Dapat Ka Bang Umanib sa Isang Relihiyon?
Dapat Ka Bang Umanib sa Isang Relihiyon?
‘HINDI ko kailangang umanib sa isang relihiyon o magsimba lagi upang manampalataya sa Diyos!’ Iyan ang nadarama ng maraming tao hinggil sa pagiging miyembro ng isang relihiyon o ng anumang relihiyosong organisasyon. Sa katunayan, sinasabi ng ilan na nadarama nilang mas malapít sila sa Diyos kapag nasisiyahan sila sa kalikasan habang nasa labas ng bahay kaysa kung nagsisimba sila. Sa ngayon, pangkaraniwan na ang opinyon na ang pag-anib sa isang relihiyosong grupo o organisasyon ay hindi kahilingan sa paniniwala sa Diyos.
Gayunman, iba naman ang taimtim na nadarama ng ilan. Sinasabi nilang ang pagiging miyembro ng relihiyon at pagsisimba ay kailangan, napakahalaga pa nga, upang matamo ng isa ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya ang isyu kung talaga bang kailangan ang pag-anib sa relihiyon ay hindi lamang basta isang bagay na pang-estadistika o pang-akademiko. Sa paanuman, yamang nasasangkot ang ating kaugnayan sa Diyos, hindi ba lohikal lamang na alamin ang pangmalas ng Diyos hinggil sa bagay na ito? Kung gayon, ano ang matututuhan natin sa kaniyang Salita, ang Bibliya, hinggil sa paksang ito?
Kung Paano Nakitungo ang Diyos sa mga Tao Noon
Halos 4,400 taon na ang nakalilipas, isang kapaha-pahamak na baha ang sumapit sa buong lupa. Hindi madaling malimutan ang gayong pangyayari, at ang mga tao sa buong daigdig ay may mga kuwento hinggil dito sa kanilang sinaunang kasaysayan. Bagaman magkakaiba ang detalye, maraming pagkakatulad ang mga kuwentong ito, kabilang na ang bagay na iilang tao lamang at iilang hayop ang nakaligtas.
Ang mga nakaligtas ba sa Baha ay mapalad na mga indibiduwal lamang na nagkataong nakatakas sa pagkapuksa? Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na hindi gayon ang nangyari. Kapansin-pansin, hindi ipinaalam ng Diyos sa bawat indibiduwal ang hinggil sa parating na Baha. Sa halip, sinabi niya ito kay Noe, na siya namang nagbabala sa kaniyang Genesis 6:13-16; 2 Pedro 2:5.
mga kapanahon hinggil sa dumarating na Delubyo.—Ang kaligtasan ay nakasalalay sa pagiging bahagi ng grupong ito na nagtutulungan sa isa’t isa at sa pagiging handang tumanggap ng patnubay ng Diyos na ibinigay kay Noe. Maging ang mga hayop na nasa arka ay nakaligtas sa Baha dahil sa pakikisama sa grupong ito. Ibinigay kay Noe ang eksaktong mga tagubilin na gumawa ng angkop na mga paglalaan para sa pagliligtas ng buhay-hayop.—Genesis 6:17–7:8.
Pagkalipas ng maraming siglo, ang mga inapo ni Noe sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Sem ay inalipin sa Ehipto. Gayunman, ang layunin ng Diyos ay palayain sila at dalhin sila sa lupaing ipinangako niya sa kanilang ninunong si Abraham. Muli, hindi ito isiniwalat sa bawat indibiduwal kundi sa halip ay isiniwalat muna sa mga pinili upang maging mga lider nila—si Moises at ang kaniyang kapatid na si Aaron. (Exodo 3:7-10; 4:27-31) Pagkatapos mailigtas bilang isang grupo ang dating mga alipin mula sa Ehipto, ibinigay sa kanila ang Kautusan ng Diyos sa Bundok Sinai at ginawa silang ang bansang Israel.—Exodo 19:1-6.
Naging posible lamang ang kaligtasan ng indibiduwal na mga Israelita dahil kasama sila sa isang grupo na itinatag ng Diyos at sinunod nila ang tagubilin ng hinirang na mga lider ng grupong ito. Nagkaroon pa nga ng mga probisyon para makasama ang indibiduwal na mga Ehipsiyo sa grupong ito na maliwanag na may pagsang-ayon ng Diyos. Nang lisanin ng mga Israelita ang Ehipto, sumama sa kanila ang mga indibiduwal na ito, sa gayo’y inihanay ang kanilang sarili sa mga pagpapala ng Diyos.—Exodo 12:37, 38.
Pagkatapos, noong unang siglo, pinasimulan ni Jesus ang kaniyang gawaing pangangaral, anupat tinitipon ang mga tao bilang kaniyang mga alagad. Pinakitunguhan niya sila bilang isang grupo, bagaman nagbigay rin siya ng maibiging pansin sa mga indibiduwal ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sa 11 tapat na apostol, sinabi ni Jesus: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28, 29) Nang maglaon, bumaba ang banal na espiritu ng Diyos sa mga alagad noong magkakasama sila bilang isang grupo.—Gawa 2:1-4.
Maliwanag na ipinakikita ng mga halimbawang ito na laging pinakikitunguhan noon ng Diyos ang kaniyang bayan bilang isang organisadong grupo. Sa katunayan, ang ilang indibiduwal na personal na pinakitunguhan ng Diyos—sina Noe, Moises, Jesus, at iba pa—ay ginamit Niya upang makipagtalastasan sa isang grupo na may malapít na samahan. Walang dahilan para maniwala na iba na ang pakikitungo ng Diyos sa mga lingkod niya sa ngayon. Sabihin pa, nagbabangon ito ng isa pang tanong: Sapat na bang umanib sa kahit anumang relihiyosong grupo? Tatalakayin natin ang napakahalagang tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 4]
Matagal nang pinakikitunguhan ng Diyos ang kaniyang bayan bilang isang organisadong grupo