Ang Paganong Pagdiriwang ba ay Puwedeng Gawing Kristiyanong Pagdiriwang?
Ang Paganong Pagdiriwang ba ay Puwedeng Gawing Kristiyanong Pagdiriwang?
NOONG taglamig ng 2004, nagkaroon ng debate sa panahon ng Kapaskuhan sa Italya. Iniisip ng ilang prinsipal at guro na limitahan o lubusan nang alisin ang anumang pagtukoy sa mga relihiyosong tradisyon kung Pasko. Iminungkahi nila ito bilang paggalang sa lumalaking bilang ng mga batang mag-aarál na hindi Katoliko ni Protestante. Pero iginigiit naman ng ibang kabilang sa propesyong ito ng pagtuturo at iba pang larangan na dapat igalang at panatilihin ang mga tradisyon.
Bukod sa kontrobersiyang ito, saan nga ba nagmula ang maraming tradisyon kung Pasko? Habang umiinit ang debate, ang pahayagang L’Osservatore Romano ng Vatican ay nagbigay ng ilang kapansin-pansing obserbasyon.
Tungkol sa petsa ng pagdiriwang ng Pasko, ganito ang sabi ng pahayagang Katoliko: “Hindi matiyak ang talagang petsa ng kapanganakan ni Jesus dahil hindi ito binanggit sa kasaysayan ng Roma, sa sensus ng imperyo noon at sa pananaliksik na ginawa noong sumunod na
mga siglo. . . . Ang Disyembre 25, gaya ng alam ng lahat, ay pinili ng Simbahan ng Roma noong ikaapat na siglo. Ang petsang ito ay nakaukol na sa diyos-Araw sa paganong Roma noon . . . Bagaman kinikilala na ng Roma ang Kristiyanismo bilang Utos ni Constantino, ang alamat ng . . . diyos-Araw ay laganap pa rin, lalo na sa mga sundalo. Ang nasabing mga pagdiriwang, na ginaganap tuwing Disyembre 25, ay nagmula sa popular na tradisyon. Dahil dito, naisip ng Simbahan ng Roma na palitan ang diyos-Araw ng tunay na Araw ng Katarungan, si Jesu-Kristo, upang maging Kristiyanong pagdiriwang ang araw na ito at piliin ito bilang araw ng kaniyang kapanganakan.”Kumusta naman ang Christmas tree, na bahagi na ngayon ng tradisyon ng mga Katoliko?
Ipinaliwanag ng artikulo sa pahayagang Katoliko na noong sinaunang panahon, ang mga halamang evergreen gaya ng “mga sanga ng puno ng pino ay pinaniniwalaang may engkanto o may gamot na panlaban sa sakit.” Sinabi pa nito: “Tuwing Bisperas ng Pasko, Disyembre 24, ginugunita sina Adan at Eva sa pamamagitan ng popular na kuwento tungkol sa isang Puno sa Paraiso sa lupa . . . Dapat sana’y puno ng mansanas ito, pero dahil hindi bagay ang puno ng mansanas sa taglamig, isang puno ng pino ang inilalagay sa entablado at kinakabitan ng ilang mansanas ang mga sanga nito o kaya naman, bilang sagisag ng darating na Katubusan, nagdudurog sila ng mga biskuwit at ginagawang maninipis na tinapay na may magagandang hugis na sumasagisag sa presensiya ni Jesus sa panahon ng Komunyon, at mayroon pang mga kendi at regalo para sa mga bata.” Kumusta naman pagkatapos nito?
Nang banggitin ng L’Osservatore Romano na ang tradisyon ng paggamit ng Christmas tree ay nagmula sa Alemanya noong ika-16 na siglo, sinabi nito: “Ang Italya ang isa sa mga huling bansa na gumamit ng Christmas tree, dahil na rin sa kumakalat na balitang nagmula ito sa mga Protestante kung kaya dapat itong palitan ng sabsaban [ang Belen].” Si Pope Paul VI ang “nagpasimula ng tradisyon ng paglalagay [sa St. Peter’s Square, Roma] ng isang napakalaking Christmas tree” malapit sa Belen.
Sa palagay mo, makatuwiran ba para sa isang lider ng relihiyon na iugnay sa Kristiyanismo ang mga okasyon at sagisag na nagmula sa sinaunang paganismo? Tungkol sa tamang landasin, ganito ang payo ng Kasulatan sa mga tunay na Kristiyano: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?”—2 Corinto 6:14-17.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
“Christmas tree” (sa kabilang pahina) at ang Belen sa Vatican
[Credit Line]
© 2003 BiblePlaces.com
[Larawan sa pahina 9]
Ang diyos-araw
[Credit Line]
Museum Wiesbaden