Tanong ng mga Mambabasa
Ang mga Likas na Sakuna Ba ay Parusa Mula sa Diyos?
Hindi gumagamit ang Diyos ng likas na sakuna para parusahan ang mga tao. Hindi pa niya ito ginawa, at hinding-hindi niya ito gagawin. Bakit? Dahil “ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Bibliya sa 1 Juan 4:8.
Ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay dahil sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay hindi nananakit sa mga walang-sala, yamang sinasabi ng Bibliya na “ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa.” (Roma 13:10) Sinasabi ng Bibliya sa Job 34:12: “Ang totoo, ang Diyos ay hindi gumagawi nang may kabalakyutan.”
Totoong inihula ng Bibliya na magkakaroon ng mga sakuna sa panahon natin, gaya ng “malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Pero walang pananagutan si Jehova sa mga dulot nitong pagkawasak, kung paanong ang isang tagapag-ulat ng lagay ng panahon ay walang pananagutan sa pinsalang dulot ng bagyong ibinalita niya. Buweno, kung hindi ang Diyos ang nasa likod ng pagdurusa ng tao na dulot ng likas na mga sakuna, ano ang sanhi nito?
“Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo, ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 5:19) Siya ay isang mamamatay-tao mula nang magrebelde siya noong pasimula ng kasaysayan ng tao hanggang sa panahon natin. (Juan 8:44) Para kay Satanas, ang buhay ng tao ay walang halaga. Nangingibabaw kay Satanas ang makasariling ambisyon kaya hindi nakapagtatakang siya ang nagpasimuno sa kasakimang namamayani sa sistema ng daigdig. Binabale-wala ng sistema ng sanlibutan sa ngayon ang pagsasamantala sa tao kaya napipilitan ang maraming walang kalaban-labang mga taong ito na manirahan maging sa delikadong mga lugar kung saan malaki ang posibilidad na mangyari ang likas o gawang-taong mga sakuna. (Efeso 2:2; 1 Juan 2:16) Kaya ang makasariling mga tao ang may pananagutan sa ilang kalamidad na nararanasan ng mga biktima. (Eclesiastes 8:9) Bakit?
Sa paanuman, tao rin ang may kagagawan sa maraming sakuna. Halimbawa, pansinin ang pagdurusang naranasan ng mga residente sa lunsod ng New Orleans, E.U.A. nang bumaha roon dahil sa bagyo, o ang pagkawasak ng mga bahay nang umagos ang putik mula sa kabundukan sa baybayin ng Venezuela. Sa mga pagkakataong iyon at sa iba pang mga pangyayari, ang mga likas na elemento, gaya ng hangin at ulan ay naging sanhi ng sakuna pangunahin nang dahil sa kakulangan ng tao ng kaalaman sa kapaligiran, mahinang klase ng konstruksiyon, hindi mahusay na pagpaplano, hindi pagsunod sa babala, at pagkakamali ng mga awtoridad.
Tingnan ang isang sakuna noong panahon ng Bibliya. Noong panahon ni Jesus, 18 tao ang namatay nang biglang bumagsak ang isang tore. (Lucas 13:4) Malamang na nangyari ang sakunang iyon dahil sa pagkakamali ng tao, sa ‘panahon at di-inaasahang pangyayari,’ o parehong dahil dito—pero tiyak na hindi dahil sa hatol ng Diyos.—Eclesiastes 9:11.
Mayroon na bang mga sakunang Diyos ang may gawa? Oo, pero di-tulad ng likas o gawang-taong mga sakuna, pinipili ni Jehova kung sino lamang ang kaniyang pupuksain, mayroon itong layunin, at bihirang-bihira itong mangyari. Ang dalawang halimbawa nito ay ang pangglobong Baha noong panahon ng patriyarkang si Noe at ang pagkawasak ng lunsod ng Sodoma at Gomorra noong panahon ni Lot. (Genesis 6:7-9, 13; 18:20-32; 19:24) Sa mga paghatol na iyon ng Diyos, nilipol ang ubod-samang mga tao pero iningatang buhay ang mga matuwid sa paningin ng Diyos.
Sa katunayan, ang Diyos na Jehova ay may kakayahan, pagnanais, at kapangyarihang wakasan ang lahat ng pagdurusa at pawiin ang mga pinsalang dulot ng likas na mga sakuna. Ganito ang inihula ng Awit 72:12 tungkol sa hinirang ng Diyos bilang Hari, si Jesu-Kristo: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong.”