Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Umiwas sa Huwad na Pagsamba!

Umiwas sa Huwad na Pagsamba!

Umiwas sa Huwad na Pagsamba!

“‘Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’”​—2 CORINTO 6:17.

1. Ano ang espirituwal na kalagayan ng maraming taimtim na tao?

MARAMING taimtim na tao ang hindi nakaaalam ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kinabukasan ng sangkatauhan. Palibhasa’y walang makuhang sagot hinggil sa mahahalagang bagay na ito, nabubuhay sila sa kalituhan at kawalang katiyakan. Milyun-milyon ang naging alipin ng pamahiin, ritwal, at mga pagdiriwang na kinamumuhian ng ating Maylalang. Malamang na may mga kapitbahay at kamag-anak kang naniniwala sa maapoy na impiyerno, tatluhang Diyos, imortalidad ng kaluluwa, o iba pang huwad na turo.

2. Ano ang ginawa ng mga lider ng relihiyon, at ano ang naging resulta?

2 Ano ang dahilan ng paglaganap na ito ng espirituwal na kadiliman? Nakapagtataka, relihiyon ang dahilan​—partikular na ang mga organisasyon at lider ng relihiyon na nagtuturo ng mga ideyang salungat sa kaisipan ng Diyos. (Marcos 7:7, 8) Bilang resulta, maraming tao ang napaniwalang sumasamba sila sa tunay na Diyos, gayong ang totoo ay ginagalit nila Siya. Ang huwad na relihiyon ang talagang dahilan ng masaklap na kalagayang ito.

3. Sino ang pasimuno ng huwad na relihiyon, at paano siya inilalarawan sa Bibliya?

3 May isang di-nakikitang persona sa likod ng huwad na relihiyon. Bilang pagtukoy sa personang ito, sinabi ni apostol Pablo: “Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.” (2 Corinto 4:4) “Ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay” ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo. Siya ang pasimuno ng huwad na pagsamba. “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag,” isinulat ni Pablo. “Kaya nga hindi malaking bagay kung ang kaniyang mga ministro rin ay laging nag-aanyong mga ministro ng katuwiran.” (2 Corinto 11:14, 15) Nagagawa ni Satanas na magmukhang mabuti ang masasamang bagay at napaniniwala ang mga tao sa mga kasinungalingan.

4. Ano ang sinabi ng Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel tungkol sa huwad na mga propeta?

4 Hindi nga nakapagtatakang mahigpit na tinutuligsa ng Bibliya ang huwad na relihiyon! Halimbawa, partikular na nagbabala ang Kautusang Mosaiko sa piling bayan ng Diyos laban sa huwad na mga propeta. Sinumang nagtataguyod ng huwad na mga turo at ng pagsamba sa huwad na mga diyos ay ‘dapat patayin sapagkat nagsasalita siya ng paghihimagsik laban kay Jehova.’ Inutusan ang mga Israelita na ‘alisin ang kasamaan sa gitna nila.’ (Deuteronomio 13:1-5) Oo, itinuturing ni Jehova na masama ang huwad na relihiyon.​—Ezekiel 13:3.

5. Anong mga babala ang dapat nating sundin sa ngayon?

5 Tulad ni Jehova, galit din si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga apostol sa huwad na relihiyon. Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo sila.” (Mateo 7:15; Marcos 13:22, 23) Isinulat ni Pablo na “ang poot ng Diyos ay isinisiwalat mula sa langit laban sa lahat ng pagka-di-makadiyos at kalikuan ng mga tao na sumasawata sa katotohanan.” (Roma 1:18) Napakahalaga ngang sundin ng tunay na mga Kristiyano ang mga babalang ito at iwasan ang sinumang sumasawata sa katotohanan ng Salita ng Diyos o nagkakalat ng huwad na mga turo!​—1 Juan 4:1.

