Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Humayo ang mga Nagtapos sa Gilead Bilang Masisigasig na Mang-aani!

Humayo ang mga Nagtapos sa Gilead Bilang Masisigasig na Mang-aani!

Humayo ang mga Nagtapos sa Gilead Bilang Masisigasig na Mang-aani!

“ANG aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:37, 38) May pantanging kahulugan ang mga salitang iyon para sa nagtapos na mga estudyante ng ika-116 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead habang naghahanda sila upang humayo sa kanilang mga atas bilang misyonero.

Noong Sabado, Marso 13, 2004, isang kabuuang bilang na 6,684 katao ang nagtipon sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, at sa mga lugar kung saan pinalabas sa telebisyon ang programa ng gradwasyon, na doo’y nakatanggap ang klase ng pangwakas na payo at pampatibay-loob. Tayong lahat ay maaaring makinabang sa ibinigay na payo, habang may-kasigasigan tayong gumagawa sa espirituwal na pag-aani.

Itinampok ng pambungad na pananalita ni Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at nagtapos sa ikapitong klase ng Gilead, ang mga salita ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Kay-angkop nga niyaon, yamang ipadadala ang mga nagtapos upang maglingkod sa 20 iba’t ibang bansa! Ipinaalaala niya sa mga estudyante na ang instruksiyon mula sa Salita ng Diyos ay lubusang nagsangkap sa kanila na maging masisigasig na manggagawa sa pinakamahalagang espirituwal na pag-aani.​—Mateo 5:16.

Kung Paano Magiging Mabubungang Mang-aani

Ang unang tagapagsalita sa programa ay si Robert Wallen, na lubhang naugnay sa Paaralang Gilead sa loob ng maraming taon. Sa kaniyang pagsasalita hinggil sa temang “Ang Kagandahan ng Pagkamahabagin,” sinabi niya sa mga estudyante: “Ang pagkamahabagin ang wikang nakikita at naririnig maging ng bulag at bingi.” Lubhang nababatid ni Jesus ang kabagabagan ng iba at sinikap niyang maibsan ito. (Mateo 9:36) Ang mga estudyante ay makakakita ng maraming pagkakataon na gawin din ang gayon​—sa gawaing pangangaral, sa kongregasyon, sa tahanan ng mga misyonero, at sa kani-kanilang pag-aasawa. Hinimok sila ng tagapagsalita: “Hayaang makita sa inyong buhay ang kagandahan ng pagkamahabagin habang pinaglilingkuran ninyo ang iba. Tanging ang pinakamainam ninyong paggawi ang nararapat sa pang-araw-araw na pamumuhay sa tahanan ng mga misyonero. Kung gayon, maging determinadong damtan ang inyong sarili ng pagkamahabagin.”​—Colosas 3:12.

Ang sumunod ay si Gerrit Lösch, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at nagtapos sa ika-41 klase ng Gilead, na tumalakay sa paksang “Mga Mamamahayag ng Kaligtasan.” (Isaias 52:7) Para pisikal na makaligtas ang mga tao kapag winasak na ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, kailangan silang kumuha ng tumpak na kaalaman mula sa Salita ng Diyos, gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya, at magpabautismo. (Roma 10:10; 2 Timoteo 3:15; 1 Pedro 3:21) Gayunman, ang pangunahing dahilan ng paghahayag ng kaligtasan ay, hindi upang iligtas ang mga tao, kundi upang pumuri sa Diyos. Kaya pinayuhan ni Brother Lösch ang magiging mga misyonero: “Dalhin ninyo ang mensahe ng Kaharian sa mga dulo ng lupa, at maging masisigasig na mamamahayag ng kaligtasan, pawang sa kapurihan ni Jehova.”​—Roma 10:18.

