Tinatanggap Mo ba ang Tulong ni Jehova?
Tinatanggap Mo ba ang Tulong ni Jehova?
“Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.”—HEBREO 13:6.
1, 2. Bakit mahalaga na tanggapin natin ang tulong at patnubay ni Jehova sa buhay?
GUNIGUNIHIN na naglalakad ka sa isang baku-bakong daan sa kabundukan. Subalit hindi ka nag-iisa, sapagkat isang giya ang nag-alok na samahan ka, at siya ang pinakamahusay na giya. Higit ang karanasan at lakas niya kaysa sa iyo, ngunit matiyaga siyang naglalakad na kasama mo. Napapansin niyang nabubuwal ka paminsan-minsan. Palibhasa’y nababahala sa iyong kaligtasan, iniaabot niya ang kaniyang kamay upang tulungan ka sa isang lalo nang mapanganib na bahagi. Tatanggihan mo ba ang tulong niya? Siyempre hindi! Kaligtasan mo ang nakasalalay.
2 Bilang mga Kristiyano, nasa harapan natin ang isang mahirap na landas. Kailangan ba nating lumakad na mag-isa sa masikip na daang iyan? (Mateo 7:14) Hindi, sapagkat ipinakikita ng Bibliya na pinahihintulutan ng pinakamahusay na Giya, ang Diyos na Jehova, ang mga tao na lumakad na kasama niya. (Genesis 5:24; 6:9) Tinutulungan ba ni Jehova ang kaniyang mga lingkod habang lumalakad sila? Ganito ang sabi niya: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’ ” (Isaias 41:13) Tulad ng giya sa ating ilustrasyon, may-kabaitang iniaabot ni Jehova ang kaniyang tulong at pakikipagkaibigan sa mga naghahangad na lumakad na kasama niya. Tiyak na walang sinuman sa atin ang tatanggi sa kaniyang tulong!
3. Anu-anong tanong ang pag-uusapan natin sa pag-aaral na ito?
3 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang apat na paraan ng pagtulong ni Jehova sa kaniyang bayan noong unang panahon. Tinutulungan kaya niya ang kaniyang bayan ngayon sa gayunding mga paraan? At paano natin matitiyak na tinatanggap natin ang alinman sa mga tulong na iyon? Pag-usapan natin ang mga tanong na ito. Sa paggawa nito, lalo tayong makapagtitiwala na si Jehova ay tunay na ating Katulong.—Hebreo 13:6.
Tulong ng mga Anghel
4. Bakit maaasahan ng mga lingkod ng Diyos ngayon ang tulong ng mga anghel?
4 Tinutulungan ba ng mga anghel ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon? Oo, tinutulungan nila. Totoo, hindi sila literal na nagpapakita upang iligtas ang tunay na mga mananamba mula sa panganib. Kahit noong panahon ng Bibliya, bihirang mamagitan ang mga anghel sa gayong paraan. Karamihan sa mga ginawa nila ay hindi nakita ng mga tao, gaya rin sa ngayon. Gayunpaman, ang mga lingkod ng Diyos ay lubhang napatibay-loob nang malaman nilang naroroon ang mga anghel upang tulungan sila. (2 Hari 6:14-17) May mabuti tayong dahilan upang madama rin ang gayon.
5. Paano ipinakikita ng Bibliya na may bahagi ang mga anghel sa gawaing pangangaral ngayon?
5 Lalo nang interesado ang mga anghel ni Jehova sa isang pantanging gawain na ginagampanan natin. Anong gawain iyan? Masusumpungan natin ang sagot sa Apocalipsis 14:6: “Nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Ang “walang-hanggang mabuting balita” na ito ay malinaw na nauugnay sa “mabuting balita ng kaharian,” na, gaya ng inihula ni Jesus, “ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” bago ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14) Sabihin pa, hindi naman tuwirang nangangaral ang mga anghel. Ibinigay ni Jesus ang mahalagang atas na ito sa mga tao. (Mateo 28:19, 20) Hindi ba nakapagpapatibay-loob na malamang tinutulungan tayo ng banal na mga anghel, ang matatalino at makapangyarihang mga espiritung nilalang, habang tinutupad natin ang atas na ito?
6, 7. (a) Ano ang nagpapakitang tumutulong ang mga anghel sa ating gawaing pangangaral? (b) Paano tayo makatitiyak na tatanggapin natin ang tulong ng mga anghel ni Jehova?
