Kung Paano Mo Masasapatan ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
Kung Paano Mo Masasapatan ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
“NOONG nakaraang dekada, binaha ang mga tindahan ng aklat ng mahigit na 300 akda tungkol sa espirituwalidad sa lugar ng trabaho—mula sa Jesus CEO hanggang sa The Tao of Leadership,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Ipinakikita lamang ng kalakarang ito ang katotohanan na sa maraming lupaing mayaman sa materyal na mga bagay, may lumalaganap na pagkagutom sa espirituwal na patnubay sa buhay. Bilang komento tungkol dito, sinabi ng pangnegosyong babasahin na Training & Development: “Sa panahon na ang teknolohiya ang siyang magpapatakbo sa bawat aspekto ng ating buhay, naghahanap tayo ng mas malalim na kahulugan, ng layunin, at ng higit na personal na kasiyahan.”
Kung gayon, saan ka makasusumpong ng kasiya-siyang espirituwal na patnubay? Noon, inaasahan ng mga tao ang nakatatag na mga relihiyon upang tumulong sa kanila na masumpungan ang “mas malalim na kahulugan” at “layunin” ng buhay. Sa ngayon, marami ang tumalikod na sa organisadong relihiyon. Natuklasan ng isang surbey sa 90 manedyer at mga ehekutibong may matataas na posisyon na “malinaw na kinikilala ng mga tao ang pagkakaiba ng relihiyon at espirituwalidad,” ang sabi ng Training & Development. Minalas ng mga tumugon sa surbey ang relihiyon bilang “di-mapagparaya at nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi,” samantalang ang espirituwalidad naman bilang “pansansinukob at may malawak na saklaw.”
Minamalas din ng maraming kabataan sa mas sekular na mga lipunan, gaya ng Australia, New Zealand, United Kingdom, at Europa, na magkaiba ang relihiyon at espirituwalidad. Ganito ang iginiit ni Propesor Ruth Webber, na sumulat sa Youth Studies Australia: “Ang karamihan sa mga kabataan ay naniniwala sa Diyos, o sa isang uri ng puwersang sobrenatural ngunit hindi nila itinuturing na mahalaga o nakatutulong ang simbahan sa pagpapahayag ng kanilang espirituwalidad.”
Nagtataguyod ng Espirituwalidad ang Tunay na Relihiyon
Mauunawaan naman ang mapag-alinlangang pananaw sa relihiyon. Maraming relihiyosong organisasyon ang lubusang sangkot sa pulitikal na mga intriga at moral na pagpapaimbabaw at may pananagutan sa pagpatay sa mga taong walang-sala sa di-mabilang na relihiyosong mga digmaan. Gayunman, habang itinatakwil ng ilan ang relihiyosong mga organisasyon na nadungisan ng pagpapaimbabaw at panlilinlang, kanila rin namang may-pagkakamaling itinatakwil ang Bibliya, na inaakala nilang kumukunsinti sa gayong mga gawain.
Ang totoo, hinahatulan ng Bibliya ang pagpapaimbabaw at katampalasanan. Sinabi ni Jesus sa relihiyosong mga lider noong panahon niya: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat nakakahalintulad kayo ng mga pinaputing libingan, na sa labas nga ay nagtitinging maganda ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng karumihan. Sa gayong paraan kayo rin, sa labas nga, ay nagtitinging matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.”—Mateo 23:27, 28.
Karagdagan pa, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na maging neutral sa mga gawain sa pulitika. Sa halip na udyukang magpatayan ang mga mananampalataya, iniuutos nito na dapat silang maging handang mamatay para sa isa’t isa. (Juan 15:12, 13; 18:36; 1 Juan 3:10-12) Sa halip na maging ‘di-mapagparaya at magdulot ng pagkakabaha-bahagi,’ ang tunay na relihiyon, na salig sa Bibliya, ay “may malawak na saklaw.” Sinabi ni apostol Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang Bibliya—Maaasahang Patnubay sa Espirituwal na Kalusugan
Sinasabi sa atin ng Bibliya na nilalang ang mga tao ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26, 27) Bagaman hindi ito nangangahulugan na kawangis ng mga tao ang Diyos sa pisikal na paraan, nangangahulugan ito na may kakayahan ang mga tao na ipakita ang mga katangian ng Diyos, kabilang na ang kakayahan para sa espirituwal na mga bagay, o espirituwalidad.
