dating imoral.

Napansin ng mga nakakakilala sa akin noon ang pagbabago ko. At alam ko kung ano ang nakatulong sa akin. Humingi ako noon ng propesyonal na tulong ngunit masamang payo lamang ang tinanggap ko. Pero talagang tinulungan ako ni Jehova. Bagaman nadarama kong hindi ako karapat-dapat, napansin niya ako at naging maibigin at matiyaga siya sa akin. Isip-isipin na lang, binigyang-pansin ako ng isang kahanga-hanga, matalino, at maibiging Diyos at nais niyang magbago ako! Napakalaking tulong nito sa akin.

“Malungkot at Walang-Saysay ang Buhay Ko Noon.”​—KAZUHIRO KUNIMOCHI

ISINILANG: 1951

PINAGMULAN: JAPAN

DATING PROPESYONAL NA SIKLISTA

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang tahimik na daungang-bayan sa Shizuoka Prefecture, Japan, kung saan ang aming pamilya na may walong miyembro ay nakatira sa isang maliit na bahay. Si Tatay ay may tindahan ng mga bisikleta. Maliit pa ako ay dinadala na niya ako sa mga karera ng bisikleta kaya naging interesado ako sa isport na ito. Pagkatapos, nagplano si Tatay na gawin akong propesyonal na siklista. Nang ako ay nasa intermediate, sinanay niya ako nang husto. Sa haiskul, nanalo ako ng tatlong sunud-sunod na titulo sa taunang pambansang paligsahan. Inalok ako na maging iskolar sa unibersidad, pero nagpasiya akong mag-aral sa isang paaralan para sa karera ng bisikleta. Sa gulang na 19, naging propesyonal na siklista ako.

Noon, pangarap kong maging sikat na siklista sa Japan upang mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya. Puspusan akong nagsanay. Kapag hiráp na hiráp na ako sa pagsasanay o karera, paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na isinilang ako para maging karerista at kailangan ko lamang magpatuloy! Nagbunga ang aking mga pagpapagal. Napanalunan ko ang titulong pinakamagaling na rookie. Noong ikalawang taon ko, naging kuwalipikado akong sumali sa pinakamalaking karera ng bisikleta sa Japan. Anim na beses akong pumangalawa sa karerang iyon.

Isa ako sa mga namamayagpag na karerista, at nakilala bilang ang malalakas na binti ng Tokai, isang lugar sa Japan. Pursigido akong manalo. Dumating pa nga sa punto na kinatatakutan na ako sa mga karera. Lumaki ang kita ko, at nabibili ko na ang anumang gusto ko. Bumili ako ng bahay na may silid na kumpleto sa pinakamahusay na mga kagamitan sa pag-eehersisyo. Bumili ako ng imported na kotse na halos kasinghalaga ng bahay. Para sa pinansiyal na seguridad, namuhunan ako sa lupa’t bahay at sa stock market.

Pero malungkot at walang-saysay ang buhay ko noon. Nagkapamilya ako, ngunit wala akong pasensiya sa kanila. Nagagalit ako sa kanila kahit sa maliliit na bagay. Ninenerbiyos sila sa akin at tinitingnan nila ang ekspresyon ng aking mukha para malaman kung galit ako.

Nang maglaon, nakipag-aral ng Bibliya ang misis ko sa mga Saksi ni Jehova. Diyan nagsimula ang maraming pagbabago. Sinabi niya na gusto niyang daluhan ang mga pagpupulong ng mga Saksi, kaya nagpasiya akong pupunta kami bilang pamilya. Natatandaan ko pa noong gabing dumalaw ang isang elder sa aming bahay. Nagkaroon ng malalim na impresyon sa akin ang mga natutuhan ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Hinding-hindi ko malilimutan ang sinasabi sa Efeso 5:5: “Walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim​—na nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo​—ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” Nakita ko na ang karera ng bisikleta ay nauugnay sa pagsusugal at nagtataguyod ng kasakiman. Nakonsiyensiya ako. Naisip ko na kung nais kong mapasaya ang Diyos na Jehova, kailangan kong huminto sa pangangarera. Napakahirap na desisyon iyon para sa akin.

Katatapos ko pa lamang ng aking pinakamagandang taon sa pangangarera, at gusto ko pa ng higit. Gayunman, nasumpungan kong nagiging payapa at mahinahon ako dahil sa pag-aaral ng Bibliya​—ibang-iba sa saloobing kailangan ko upang manalo! Mula nang mag-aral ako ng Bibliya, tatlong beses lamang akong nangarera, pero sa puso ko ay gusto ko pang mangarera. Hindi ko rin alam kung paano bubuhayin ang aking pamilya. Hindi ako makapagdesisyon, at pinahihirapan din ako ng aking mga kamag-anak dahil sa aking bagong relihiyon. Dismayadung-dismayado si Tatay. Kaya lalo akong na-stress at nagka-ulser.

Nakatulong ang patuloy na pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Unti-unting tumibay ang aking pananampalataya. Hiniling ko kay Jehova na dinggin ang aking mga panalangin at tulungan akong makitang dinirinig nga niya ako. Naibsan ang stress ko nang sabihin sa akin ng asawa ko na hindi niya kailangan ng malaking bahay para lumigaya. Unti-unti akong sumulong.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Totoo ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:33: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Gaya ng binanggit ni Jesus, hindi kami nagkulang ng “iba pang mga bagay”​—mga pangangailangan sa buhay. Kahit na ang kita ko ay mga 3 porsiyento lamang ng kinikita ko noon bilang karerista, kami ay hindi nagkulang ng anumang bagay sa nakalipas na 20 taon.

Kapag ako’y kasama ng aking mga kapananampalataya, nakasusumpong ako ng kagalakan at kasiyahan na hindi ko nadama noon. Hindi ko namamalayang mabilis na lumilipas ang panahon. Malaki ang ibinuti ng aming pamilya. Ang aking tatlong anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa ay naging tapat na mga lingkod ni Jehova.