Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Isa ba na Talagang Makapagpapabago sa Daigdig?

May Isa ba na Talagang Makapagpapabago sa Daigdig?

May Isa ba na Talagang Makapagpapabago sa Daigdig?

“Sinasabi sa atin ng mga dukha na, higit sa lahat, gusto nila ng kapayapaan at katiwasayan​—at saka ng mga pagkakataong makaangat sa buhay. Nais nila ang makatarungang mga sistemang pambansa at pang-internasyonal upang hindi mahadlangan ng nangingibabaw na kapangyarihan ng mayayamang bansa at mayayamang kompanya ang kanilang mga pagsisikap.”

GANIYAN inilarawan ng direktor ng isa sa internasyonal na ahensiyang nagbibigay ng tulong ang mga mithiin at hangarin ng mga dukha. Sa katunayan, angkop na inilalarawan ng kaniyang mga salita ang hangarin ng lahat ng biktima ng mga trahedya at kawalang-katarungan sa daigdig. Silang lahat ay umaasam sa isang daigdig na may tunay na kapayapaan at katiwasayan. Magkakaroon pa kaya ng gayong daigdig? May isa kaya na talagang may kapangyarihan at kakayahang baguhin ang isang daigdig na sa kabuuan ay di-makatarungan?

Mga Pagsisikap Para sa Pagbabago

Maraming tao ang nagsikap. Halimbawa, itinalaga ni Florence Nightingale, isang babaing Ingles noong ika-19 na siglo, ang kaniyang buhay sa paglalaan ng malinis at mahabaging pangangalaga sa mga maysakit. Noong panahon niya​—bago ang mga antiseptiko at antibiyotiko​—ang pangangalagang inilalaan ng ospital ay hindi katulad ng maaasahan natin sa ngayon. “Ang mga nars,” sabi ng isang ulat, ay “di-edukado, di-malinis, at kilalá sa paglalasing at imoralidad.” Nagtagumpay ba sa paanuman si Florence Nightingale sa kaniyang mga pagsisikap na baguhin ang daigdig ng pangangalaga sa maysakit? Oo. Sa katulad na paraan, napakaraming mapagkalinga at mapagkawanggawang mga tao ang nagkamit ng malaking tagumpay sa iba’t ibang larangan ng buhay​—sa kakayahang bumasa at sumulat, edukasyon, medisina, pabahay, programa sa pagpapakain, bilang pagbanggit lamang sa ilan. Dahil dito, malaki ang isinulong ng kalidad ng buhay ng milyun-milyong maralita.

Gayunman, hindi natin maipagwawalang-bahala ang masaklap na katotohanang ito: Daan-daang milyon pa rin ang pinahihirapan ng digmaan, krimen, sakit, taggutom, at iba pang kapaha-pahamak na mga pangyayari. “Ang karalitaan ay pumapatay ng 30,000 katao araw-araw,” ang sabi ng Concern, isang ahensiya sa Ireland na nagbibigay ng tulong. Kahit ang pang-aalipin, na pinagtuunan ng pansin ng napakaraming repormador sa nagdaang mga siglo, ay nangyayari pa rin. “Mas maraming buháy na alipin sa ngayon kaysa sa lahat ng taong ninakaw sa Aprika noong panahon ng bentahan ng alipin sa magkabilang ibayo ng Atlantiko,” ang sabi ng Disposable People​—New Slavery in the Global Economy.

Ano ang humahadlang sa pagsisikap ng mga tao na gumawa ng ganap at namamalaging pagbabago? Ang nangingibabaw na kapangyarihan lamang ba ng mayayaman at makapangyarihan, o may iba pang nasasangkot?

Mga Hadlang sa Pagbabago

Ayon sa Salita ng Diyos, ang pinakamalaking hadlang sa anumang pagsisikap ng tao na gawing tunay na makatarungan ang daigdig ay si Satanas na Diyablo. Sinasabi sa atin ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa katunayan, si Satanas sa ngayon ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Hangga’t hindi naaalis ang kaniyang balakyot na impluwensiya, mayroon pa ring magiging mga biktima ng kasamaan at kawalang-katarungan. Ano ang sanhi ng malungkot na situwasyong ito?

Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay binigyan ng lupa na dinisenyo upang maging sakdal na paraisong tahanan para sa buong pamilya ng tao​—isang daigdig na “napakabuti.” (Genesis 1:31) Bakit nagbago ang mga bagay-bagay? Dahil kay Satanas. Kinuwestiyon niya ang karapatan ng Diyos na gumawa ng mga tuntunin na dapat sundin ng mga tao sa kanilang buhay. Ipinahiwatig niya na di-makatarungan ang paraan ng pamamahala ng Diyos. Hinikayat niya sina Adan at Eva na piliin ang landasin ng pagsasarili para makapagpasiya sila sa ganang sarili kung ano ang mabuti at masama. (Genesis 3:1-6) Naging sanhi ito ng ikalawang hadlang sa pagsisikap ng tao na makagawa ng isang makatarungang daigdig​—kasalanan at di-kasakdalan.​—Roma 5:12.

Bakit Ito Pinahintulutan?

‘Ngunit bakit hinayaan ng Diyos na magkaroon ng kasalanan at di-kasakdalan?’ baka itanong ng ilan. ‘Bakit hindi niya ginamit ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan upang lipulin ang mga naghimagsik at muling magpasimula?’ Para ngang simpleng solusyon iyan. Gayunman, nagbabangon ng mahahalagang tanong ang paggamit ng kapangyarihan. Hindi ba’t ang pag-abuso sa kapangyarihan ang isa sa pangunahing idinadaing ng mga dukha at sinisiil sa daigdig? Hindi ba’t bumabangon ang pag-aalinlangan sa isip ng mga taong matuwid ang puso kapag may diktador na gumagamit ng kapangyarihan upang lipulin ang sinumang sumasalungat sa kaniyang mga patakaran?

Upang tiyakin sa tapat-pusong mga tao na hindi Siya mapaniil na nang-aabuso ng kapangyarihan, ipinasiya ng Diyos na pahintulutan si Satanas at ang naghimagsik na mga tao na kumilos nang hiwalay sa mga kautusan at simulain ng Diyos​—sa limitadong yugto ng panahon lamang. Panahon ang magpapatunay na tanging ang paraan ng pamamahala ng Diyos ang siyang tamang paraan. Ipakikita nito na anumang restriksiyong itinatakda niya sa atin ay para sa ating ikabubuti. Sa katunayan, ang kalunus-lunos na resulta ng paghihimagsik sa pamamahala ng Diyos ay nagpapakita na totoo nga iyan. At pinatutunayan ng mga ito na ang Diyos ay lubusang may katuwiran na gamitin ang kaniyang dakilang kapangyarihan upang pawiin ang lahat ng kabalakyutan kapag ipinasiya na niyang gawin ito. Napakalapit na niyan.​—Genesis 18:23-32; Deuteronomio 32:4; Awit 37:9, 10, 38.

Hangga’t hindi pa kumikilos ang Diyos, nakasadlak pa rin tayo sa di-makatarungang sistema, anupat “patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Anuman ang gawin natin upang mabago ang mga bagay-bagay, hindi natin malilipol si Satanas, ni lubusang mapapawi ang di-kasakdalan na siyang pinakaugat ng lahat ng ating pagdurusa. Talagang wala tayong kakayahang lunasan ang mga epekto ng kasalanang minana kay Adan.​—Awit 49:7-9.

Si Jesu-Kristo ang Gagawa ng Permanenteng Pagbabago

Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asa ang situwasyon? Hinding-hindi. May isang mas makapangyarihan kaysa sa taong mortal na binigyan ng pananagutang gumawa ng permanenteng pagbabago. Sino siya? Si Jesu-Kristo. Inilalarawan siya sa Bibliya bilang Punong Ahente ng Diyos para sa kaligtasan ng pamilya ng tao.​—Gawa 5:31.

Siya ngayon ay naghihintay nang kumilos sa “takdang panahon” ng Diyos. (Apocalipsis 11:18) Ano ang eksaktong gagawin niya? Gagawin niya ang “pagsasauli ng lahat ng mga bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon.” (Gawa 3:21) Halimbawa, “ililigtas [ni Jesus] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. . . . Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.” (Awit 72:12-16) Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ipinangangako ng Diyos na ‘patitigilin niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9) Ipinangangako niya na “walang sinumang tumatahan [sa kaniyang nilinis na lupa] ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Ang mga bulag, bingi, pilay​—ang lahat ng may sakit at karamdaman​—ay muling pagkakalooban ng sakdal na kalusugan. (Isaias 33:24; 35:5, 6; Apocalipsis 21:3, 4) Kahit ang mga namatay noong nagdaang mga siglo ay makikinabang. Ipinangangako niyang bubuhaying-muli ang mga biktima ng kawalang-katarungan at paniniil.​—Juan 5:28, 29.