Takasan ang “Babilonyang Dakila”

6. Paano inilalarawan sa Bibliya ang “Babilonyang Dakila”?

6 Tingnan natin kung paano inilalarawan ang huwad na relihiyon sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Inilalarawan ito bilang isang lasing na patutot na may impluwensiya sa maraming kaharian at mga sakop nito. Ang makasagisag na babaing ito ay nakikiapid sa maraming hari at lasing sa dugo ng tunay na mga mananamba ng Diyos. (Apocalipsis 17:1, 2, 6, 18) Nakasulat sa kaniyang noo ang isang pangalan na nababagay sa kaniyang mahalay at nakasusuklam na paggawi. Ang pangalan ay “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.”​—Apocalipsis 17:5.

7, 8. Paano nagpapatutot ang huwad na relihiyon, at ano ang ibinunga nito?

7 Ang paglalarawan ng Kasulatan sa Babilonyang Dakila ay kumakapit sa lahat ng huwad na relihiyon sa daigdig. Bagaman ang libu-libong relihiyon ay hindi pormal na nagkakaisa bilang isang organisasyong pandaigdig, nagkakaisa naman sila sa layunin at gawain. Bilang imoral na babae gaya ng pagkakalarawan sa Apocalipsis, napakalakas ng impluwensiya ng huwad na relihiyon sa mga pamahalaan. Tulad ng isang babaing taksil sa kaniyang asawa, ang huwad na relihiyon ay nagpapatutot sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa iba’t ibang makapulitikang kapangyarihan. “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos?” isinulat ng alagad na si Santiago. “Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.”​—Santiago 4:4.

8 Ang pakikianib na ito ng huwad na relihiyon sa mga pamahalaan ay nagbunga ng matinding pagdurusa sa mga tao. Binanggit ng Aprikanong analista sa pulitika na si Dr. Xolela Mangcu na “ang kasaysayan ng daigdig ay punô ng mga insidente ng lansakang pagpatay dahil sa pagsasanib ng relihiyon at pulitika.” Isang pahayagan ang nagsabi kamakailan: “Ang pinakamadugo at pinakamapanganib na pagtatalo sa ngayon . . . ay nakasentro sa relihiyon.” Milyun-milyon ang namatay dahil sa mga hidwaang sinusuportahan ng relihiyon. Inusig at pinatay pa nga ng Babilonyang Dakila ang tunay na mga lingkod ng Diyos, anupat nagpakalasing sa kanilang dugo, wika nga.​—Apocalipsis 18:24.

9. Paano ipinahayag sa aklat ng Apocalipsis ang galit ni Jehova sa huwad na pagsamba?

9 Kitang-kita sa mangyayari sa Babilonyang Dakila ang galit ni Jehova sa huwad na pagsamba. Ang Apocalipsis 17:16 ay nagsasabi: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy.” Lulurayin muna siya ng isang napakalaking hayop hanggang sa mamatay at kakainin ang kaniyang kalamnan. Pagkatapos, anumang natira rito ay lubusang susunugin. Sa katulad na paraan, malapit nang kumilos ang mga pamahalaan ng daigdig laban sa huwad na relihiyon. Pangyayarihin ito ng Diyos. (Apocalipsis 17:17) Ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nakatalagang mapuksa. “Hindi na siya masusumpungan pang muli.”​—Apocalipsis 18:21.

10. Ano ang dapat na maging paninindigan natin may kinalaman sa huwad na relihiyon?

10 Ano ang dapat na maging paninindigan ng tunay na mga mananamba may kinalaman sa Babilonyang Dakila? Napakaliwanag ng utos ng Bibliya: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Yaong mga gustong makaligtas ay dapat lumabas sa huwad na relihiyon bago maging huli ang lahat. Nang nasa lupa si Jesu-Kristo, inihula niya na sa mga huling araw, marami ang mag-aangking sumusunod sila sa kaniya. (Mateo 24:3-5) Sa mga ito ay sinabi niya: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:23) Ang nakaluklok nang Hari, si Jesu-Kristo, ay walang kinalaman sa huwad na relihiyon.

Umiwas​—Paano?