“Paano Ninyo Ipinaaaninag ang Espirituwal na Liwanag?” ang tanong na ibinangon ng instruktor ng Gilead na si Lawrence Bowen. Tinukoy niya ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 6:22 at pinasigla niya ang nagtapos na mga estudyante na panatilihing “simple” ang kanilang mata upang “ipaaninag nila ang espirituwal na kaliwanagan na lumuluwalhati kay Jehova at nagdudulot ng kapakinabangan sa mga kapuwa tao.” Mula sa pasimula ng kaniyang ministeryo, nagbigay si Jesus ng sakdal na halimbawa hinggil dito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kaniyang pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa kamangha-manghang mga bagay na itinuro sa kaniya ng kaniyang Ama sa langit ang tumulong kay Jesus na batahin ang mga pagsubok ni Satanas sa ilang. (Mateo 3:16; 4:1-11) Ipinakita ni Jesus ang ganap na pananalig kay Jehova sa pagtupad sa iniatas sa kaniya ng Diyos na gawin. Sa katulad na paraan, upang mapagtagumpayan ang mga hamong napapaharap sa kanila, dapat magpatuloy ang mga misyonero sa mabubuting kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya at lubusang magtiwala kay Jehova.

Si Mark Noumair, isang instruktor ng Gilead at nagtapos sa ika-77 klase ng Gilead, ang nagwakas sa mga seryeng ito ng pahayag, sa pagsasalita hinggil sa temang “Narito Kami sa Iyong Kamay.” (Josue 9:25) Pinasigla niya ang mga estudyante na tularan ang saloobin ng sinaunang mga Gibeonita. Bagaman ang Gibeon ay “isang dakilang lunsod . . . at ang lahat ng mga lalaki nito ay mga makapangyarihan,” hindi hinangad ng mga Gibeonita na sila’y makilala ni inasahan man na magaganap ang mga bagay salig sa kanilang kagustuhan. (Josue 10:2) Handa silang maglingkod bilang “mga tagakuha ng kahoy at mga tagasalok ng tubig” sa ilalim ng mga Levita bilang pagsuporta sa pagsamba kay Jehova. (Josue 9:27) Sa diwa, ang mga miyembro ng nagtapos na klase ay nagsabi sa Lalong Dakilang Josue, si Jesu-Kristo, ‘Narito kami sa iyong kamay.’ Ngayon, sa pagsisimula sa kanilang mga atas sa ibang bansa, kailangan nilang tanggapin ang anumang gawain na ipagawa sa kanila ng Lalong Dakilang Josue.

Mga Karanasan at Panayam

Tinalakay ni Wallace Liverance, isang nagtapos sa ika-61 klase ng Gilead at isa sa mga instruktor, ang temang “Lubusang Buksan ang Kasulatan” kasama ang isang grupo ng mga estudyante. Inilahad at isinadula nila ang mga karanasang natamasa nila sa ministeryo sa larangan sa panahon ng kanilang pag-aaral. Maliwanag na ang kanilang puspusang pag-aaral ng Kasulatan sa loob ng mahigit na limang buwan ng pagsasanay ay umabot sa kanilang puso at gumanyak sa kanila na ibahagi sa iba ang kanilang natutuhan. (Lucas 24:32) Noong panahon ng limang-buwan na kurso, naibahagi ng isang estudyante sa kaniyang kapatid sa laman ang natutuhan niya. Dahil dito ay napasigla ang kaniyang kapatid na hanapin ang lokal na kongregasyon at mag-aral ng Bibliya. Kuwalipikado na siya ngayon na maging di-bautisadong mamamahayag.

Pagkatapos ng mga karanasang ito, kinapanayam nina Richard Ashe at John Gibbard ang ilang matatagal nang tapat na lingkod ni Jehova, pati na ang naglalakbay na mga tagapangasiwa na tumanggap ng pantanging pagsasanay sa Watchtower Educational Center. Sila ay nagtapos sa naunang mga klase ng Paaralang Gilead. Naaalaala ng isa ang sinabi ni Brother Knorr sa klase: “Sa Gilead, marami kayong gagawing pag-aaral. Pero kung lalabas kayo at magiging mayayabang, nabigo kami. Gusto namin kayong lumabas na may maibiging puso.” Pinayuhan ng naglalakbay na mga kapatid ang kasalukuyang klase na maging palaisip sa pangangailangan ng mga tao, makitungo sa iba kagaya ni Kristo, at tanggapin nang may kapakumbabaan ang anumang atas na ibigay sa kanila. Ang pagkakapit sa payong ito ay walang-alinlangang tutulong sa bagong mga misyonero na maging mabunga sa kanilang mga atas.

