Kung Bakit Dapat Tayong Magpakabanal
“Magpakabanal kayo.”—LEV. 11:45.
1. Paano makakatulong sa atin ang aklat ng Levitico?
ANG kabanalan ay mas madalas banggitin sa aklat ng Levitico kaysa sa ibang aklat ng Bibliya. Yamang isang kahilingan sa lahat ng tunay na mananamba ni Jehova ang katangiang ito, ang pagkaunawa at pagpapahalaga sa Levitico ay makakatulong sa atin na magpakabanal.
2. Ano ang ilang bagay na kapansin-pansin sa aklat ng Levitico?
2 Ang aklat ng Levitico, na isinulat ni propeta Moises, ay bahagi ng “lahat ng Kasulatan” na kapaki-pakinabang sa pagtuturo. (2 Tim. 3:16) Kapansin-pansin na ang pangalan ni Jehova ay lumilitaw nang humigit-kumulang 10 beses sa bawat kabanata ng aklat. Mapapatibay tayo ng mga aral mula sa aklat ng Levitico na umiwas sa paggawa ng anumang bagay na magdadala ng upasala sa banal na pangalan. (Lev. 22:32) Ang madalas na paggamit dito ng pananalitang “Ako ay si Jehova” ay dapat na magpaalala sa atin na maging masunurin sa Diyos. Sa artikulong ito at sa susunod, tatalakayin natin ang magagandang aral sa Levitico, isang regalo mula sa Diyos na tutulong sa atin na sambahin siya nang may kabanalan.
KABANALAN—ISANG KAHILINGAN
3, 4. Ano ang inilalarawan ng paghuhugas kay Aaron at sa kaniyang mga anak? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Basahin ang Levitico 8:5, 6. Pinili ni Jehova si Aaron para maglingkod bilang mataas na saserdote ng Israel at ang mga anak naman nito bilang mga saserdote para sa bayan. Lumalarawan si Aaron kay Jesu-Kristo, at ang kaniyang mga anak naman ay sa mga pinahirang tagasunod ni Jesus. Kaya ang paghuhugas ba kay Aaron ay lumalarawan sa paglilinis kay Jesus? Hindi. Si Jesus ay walang kasalanan at “walang dungis,” kaya hindi niya kailangan ang paglilinis. (Heb. 7:26; 9:14) Pero matapos mahugasan si Aaron, siya ay lumalarawan sa malinis at matuwid na si Jesus. Ano naman ang inilalarawan ng paghuhugas sa mga anak ni Aaron?
4 Ang paghuhugas sa mga anak ni Aaron ay lumalarawan sa paglilinis sa mga pinili para maging miyembro ng makalangit na pagkasaserdote. Ang paglilinis bang iyon sa mga anak ni Aaron ay tumutukoy sa bautismo ng mga pinahiran? Hindi. Hindi inaalis ng bautismo ang mga kasalanan; sa halip, sumasagisag ito sa lubos na pag-aalay ng isa sa Diyos na Jehova. Ang mga pinahiran ay nililinis “sa pamamagitan ng salita,” kaya dapat nilang buong-pusong sundin ang mga turo ni Kristo. (Efe. 5:25-27) Sa gayon, sila ay nagiging banal at malinis. Pero kumusta naman ang “ibang mga tupa”?—Juan 10:16.
5. Bakit masasabing nalilinis ang ibang mga tupa sa pamamagitan ng Salita ng Diyos?
5 Ang mga anak ni Aaron ay hindi lumalarawan sa “malaking pulutong” ng ibang mga tupa ni Jesus. (Apoc. 7:9) Napababanal din ba at nalilinis ng Salita ng Diyos ang bautisadong mga indibiduwal na iyon? Oo! Kapag binabasa ng mga may makalupang pag-asa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa halaga at bisa ng itinigis na dugo ni Jesus, nananampalataya sila sa mga salitang ito at nag-uukol ng “sagradong paglilingkod araw at gabi.” (Apoc. 7:13-15) Dahil sa patuluyang paglilinis sa mga pinahiran at sa ibang mga tupa, ‘napananatili nila ang kanilang mainam na paggawi.’ (1 Ped. 2:12) Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova habang pinagmamasdan niya ang kalinisan at pagkakaisa ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa, na nakikinig at may-katapatang sumusunod sa kanilang Pastol, si Jesus!
