Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
• Bubuhayin kayang muli ang sanggol na namatay sa sinapupunan?
Ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi. Kayang buhaying muli ni Jehova ang sinuman anuman ang edad nila dahil “ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Mar. 10:27) Pero hindi tuwirang sinasabi sa Bibliya na bubuhayin niyang muli ang mga sanggol na namatay sa sinapupunan.—4/15, pahina 12, 13.
• Ano ang matututuhan natin sa langgam, kuneho sa batuhan, balang, at tuko?
Makikita sa apat na ito ang likas na karunungan. Itinatampok nito ang karunungan ng Diyos. (Kaw. 30:24-28)—4/15, pahina 16-19.
• Anong pangyayari ang naganap noong 1909 na mahalaga sa mga Saksi ni Jehova?
Noong taóng iyon, ang punong-tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa paglalathala, ay inilipat mula sa Pittsburgh, Pennsylvania tungo sa Brooklyn, New York. Hanggang sa ngayon naroroon pa rin ang korporasyong ito.—5/1, pahina 22-24.
• Bakit positibo ang pagtukoy ng Bibliya sa pagtahimik?
Ipinakikita nito na ang pagtahimik ay tanda ng paggalang, karunungan at kaunawaan, at kailangan ito sa pagbubulay-bulay. (Awit 37:7; 63:6; Kaw. 11:12)—5/15, pahina 3-5.
• Ano ang pagkakatulad nina John Wycliffe, William Tyndale, Robert Morrison, at Adoniram Judson?
Mahal nila ang Salita ng Diyos at isinalin nila ito sa mga wikang binabasa ng karaniwang tao. Isinalin nina Wycliffe at Tyndale ang Bibliya sa Ingles, ni Morrison sa Tsino, at ni Judson sa Burmese (Myanmar).—6/1, pahina 8-11.
• Ilang hari ng Juda ang nagpakita ng natatanging sigasig sa bahay ng Diyos?
Sa 19 na naghari sa timugang kaharian ng Juda, apat sa kanila ang may gayong sigasig. Sila ay sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias.—6/15, pahina 7-11.
• Lahat ba ng pinahirang Kristiyano sa lupa ay nakikibahagi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain?
Hindi. Lahat ng pinahiran ng espiritu ng Diyos ay bahagi ng uring tapat at maingat na alipin ngunit ang mga miyembro lamang ng Lupong Tagapamahala ang nangangasiwa sa paglalaan ng espirituwal na pagkain.—6/15, pahina 22-24.
• Bakit nagustuhan ng mga sundalong Romano ang panloob na kasuutan ni Jesus?
Hindi pinaghatian ng mga sundalong Romano ang damit ni Jesus. Karaniwan nang yari sa dalawang piraso ng tela na pinagdugtong ang mga tunika, pero ang damit ni Jesus ay walang dugtungan kaya nagustuhan ito ng mga sundalo.—7/1, pahina 22.
• Bakit masasabing pag-ibig ang isang pangunahing dahilan kung bakit naiiba si Jesus sa mga relihiyosong lider?
Hinamak ng mga relihiyosong lider ang karaniwang mga tao. Bukod diyan, hindi nila mahal ang Diyos. Mahal ni Jesus ang kaniyang Ama at nahabag siya sa mga tao. (Mat. 9:36) Siya ay magiliw, madamayin, at mabait sa kanila.—7/15, pahina 15.
• Bakit maaaring maging problema ng mag-asawa ang paghawak ng pera, at ano ang makatutulong sa kanila na malutas ito?
Madalas na pinag-aawayan ng mag-asawa ang tungkol sa pera dahil sa pangamba o kawalan ng pagtitiwala. Maaari ding dahil ito sa magkaiba ang kanilang kinalakhan o pinagmulan. Ang apat na susi sa tagumpay ay: Matutong pag-usapan nang mahinahon ang tungkol sa pera, maging tapat sa isa’t isa tungkol sa inyong kinikita at ginagastos, isulat ang inyong mga gastusin, at pag-usapan kung sino ang hahawak ng pera.—8/1, pahina 10-12.