6 Maraming patotoo na tinutulungan tayo ng mga anghel sa ating gawain. Halimbawa, madalas nating mabalitaan na habang nagsasagawa ng kanilang ministeryo, natagpuan ng mga Saksi ni Jehova ang isang taong katatapos pa lamang manalangin para sa tulong ng Diyos na masumpungan ang katotohanan. Napakadalas mangyari ng ganitong mga karanasan anupat hindi maituturing na basta nagkataon lamang ang mga ito. Bilang resulta ng gayong tulong ng mga anghel, parami nang parami ang mga tao na natututong gawin Apocalipsis 14:7.
ang ipinahayag ng “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit”: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.”—7 Minimithi mo ba ang tulong ng makapangyarihang mga anghel ni Jehova? Kung gayon, gawin ang lahat ng iyong makakaya sa iyong ministeryo. (1 Corinto 15:58) Habang masigasig at maligaya tayong nakikibahagi sa pantanging atas na ito mula kay Jehova, maaasahan natin ang tulong ng kaniyang mga anghel.
Tulong ng Pinuno ng mga Anghel
8. Anong matayog na posisyon ang taglay ni Jesus sa langit, at bakit ito nakapagpapatibay sa atin?
8 Pinaglalaanan din tayo ni Jehova ng isa pang uri ng tulong mula sa anghel. Inilalarawan ng Apocalipsis 10:1 ang isang kagila-gilalas at “malakas na anghel” na ang “mukha ay gaya ng araw.” Ang anghel na ito sa pangitain ay maliwanag na lumalarawan sa niluwalhating si Jesu-Kristo na taglay ang makalangit na kapangyarihan. (Apocalipsis 1:13, 16) Talaga nga bang isang anghel si Jesus? Sa diwa, oo, sapagkat siya ay isang arkanghel. (1 Tesalonica 4:16) Ano ba ang isang arkanghel? Ang salitang iyan ay nangangahulugang “pangunahing anghel,” o “punong anghel.” Si Jesus ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng espiritung mga anak ni Jehova. Ipinasakop sa kaniya ni Jehova ang lahat ng Kaniyang hukbo ng mga anghel. Tunay na isang makapangyarihang pinagmumulan ng tulong ang arkanghel na ito. Sa anu-anong paraan?
9, 10. (a) Paano nagsisilbing “katulong” natin si Jesus kapag nagkakasala tayo? (b) Anong tulong ang masusumpungan natin sa halimbawa ni Jesus?
9 Sumulat ang matanda nang si apostol Juan: “Kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.” (1 Juan 2:1) Bakit sinabi ni Juan na si Jesus ay ating “katulong” lalo na kapag ‘nagkasala’ tayo? Buweno, nagkakasala tayo araw-araw, at sa kamatayan humahantong ang kasalanan. (Eclesiastes 7:20; Roma 6:23) Gayunman, inihandog ni Jesus ang kaniyang buhay bilang hain para sa ating mga kasalanan. At nasa tabi siya ng ating maawaing Ama upang makiusap alang-alang sa atin. Bawat isa sa atin ay nangangailangan ng gayong tulong. Paano natin matatamo iyon? Kailangan nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at hingin ang kapatawaran salig sa hain ni Jesus. Kailangan din nating iwasan na ulitin ang ating mga kasalanan.
10 Bukod sa kaniyang kamatayan alang-alang sa atin, si Jesus ay nagpakita ng sakdal na halimbawa para sa atin. (1 Pedro 2:21) Pinapatnubayan tayo ng kaniyang halimbawa, anupat tinutulungan tayong isaplano ang ating landasin upang makaiwas tayo sa malubhang kasalanan at mapalugdan ang Diyos na Jehova. Hindi ba tayo nagagalak na magkamit ng gayong tulong? Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na isa pang katulong ang ilalaan.
Tulong ng Banal na Espiritu
11, 12. Ano ang espiritu ni Jehova, at gaano kalakas ang kapangyarihan nito, at bakit natin ito kailangan ngayon?
11 Nangako si Jesus: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan, na hindi matatanggap ng sanlibutan.” (Juan 14:16, 17) Itong “espiritu ng katotohanan,” o banal na espiritu, ay hindi isang persona kundi isang puwersa—ang aktibong puwersa mismo ni Jehova. Walang takda ang kapangyarihan nito. Ito ang puwersang ginamit ni Jehova sa paglalang sa sansinukob, sa paggawa ng kagila-gilalas na mga himala, at sa paglalaan ng mga pangitain upang isiwalat ang kaniyang kalooban. Yamang hindi ginagamit ngayon ni Jehova ang kaniyang espiritu sa gayong espesipikong mga paraan, nangangahulugan ba ito na hindi na natin ito kailangan?