6. Anong pagsusuri sa sarili ang makakatulong sa atin?
6 May matututuhan ang mga lingkod ni Jehova ngayon sa kahilingan sa mga saserdote sa Israel na maging malinis sa pisikal. Madalas na napapansin ng mga nakikipag-aral ng Bibliya na malinis ang ating mga lugar ng pagsamba, at na malinis tayo sa katawan at maayos manamit. Gayunman, ipinahihiwatig din ng kalinisan ng mga saserdote na ang sinumang umaakyat sa bundok ng pagsamba kay Jehova ay dapat na may ‘malinis na puso.’ (Basahin ang Awit 24:3, 4; Isa. 2:2, 3.) Dapat na malinis ang ating isip, puso, at katawan habang nag-uukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos. Para magawa ito, dapat nating suriin nang madalas ang ating sarili, na maaaring mangahulugan ng paggawa ng malalaking pagbabago. (2 Cor. 13:5) Halimbawa, kung ang isang bautisadong kapatid ay sadyang nanonood ng pornograpya, dapat niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Sinisikap ko bang magpakabanal?’ Pagkatapos, dapat siyang humingi ng tulong para maihinto ang napakaruming bisyong ito.—Sant. 5:14.
MAGPAKABANAL—MAGING MASUNURIN
7. Kaayon ng Levitico 8:22-24, anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus?
7 Nang italaga ang pagkasaserdote sa Israel, nilagyan ng dugo ng barakong tupa ang kanang tainga, hinlalaki ng kamay, at hinlalaki ng paa ng mataas na saserdoteng si Aaron at ng kaniyang mga anak. (Basahin ang Levitico 8:22-24.) Ipinahihiwatig nito na dapat maging masunurin ang mga saserdote at na gagawin nila ang kanilang buong makakaya para gampanan ang kanilang atas. Sa katulad na paraan, ang Mataas na Saserdoteng si Jesus ay nagpakita ng sakdal na halimbawa ng pagsunod para sa mga pinahiran at sa ibang mga tupa. Ang kaniyang tainga ay handang makinig sa sinasabi ng Diyos. Ginamit ni Jesus ang mga kamay niya para gawin ang kalooban ni Jehova, at ang mga paa niya ay hindi lumihis mula sa tamang landasin.—Juan 4:31-34.
8. Ano ang dapat gawin ng lahat ng mananamba ni Jehova?
8 Dapat tularan ng mga pinahirang Kristiyano at ng ibang mga tupa ang halimbawa ng katapatan ng kanilang Mataas na Saserdote. Lahat ng mananamba ni Jehova ay dapat na sumunod sa mga utos sa Salita ng Diyos para hindi nila mapighati ang banal na espiritu. (Efe. 4:30) Dapat silang “gumawa ng tuwid na mga landas para sa [kanilang] mga paa.”—Heb. 12:13.
9. Ano ang sinabi ng tatlong brother na matagal nang katrabaho ang ilang miyembro ng Lupong Tagapamahala? Paano iyon makakatulong sa iyo na magpakabanal?
9 Pansinin ang sinabi ng tatlong brother na may makalupang pag-asa at matagal nang katrabaho ang ilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sinabi ng isa: “Espesyal na pribilehiyo ito, pero dahil lagi namin silang kasama, nakikita namin paminsan-minsan na bagaman pinahiran ng espiritu ang mga lalaking ito, hindi sila sakdal. Pero ang isa sa lagi kong sinisikap na gawin ay maging masunurin sa mga nangunguna.” Sinabi ng ikalawang brother: “Ang mga tekstong gaya ng 2 Corinto 10:5, tungkol sa ‘pagiging masunurin kay Kristo,’ ay nakatulong sa akin na maging masunurin at makipagtulungan sa mga nangunguna. Ito ay pagkamasunurin na mula sa puso.” Ganito naman ang komento ng ikatlo: “Para magawa nating ibigin ang iniibig ni Jehova at kapootan ang kinapopootan niya, at laging magpagabay sa kaniya at mapalugdan siya, kailangan tayong maging masunurin sa kaniyang organisasyon at sa mga ginagamit niya para matupad ang kaniyang layunin sa lupa.” Nalaman ng brother na ito na tinanggap agad ni Nathan Knorr, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang mga punto sa artikulo sa Bantayan noong 1925 na “Birth of the Nation,” kahit na kinuwestiyon ng ilan ang mga puntong iyon. Talagang napahanga siya sa pagkamasunurin ni Brother Knorr. Ang pagsasaisip sa sinabi ng tatlong brother na ito ay makakatulong sa iyo na magpakabanal sa pamamagitan ng pagiging masunurin.