11. Ano ang dapat nating gawin upang makaiwas sa huwad na pagsamba?

11 Umiiwas ang tunay na mga Kristiyano sa huwad na pagsamba, anupat tinatanggihan ang mga turo ng huwad na relihiyon. Nangangahulugan ito na iiwasan nating makinig at manood sa mga programa ng relihiyon sa radyo at telebisyon at magbasa ng mga literatura tungkol sa mga relihiyong nagtuturo ng kasinungalingan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita. (Awit 119:37) Isang katalinuhan din para sa atin na huwag makisali sa mga pagtitipon at paglilibang na itinataguyod ng anumang organisasyong may kaugnayan sa huwad na relihiyon. Karagdagan pa, hindi tayo sumusuporta sa huwad na pagsamba sa anumang paraan. (1 Corinto 10:21) Ang ganitong pag-iwas ay nagsasanggalang sa atin na matangay ng sinuman “bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

12. Paano puputulin ng isa ang anumang kaugnayan niya sa huwad na relihiyon?

12 Paano naman kung ang isa na gustong maging Saksi ni Jehova ay kasalukuyang isang rehistradong miyembro ng huwad na relihiyon? Karaniwan nang isang liham ng pagbibitiw ang nagsisilbing patunay na ayaw na ng isang tao na ituring siyang miyembro ng huwad na relihiyon. Napakahalaga ngang gumawa ng tiyak na pagkilos ang isa upang lubusang makaiwas na marumhan ng huwad na pagsamba. Dapat makita ng publiko at ng dating relihiyong kinaaaniban ng isang gustong maging Saksi, na tinatapos na niya ang kaniyang kaugnayan sa relihiyong iyon.

13. Anong payo ang ibinibigay ng Bibliya may kinalaman sa pangangailangang umiwas sa huwad na pagsamba?

13 “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya,” isinulat ni apostol Pablo. “Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya? At anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’” (2 Corinto 6:14-17) Masusunod natin ang mga salitang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa huwad na pagsamba. Ang payo ba ni Pablo ay nangangahulugang iiwas din tayo sa mga huwad na mananamba?

“Patuloy na Lumakad na May Karunungan”

14. Dapat ba nating lubusang iwasan ang mga nakikibahagi sa huwad na pagsamba? Ipaliwanag.

14 Dapat bang iwasan ng tunay na mga mananamba ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa mga taong nakikibahagi sa huwad na pagsamba? Dapat ba nating lubusang layuan ang mga hindi natin kapananampalataya? Ang sagot ay hindi. Ang ikalawa sa dalawang pinakadakilang utos ay nagsasabi: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Mangyari pa, nagpapakita tayo ng pag-ibig sa ating kapuwa kapag ibinabahagi natin sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian. Ipinakikita rin natin ang ating pag-ibig sa kanila kapag itinuturo natin sa kanila ang Bibliya at ipinaaalam sa kanila na dapat iwasan ang huwad na pagsamba.

15. Ano ang kahulugan ng pagiging ‘hindi bahagi ng sanlibutan’?

15 Bagaman ipinangangaral natin ang mabuting balita sa ating kapuwa, bilang mga tagasunod ni Jesus, ‘hindi tayo bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 15:19) Ang terminong “sanlibutan” dito ay tumutukoy sa lipunan ng mga taong hiwalay sa Diyos. (Efeso 4:17-19; 1 Juan 5:19) Hiwalay tayo sa sanlibutan sapagkat iniiwasan natin ang mga saloobin, pananalita, at paggawi na ikinagagalit ni Jehova. (1 Juan 2:15-17) Bukod diyan, kasuwato ng simulaing “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali,” hindi tayo nakikipagkaibigan sa mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayang Kristiyano. (1 Corinto 15:33) Ang pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay ang pananatiling “walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27) Kaya ang pagiging hiwalay sa sanlibutan ay hindi nangangahulugang literal na tayong hindi makikisalamuha sa ibang tao.​—Juan 17:15, 16; 1 Corinto 5:9, 10.