12 Kabaligtaran! Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ kailangan natin 2 Timoteo 3:1) Pinalalakas tayo nito upang mabata ang mga pagsubok. Tinutulungan tayo nito na malinang ang magagandang katangiang maglalapít sa atin nang higit kay Jehova at sa ating espirituwal na mga kapatid. (Galacia 5:22, 23) Kung gayon, paano tayo makikinabang sa pambihirang tulong na ito mula kay Jehova?
ang espiritu ni Jehova nang higit kailanman. (13, 14. (a)Bakit tayo makatitiyak na handang ilaan ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa kaniyang bayan? (b) Anong uri ng pagkilos ang maaaring magpakita na hindi natin talaga tinatanggap ang kaloob ng banal na espiritu?
13 Una, kailangan nating hingin ang banal na espiritu sa pamamagitan ng panalangin. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Oo, si Jehova ang pinakamagaling na Ama. Kung tayo ay may pananampalataya at taimtim na hihingi sa kaniya ng banal na espiritu, malayong ipagkait niya sa atin ang kaloob na ito. Samakatuwid, ang tanong ay, Hinihingi ba natin ito? May mabuti tayong dahilan upang hilingin ito araw-araw sa ating mga panalangin.
14 Ikalawa, tinatanggap natin ang kaloob na ito sa pamamagitan ng pagkilos kasuwato nito. Upang ilarawan: Ipagpalagay na nakikipagpunyagi ang isang Kristiyano sa hilig na manood ng pornograpya. Hiniling niya sa panalangin ang banal na espiritu upang tulungan siyang iwasan ang maruming bisyong ito. Humingi na siya ng payo sa Kristiyanong matatanda, at siya ay pinayuhan nilang gumawa ng matibay na hakbang, na iwasang lumapit man lamang sa gayong mahalay na materyal. (Mateo 5:29) Paano kung ipinagwawalang-bahala niya ang kanilang payo at patuloy na inilalantad ang kaniyang sarili sa higit pang tukso? Kumikilos ba siyang kasuwato ng kaniyang panalangin na tulungan siya ng banal na espiritu? O sa halip ay nanganganib na pighatiin niya ang espiritu ng Diyos at hindi matamo ang kaloob na ito? (Efeso 4:30) Ang totoo, kailangang gawin nating lahat ang ating makakaya upang tiyakin na patuloy tayong nakatatanggap ng kahanga-hangang tulong na ito mula kay Jehova.
Tulong Mula sa Salita ng Diyos
15. Paano natin maipakikita na hindi natin ipinagwawalang-bahala ang Bibliya?
15 Ang Bibliya ay lagi nang pinagmumulan ng tulong para sa tapat na mga lingkod ni Jehova sa loob ng maraming siglo. Subalit sa halip na ipagwalang-bahala ang Banal na Kasulatan, kailangan nating tandaan na ito ay isang mabisang pinagmumulan ng tulong. Kailangan ang pagsisikap para matamo ang tulong na ito. Kailangang maging bahagi ng ating regular na mga gawain ang pagbabasa ng Bibliya.
16, 17. (a) Paano inilalarawan ng Awit 1:2, 3 ang mga gantimpala sa pagbabasa ng kautusan ng Diyos? (b) Paano inilalarawan ng Awit 1:3 ang halaga ng kasipagan sa gawain?
16 Ganito ang sabi ng Awit 1:2, 3 tungkol sa isang taong makadiyos: “Ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” Nakikita mo ba ang punto ng mga talatang ito? Napakadaling basahin ng mga salitang ito at isiping naglalarawan lamang ito ng isang mapayapang tagpo—isang malilim na punungkahoy na nakatanim sa tabing ilog. Tunay ngang kanais-nais na umidlip isang hapon sa gayong lugar! Ngunit hindi tayo ginaganyak ng awit na ito na isipin ang tungkol sa pagpapahinga. Ibang-iba ang inilalarawan nito, anupat nagpapahiwatig ito ng kasipagan sa gawain. Paano?