PAGSUNOD SA KAUTUSAN NG DIYOS MAY KINALAMAN SA DUGO
10. Gaano kahalaga ang pagsunod sa utos ng Diyos may kinalaman sa dugo?
10 Basahin ang Levitico 17:10. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag kumain ng “anumang uri ng dugo.” Ang pag-iwas sa dugo—ng hayop o ng tao—ay kahilingan din sa mga Kristiyano. (Gawa 15:28, 29) Ayaw nating ‘italaga ng Diyos ang kaniyang mukha laban sa atin’ at alisin tayo mula sa kaniyang kongregasyon. Mahal natin siya at gusto natin siyang sundin. Kahit manganib pa ang ating buhay, determinado tayong huwag magpadala sa pagmamakaawa o pamimilit ng mga hindi nakakakilala kay Jehova at walang pakialam sa mga utos niya. Oo, alam nating tutuyain tayo dahil sa pag-iwas natin sa dugo, pero gusto nating maging masunurin sa Diyos. (Jud. 17, 18) Anong pananaw tungkol sa paksang ito ang makakatulong sa atin na ‘maging matatag sa pasiyang’ huwag kumain o magpasalin ng dugo?—Deut. 12:23.
11. Bakit masasabi na ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay hindi lang isang ritwal?
11 Sa sinaunang Israel, ginagamit ng mataas na saserdote ang dugo ng hayop sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Ano ang matututuhan natin dito tungkol sa pananaw Lev. 16:14, 15, 19) Ang paggawa nito ay nagbubukas ng daan para mapatawad ni Jehova ang mga kasalanan ng mga Israelita. Gayundin, iniutos ni Jehova na kung ang isa ay papatay ng hayop para kainin, dapat niyang ibuhos ang dugo nito at takpan iyon ng alabok o lupa, “sapagkat ang kaluluwa ng bawat uri ng laman ay ang dugo nito.” (Lev. 17:11-14) Isa lang bang ritwal ang lahat ng ito? Hindi. Ang paggamit ng dugo sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pati na ang utos na ibuhos sa lupa ang dugo, ay kaayon ng iniutos ni Jehova kay Noe at sa kaniyang mga inapo may kinalaman sa dugo. (Gen. 9:3-6) Ipinagbawal ng Diyos na Jehova ang paggamit ng dugo bilang panustos ng buhay. Ano ang kahulugan nito para sa mga Kristiyano?
ng Diyos sa dugo? Ginagamit ang dugo sa pagbabayad-sala para makamit ang kapatawaran ni Jehova. Ang dugo ng toro at ng kambing ay iwiniwisik sa takip at sa harap ng takip ng kaban ng tipan. (12. Sa liham ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo, paano niya iniugnay sa kapatawaran ang dugo?
12 Nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo tungkol sa kakayahan ng dugo na makapagpalinis, ipinaliwanag niya: “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” (Heb. 9:22) Binanggit din ni Pablo na ang mga haing hayop, bagaman may halaga, ay paalaala lang sa mga Israelita na makasalanan sila at na may kailangan pa sila para lubusang maalis ang kasalanan. Oo, ang Kautusan ay “anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kabuuan ng mga bagay.” (Heb. 10:1-4) Paano magiging posible ang kapatawaran ng mga kasalanan?