Humayo Kayo Bilang Masisigasig na Mang-aani!

Nagkaroon ng pagkakataon ang mga tagapakinig na mapakinggan si Stephen Lett, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ipinahayag niya ang pangunahing pahayag ng programa, na pinamagatang “Humayo Kayo Bilang Masisigasig na Mang-aani!” (Mateo 9:38) Sa literal na pag-aani, limitado ang panahon ng pag-aani sa bunga. Kailangang puspusang magpagal ang mga mang-aani. Tunay ngang mas mahalaga ito sa panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay! Sa malaking espirituwal na pag-aani, mga buhay ang nakasalalay. (Mateo 13:39) Pinasigla ni Brother Lett ang mga nagtapos na huwag ‘magmakupad sa kanilang gawain,’ kundi sa halip ay maging ‘maningas sa espiritu’ at ‘magpaalipin para kay Jehova’ sa di-na-mauulit na pag-aaning ito. (Roma 12:11) Sinipi ng tagapagsalita ang mga salita ni Jesus: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Pagkatapos ay hinimok niya ang mga nagtapos na ipakita ang kanilang sigasig sa gawaing pag-aani sa pamamagitan ng taimtim na pagsisikap na abutin ang mga tao sa panahon at lugar na masusumpungan sila at sa pagsasamantala sa lahat ng pagkakataon upang makapagpatotoo nang di-pormal. Ang pagiging alisto na gumawa ng mga pagkakataon ay makapagpapadali sa pagbibigay ng mabisang patotoo. Si Jehova ay isang masigasig na Diyos, at inaasahan niyang lahat tayo ay tutulad sa kaniya at puspusang magpapagal sa espirituwal na pag-aani.​—2 Hari 19:31; Juan 5:17.

Sa pagwawakas ng programa, ibinahagi ng tsirman, si Brother Jaracz, ang mga pagbati mula sa maraming tanggapang pansangay at ibinigay sa mga estudyante ang kanilang mga diploma. Binasa ng isa sa mga nagtapos ang isang liham mula sa klase, na nagpapahayag ng masidhing pagpapahalaga sa pagsasanay na tinanggap nila. Maliwanag na ang programa ng gradwasyon ng ika-116 na klase ay nagpakilos sa lahat ng dumalo na maging higit na determinadong humayo bilang masisigasig na mang-aani.

[Kahon sa pahina 25]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6

Bilang ng mga bansang magiging atas: 20

Bilang ng mga estudyante: 46

Katamtamang edad: 34.2

Katamtamang taon sa katotohanan: 17.2

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.9

[Larawan sa pahina 26]

Ang Ika-116 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Ceansu, R.; Sparks, T.; Piña, C.; Turner, P.; Cheney, L. (2) Suardy, M.; Sjöqvist, Å.; Amadori, L.; Smith, N.; Jordan, A.; Boissonneault, L. (3) Matlock, J.; Ruiz, C.; Dular, L.; Vigneron, M.; Henry, K. (4) Sjöqvist, H.; Laux, J.; Ruzzo, J.; Gustafsson, K.; Boissonneault, R.; Jordan, M. (5) Henry, D.; Turner, D.; Kirwin, S.; Florit, K.; Ceansu, S. (6) Amadori, S.; Cheney, J.; Ross, R.; Nelson, J.; Ruiz, J.; Vigneron, M. (7) Florit, J.; Matlock, D.; Ross, B.; Laux, C.; Ruzzo, T.; Dular, D.; Kirwin, N. (8) Gustafsson, A.; Nelson, D.; Suardy, W.; Piña, M.; Smith, C.; Sparks, T.