17 Pansinin na ang punungkahoy rito ay hindi lamang isang malilim na punungkahoy na nagkataong nakatanim sa tabing ilog. Ito ay isang punungkahoy na namumunga at sadyang ‘itinanim’ sa isang piniling dako—“sa tabi ng mga daloy ng
tubig.” Paano mangyayaring lumaki ang isang punungkahoy sa tabi ng hindi lamang iisang daloy ng tubig? Buweno, sa isang taniman ng mga namumungang punungkahoy, maaaring humukay ang may-ari ng mga kanal na magdadala ng tubig sa mga ugat ng kaniyang mahahalagang punungkahoy. Ah, maliwanag na ngayon ang punto! Kung sa espirituwal na diwa ay yumayabong tayo tulad ng gayong punungkahoy, dahil iyon sa isa na nagpagal nang husto para sa atin. Nakaugnay tayo sa isang organisasyon na tuwirang nagdadala ng dalisay na mga tubig ng katotohanan sa atin, ngunit kailangang gampanan natin ang ating bahagi. Kailangan tayong maging handang tumanggap ng mahalagang tubig na ito, anupat nagbubulay-bulay at nagsasaliksik upang itimo sa ating isip at puso ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, magluluwal din naman tayo ng mabubuting bunga.18. Ano ang kailangan upang masumpungan ang sagot ng Bibliya sa ating mga tanong?
18 Hindi tayo makikinabang sa Bibliya kung naroroon lamang ito sa istante at hindi binubuklat. Hindi rin naman ito isang anting-anting, o agimat—na para bang pipikit lamang tayo, bubuklatin ang ating Bibliya, at aasang lilitaw na sa pahinang nabuksan natin ang sagot sa ating tanong. Kapag nagpapasiya tayo, kailangan nating hukayin ang “kaalaman sa Diyos” na para bang isa itong nakabaong kayamanan. (Kawikaan 2:1-5) Kadalasang kailangan ang masikap at maingat na pagsasaliksik upang masumpungan ang maka-Kasulatang payo para sa ating espesipikong mga pangangailangan. Marami tayong publikasyong salig sa Bibliya na makatutulong sa ating paghahanap. Habang ginagamit natin ang mga ito upang may-pananabik na hukayin ang mga hiyas ng karunungan sa Salita ng Diyos, talagang nakikinabang tayo sa tulong ni Jehova.
Tulong ng mga Kapananampalataya
19. (a) Bakit maituturing na tulong na inilaan sa pamamagitan ng mga kapananampalataya ang mga artikulo sa Ang Bantayan at Gumising!? (b) Paano ka natulungan ng isang partikular na artikulo sa isa sa ating mga magasin?
19 Lagi nang nagtutulungan sa isa’t isa ang mga taong lingkod ni Jehova. Nagbago ba si Jehova? Hindi. Tiyak na makaiisip ang bawat isa sa atin ng mga pagkakataon na doo’y natanggap natin mula sa mga kapananampalataya ang mismong tulong na kailangan natin sa tamang panahon. Halimbawa, matatandaan mo kaya ang isang artikulo sa Ang Bantayan o Gumising! na nakaaliw sa iyo nang kailanganin mo ito o nakatulong sa iyo na lutasin ang isang problema o harapin ang isang hamon sa iyong pananampalataya? Dinala sa iyo ni Jehova ang tulong na iyan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” na inatasang maglaan ng “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45-47.
20. Sa anu-anong paraan napatunayang “kaloob na mga tao” ang Kristiyanong matatanda?
20 Subalit kadalasan, mas tuwiran ang tulong na natatanggap natin mula sa mga kapananampalataya. Ang isang Kristiyanong matanda ay nagbibigay ng pahayag na nakaantig sa ating puso, o gumagawa siya ng pagdalaw bilang pastol na nakatulong sa atin sa isang mahirap na panahon, o nagbibigay ng isang may-kabaitang payo na tumulong sa atin Efeso 4:8.
na makita at madaig ang isang kahinaan. Sumulat ang isang nagpapasalamat na Kristiyano tungkol sa tulong na ibinigay sa kaniya ng isang matanda: “Habang naglilingkod sa larangan, sinikap niyang makuha ang aking loob. Noong gabi bago nito, nanalangin ako kay Jehova upang humiling ng isang puwede kong makausap. Kinabukasan, kinausap ako ng kapatid na ito sa madamaying paraan. Tinulungan niya akong makita kung paano ako tinutulungan ni Jehova nitong nakalipas na mga taon. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil ipinadala niya sa akin ang matandang ito.” Sa lahat ng gayong mga paraan, ipinakikita ng Kristiyanong matatanda na sila ay “kaloob na mga tao,” na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo upang tulungan tayong magbata sa landas patungo sa buhay.—21, 22. (a) Ano ang resulta kapag ikinakapit ng mga kabilang sa kongregasyon ang payo sa Filipos 2:4? (b) Bakit mahalaga kahit ang maliliit na gawa ng kabaitan?