Hindi lamang bahagya at pansamantala ang pagbabagong gagawin ni Jesu-Kristo. Lubusan niyang papawiin ang lahat ng hadlang sa tunay na makatarungang daigdig. Aalisin niya ang kasalanan at ang di-kasakdalan at pupuksain si Satanas na Diyablo at ang lahat ng sumusunod sa kaniyang mapaghimagsik na landasin. (Apocalipsis 19:19, 20; 20:1-3, 10) Ang pighati at pagdurusa na pansamantalang pinahintulutan ng Diyos ay “hindi babangon sa ikalawang pagkakataon.” (Nahum 1:9) Iyan ang nasa isip ni Jesus nang ituro niya sa atin na ipanalanging dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at mangyari nawa ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​Mateo 6:10.

‘Pero,’ baka sabihin mo, ‘hindi ba’t binanggit mismo ni Jesus na “lagi nating makakasama ang mga dukha”? Hindi ba’t nangangahulugan ito na laging magkakaroon ng kawalang-katarungan at karalitaan?’ (Mateo 26:11) Oo, sinabi nga ni Jesus na laging magkakaroon ng mga taong dukha. Gayunman, ipinakikita ng konteksto ng kaniyang mga salita at ng mga pangako ng Salita ng Diyos na ang ibig niyang sabihin ay laging may mga dukha hangga’t umiiral ang sistemang ito ng mga bagay. Alam niya na walang tao ang makapag-aalis ng karalitaan at kawalang-katarungan sa daigdig. Alam din niya na siya ang babago sa lahat ng iyan. Malapit na niyang pangyarihin ang ganap na bagong sistema ng mga bagay​—“mga bagong langit at isang bagong lupa” kung saan wala nang kirot, sakit, karalitaan, at kamatayan.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1.

“Huwag Ninyong Kalilimutan ang Paggawa ng Mabuti”

Nangangahulugan ba ito na walang-kabuluhan ang anumang gawin natin upang tulungan ang ibang tao? Hinding-hindi. Hinihimok tayo ng Bibliya na tulungan ang iba kapag napapaharap sila sa mga pagsubok at kapighatian. “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito,” ang isinulat noon ni Haring Solomon. (Kawikaan 3:27) “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba,” ang paghimok naman ni apostol Pablo.​—Hebreo 13:16.

Mismong si Jesu-Kristo ay humimok sa atin na gawin ang anumang magagawa natin upang tulungan ang iba. Inilahad niya ang ilustrasyon tungkol sa isang Samaritano na nakakita ng isang lalaking binugbog at pinagnakawan. Sinabi ni Jesus na “nahabag” ang Samaritano anupat ginamit ang anumang mayroon siya upang talian ang mga sugat ng binugbog na lalaki at tulungan siyang makabawi mula sa mga epekto ng pagsalakay. (Lucas 10:29-37) Hindi nabago ng mahabaging Samaritanong iyon ang daigdig, ngunit malaki ang nagawa niya sa buhay ng ibang tao. Maaari rin nating gawin iyon.

Gayunman, hindi lamang makatutulong sa mga indibiduwal si Jesu-Kristo. Talagang gagawa siya ng pagbabago, at napakalapit na niyang isakatuparan ito. Kapag ginawa na niya ito, mapagaganda na ng kasalukuyang mga biktima ng kawalang-katarungan ang kanilang buhay at matatamasa na nila ang tunay na kapayapaan at katiwasayan.​—Awit 4:8; 37:10, 11.

Habang hinihintay nating mangyari iyon, huwag tayong mag-atubili kailanman na gawin ang anumang magagawa natin, sa espirituwal at materyal na paraan, upang ‘gumawa ng mabuti’ sa lahat ng biktima ng isang di-makatarungang daigdig.​—Galacia 6:10.

[Mga larawan sa pahina 5]

Malaki ang nagawang mga pagbabago ni Florence Nightingale sa daigdig ng pangangalaga sa maysakit

[Credit Line]

Courtesy National Library of Medicine

[Mga larawan sa pahina 7]

Gumagawa ng mabuti sa iba ang mga tagasunod ni Kristo

[Picture Credit Line sa pahina 4]

The Star, Johannesburg, S.A.