16, 17. Paano dapat pakitunguhan ng mga Kristiyano ang mga hindi nakaaalam ng katotohanan sa Bibliya?

16 Kung gayon, paano natin pakikitunguhan ang mga hindi nakaaalam ng mga katotohanan sa Bibliya? Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Colosas: “Patuloy na lumakad na may karunungan sa mga nasa labas, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili. Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:5, 6) Sumulat si apostol Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”​—Tito 3:2.

17 Bilang mga Saksi ni Jehova, iniiwasan nating maging mabagsik o arogante sa iba. Mangyari pa, hindi tayo gumagamit ng mapang-insultong mga salita kapag inilalarawan ang mga taong iba ang relihiyon. Sa halip, tayo ay mataktika, kahit na ang may-bahay, kapitbahay, o katrabaho ay may masamang ugali o masakit magsalita.​—Colosas 4:6; 2 Timoteo 2:24.

“Patuloy Kang Manghawakan sa Parisan ng Nakapagpapalusog na mga Salita”

18. Anong masaklap na kalagayan sa espirituwal ang dinaranas ng mga bumabalik sa huwad na pagsamba?

18 Matapos matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya, napakasaklap naman kung babalik pa ang isa sa huwad na pagsamba! Inilarawan ng Bibliya ang pinsalang dulot ng gayong landasin nang sabihin nito: “Tunay nga kung, pagkatapos na tumakas mula sa mga karungisan ng sanlibutan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, muli silang masangkot sa mga bagay ding ito at madaig, ang huling mga kalagayan para sa kanila ay naging lalong masama kaysa sa una. . . . Nangyari sa kanila ang sinasabi ng tunay na kawikaan: ‘Ang aso ay nagbalik sa sarili niyang suka, at ang pinaliguang babaing baboy naman sa paglulubalob sa lusak.’”​—2 Pedro 2:20-22.

19. Bakit napakahalagang manatiling alisto sa anumang bagay na maaaring magsapanganib ng ating espirituwalidad?

19 Dapat tayong maging alisto sa anumang bagay na maaaring magsapanganib ng ating espirituwalidad. Palaging nariyan ang panganib! Nagbabala si apostol Pablo: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Nabubuhay tayo sa “mga huling yugto ng panahon.” Yaong mga hindi umiiwas sa huwad na pagsamba ay maaaring ‘siklut-siklutin ng mga alon at dalhing paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.’​—Efeso 4:13, 14.

20. Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili laban sa nakapipinsalang impluwensiya ng huwad na relihiyon?

20 Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili laban sa nakapipinsalang impluwensiya ng huwad na relihiyon? Isaalang-alang natin ang lahat ng paglalaan ni Jehova. Taglay natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Naglalaan din si Jehova ng saganang pagkaing espirituwal sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Habang sumusulong tayo sa katotohanan, hindi ba’t dapat na magkaroon tayo ng gana sa ‘matigas na pagkaing nauukol sa mga taong may-gulang’ at ng pagnanais na makipagtipon kung saan natututo tayo ng espirituwal na mga katotohanan? (Hebreo 5:13, 14; Awit 26:8) Maging determinado sana tayo na lubusang samantalahin ang mga paglalaan ni Jehova upang ‘patuloy na makapanghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita’ na ating naririnig. (2 Timoteo 1:13) Sa gayon ay nakaiiwas tayo sa huwad na pagsamba.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Ano ang “Babilonyang Dakila”?

• Ano ang dapat nating gawin upang makaiwas sa huwad na relihiyon?

• Anu-anong panganib sa ating espirituwalidad ang dapat nating iwasan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Alam mo ba kung bakit inilalarawan ang “Babilonyang Dakila” bilang isang imoral na babae?

[Larawan sa pahina 29]

Ang “Babilonyang Dakila” ay nakatalagang mapuksa

[Larawan sa pahina 31]

Nagpapamalas tayo ng “mahinahong kalooban at matinding paggalang” sa mga hindi natin kapananampalataya