21 Bukod sa matatanda, nais ng bawat tapat na Kristiyano na ikapit ang kinasihang utos na ituon “ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng [kaniyang] sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Kapag ikinakapit ng mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano ang payong ito, nagbubunga ito ng kahanga-hangang mga gawa ng kabaitan. Halimbawa, isang pamilya ang dumanas ng biglaan at matinding trahedya. Isinama ng ama ang kaniyang batang anak na babae sa tindahan. Habang papauwi, naaksidente sila sa sasakyan. Namatay ang anak na babae; ang ama ay malubhang napinsala. Nang makalabas siya sa ospital, sa simula ay mahinang-mahina pa siya para makakilos. Ang kaniyang maybahay naman ay balisang-balisa anupat hindi siya maalagaan nito nang nag-iisa. Kaya kinupkop ng isang mag-asawa sa kongregasyon ang nagdadalamhating mag-asawang ito sa kanilang tahanan at inalagaan sila sa loob ng ilang linggo.
22 Sabihin pa, hindi lahat ng gawa ng kabaitan ay naipakikita lamang sa gayong trahedya at personal na pagsasakripisyo. Ang ilan sa tulong na natatanggap natin ay sa mas maliliit na paraan. Ngunit gaano man kaliit ang ipinakitang kabaitan, pinahahalagahan natin iyon, hindi ba? May natatandaan ka bang pagkakataon na ang isang mabait na pangungusap o pagkamaalalahanin ng isang kapatid ay naging siyang tulong na kailangang-kailangan mo? Madalas na nagmamalasakit sa atin si Jehova sa gayong mga paraan.—Kawikaan 17:17; 18:24.
23. Paano minamalas ni Jehova ang ating pagsisikap na tulungan ang isa’t isa?
23 Nais mo bang gamitin ka ni Jehova upang tulungan ang iba? Nakabukas sa iyo ang pribilehiyong iyan. Sa katunayan, pinahahalagahan ni Jehova ang iyong pagsisikap. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Nagdudulot ng malaking kagalakan ang pagtulong natin sa ating mga kapatid. (Gawa 20:35) Hindi nararanasan ng mga kusang nagbubukod ng kanilang sarili ang kagalakang ito sa pagbibigay ni ang pampatibay-loob na dulot nito. (Kawikaan 18:1) Kaya naman, regular tayong dumalo sa mga pulong Kristiyano upang mapatibay-loob natin ang isa’t isa.—Hebreo 10:24, 25.
24. Bakit hindi natin dapat madama na pinagkakaitan tayo dahil sa hindi na natin nasasaksihan ang kagila-gilalas na mga himalang ginawa noon ni Jehova?
24 Hindi ba kasiya-siyang isipin ang mga paraan ng pagtulong ni Jehova sa atin? Bagaman hindi na tayo nabubuhay sa panahong gumagawa pa ng pambihirang mga himala si Jehova upang tuparin ang kaniyang mga layunin, hindi naman natin nadaramang pinagkakaitan tayo. Ang talagang mahalaga, ibinibigay sa atin ni Jehova ang lahat ng tulong na kailangan natin upang makapanatili tayong tapat. At kung sama-sama tayong magbabata sa pananampalataya, makikita natin ang pinakapambihira at pinakamaluwalhating mga gawa ni Jehova sa buong kasaysayan! Ipasiya nating tanggapin at lubusang gamitin ang maibiging tulong ni Jehova upang masabi rin natin ang mga salita sa ating teksto para sa taóng 2005: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”—Awit 121:2.
Ano sa Palagay Mo?
Paano inilalaan ni Jehova ang tulong na kailangan natin ngayon—
• sa pamamagitan ng mga anghel?
• sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu?
• sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita?
• sa pamamagitan ng mga kapananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Nakapagpapatibay-loob na malamang tumutulong ang mga anghel sa gawaing pangangaral
[Larawan sa pahina 21]
Maaaring gamitin ni Jehova ang isa sa ating mga kapananampalataya para dalhin sa atin ang kaaliwang kailangan natin