13. Ano ang nadarama mo sa ginawa ni Jesus na paghahandog ng halaga ng kaniyang dugo kay Jehova?
13 Basahin ang Efeso 1:7. Ang sakripisyong kamatayan ni Jesu-Kristo, na kusang-loob na ‘nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin,’ ay napakahalaga sa lahat ng umiibig sa kaniya at sa kaniyang Ama. (Gal. 2:20) Gayunman, ang ginawa ni Jesus pagkatapos siyang buhaying muli ang talagang nagpalaya sa atin, anupat naging posible ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Tinupad ni Jesus ang inilalarawan ng nangyayari sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa araw na iyon, dinadala ng mataas na saserdote ang dugo ng mga haing hayop sa loob ng Kabanal-banalan ng tabernakulo, o ng templo, na para bang inihaharap iyon sa Diyos mismo. (Lev. 16:11-15) Sa katulad na paraan, pumasok si Jesus sa langit taglay ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo at iniharap iyon kay Jehova. (Heb. 9:6, 7, 11-14, 24-28) Laking pasasalamat natin na napapatawad ang ating mga kasalanan at nalilinis ang ating budhi salig sa pananampalataya sa dugo ni Jesus!
14, 15. Bakit mahalagang maunawaan at sundin ang utos ni Jehova may kinalaman sa dugo?
14 Mas nauunawaan mo na ba ngayon kung bakit inutusan tayo ni Jehova na huwag kumain ng “anumang uri ng dugo”? (Lev. 17:10) Naiintindihan mo ba kung bakit itinuturing niyang sagrado ang dugo? Para sa Diyos, ang dugo ay katumbas ng buhay. (Gen. 9:4) Naniniwala ka ba na dapat nating tanggapin ang pananaw ng Diyos sa dugo at sundin ang kaniyang utos na umiwas dito? Magkakaroon lang tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos kung mananampalataya tayo sa haing pantubos ni Jesus at tatanggapin natin na ang dugo ay may pantanging halaga sa ating Maylalang.—Col. 1:19, 20.
15 Sinuman sa atin ay maaaring mapaharap sa isyu tungkol sa dugo. O baka isang kapamilya o kaibigan ang kailangang magpasiya kung magpapasalin siya ng dugo o hindi. Sa gayong mga pagkakataon, baka kailangan ding magpasiya tungkol sa blood fractions at mga paraan ng paggamot. Kaya napakahalaga na patiunang magsaliksik at maghanda para sa posibleng emergency. Ang gayong paghahanda, na may kasamang panalangin, ay makakatulong sa atin na manindigan at huwag makipagkompromiso. Tiyak na ayaw nating mapalungkot si Jehova dahil tumanggap tayo ng isang bagay na hinahatulan ng kaniyang Salita! Maraming propesyonal sa larangan ng medisina at iba pang tagapagtaguyod ng pagsasalin ng dugo ang humihimok sa mga tao na mag-donate ng dugo para makapagligtas ng buhay. Pero kinikilala ng banal na bayan ni Jehova na ang Maylalang ang may karapatang magtakda kung paano dapat ituring ang dugo. Para sa kaniya, sagrado ang “anumang uri ng dugo.” Dapat na maging determinado tayong sundin ang kaniyang utos may kinalaman sa dugo. Sa pamamagitan ng ating banal na paggawi, pinatutunayan natin sa kaniya na talagang pinahahalagahan natin ang nagliligtas-buhay na dugo ni Jesus—ang tanging dugo na may bisa para mapatawad ang mga kasalanan at maging posible ang buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
KUNG BAKIT INAASAHAN NI JEHOVA NA MAGPAPAKABANAL TAYO
16. Bakit dapat maging banal ang bayan ni Jehova?
16 Noong iligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, sinabi niya sa kanila: “Ako ay si Jehova na nag-ahon sa inyo mula sa lupain ng Ehipto upang ako ay maging Diyos sa inyo; at magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” (Lev. 11:45) Inaasahang magpapakabanal ang mga Israelita dahil banal si Jehova. Bilang mga Saksi ni Jehova, dapat din tayong maging banal. Idiniriin iyan ng aklat ng Levitico.
17. Ano ang masasabi mo tungkol sa aklat ng Levitico?
17 Tiyak na nakinabang ka sa pagtalakay sa ilang bahagi ng Levitico at mas napahalagahan mo ang kinasihang aklat na ito ng Bibliya. Matapos pag-isipan ang ilang mahahalagang impormasyon sa Levitico, siguradong mas naunawaan mo kung bakit dapat tayong maging banal. Pero ano pang mga aral ang matututuhan natin sa aklat na ito? Ano ang itinuturo nito tungkol sa pag-uukol ng banal na paglilingkod kay Jehova? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.