Kung gayon, makatuwirang maniwala na ipagkakaloob din sa atin ng Diyos ang paraan upang masapatan ang ating espirituwal na mga pangangailangan, gayundin ang angkop na patnubay upang makilala natin kung ano ang kapaki-pakinabang at kung ano ang nakapipinsala sa atin sa espirituwal. Kung paanong nilalang ng Diyos ang ating mga katawan na may napakahusay na dinisenyong sistema ng imyunidad, na sumusugpo sa sakit at tumutulong sa atin na manatiling malusog, sinangkapan din niya tayo ng budhi, o panloob na tinig, na makatutulong sa atin na gumawa ng tamang mga pasiya at umiwas sa mga gawaing nakapipinsala sa pisikal at espirituwal. (Roma 2:14, 15) Gaya ng alam natin, upang gumana ang ating sistema ng imyunidad, dapat itong tustusan nang sapat. Sa katulad na paraan, upang gumana ang ating budhi, kailangan natin itong tustusan ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain.
Bilang pagbanggit sa uri ng pagkain na magpapanatili sa atin na malusog sa espirituwal, sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa Mateo 4:4) Ang mga pananalita ni Jehova ay nakasulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at ang mga ito ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Timoteo 3:16) Kung gayon, pananagutan natin na pagsikapang makuha ang espirituwal na panustos na iyon. Sa antas na pinag-aaralan natin ang Bibliya at sinisikap na ikapit ang mga simulain nito sa ating buhay, sa gayong antas din tayo makikinabang sa espirituwal at pisikal.—Isaias 48:17, 18.
bibig ni Jehova.” (Sulit Bang Pagsikapan Ito?
Totoo namang kailangan ng panahon upang mapabuti ang ating espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya; at tila lalong pailap nang pailap ang panahon. Ngunit sulit ang pagsisikap dahil sa mga gantimpala! Pansinin ang paliwanag ng abalang mga propesyonal na tao hinggil sa kung bakit mahalaga sa kanila ang paglalaan ng panahon upang pangalagaan ang kanilang espirituwal na kalusugan.
Sinabi ni Marina, isang doktora: “Nang magtrabaho ako sa ospital at magsimulang madama ang pagdurusa ng iba saka ko lamang napag-isipan ang aking espirituwalidad. Napagtanto ko noon na kailangan kong kilalanin at sapatan ang aking espirituwal na pangangailangan upang maging kontento ako at magkaroon ng katiwasayan, yamang ang bilis ng takbo ng buhay at ang pangangailangang asikasuhin ang kabalisahan ng mga tao ay maaaring magpahina sa mga nasa propesyon ko.
“Nakikipag-aral na ako ngayon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tinutulungan ako ng pag-aaral na ito na suriin sa nakapagpapatibay na paraan ang aking mga gawain at motibo at sinasanay nito ang paraan ng aking pag-iisip upang maging mas positibo, nang sa gayon ay magkaroon ako ng balanseng buhay. Nakasusumpong ako ng malaking kasiyahan sa aking sekular na karera. Subalit ang pag-aaral ko sa Bibliya ang nagpabuti ng aking emosyonal na kalusugan, tumulong sa akin na kontrolin ang negatibong mga damdamin, bawasan ang kaigtingan, at maging mas matiisin at mahabagin sa mga tao. Nakatulong din sa aking pag-aasawa ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Ang pinakamahalaga sa lahat, nakilala ko si Jehova at naranasan, sa maliit na antas, ang malayang pagdaloy ng kaniyang espiritu, na nagbigay ng higit na kahulugan sa aking buhay.”
Sinabi ni Nicholas, isang arkitektong disenyador: “Bago ako makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, wala akong kainte-interes sa espirituwal na mga bagay. Ang tanging tunguhin ko sa buhay ay ang magtagumpay sa aking napiling propesyon. Itinuro sa akin ng pag-aaral ko sa Bibliya na higit pa rito ang buhay at na ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay nagdudulot ng tunay at namamalaging kaligayahan.
“Hindi nagbibigay sa akin ng lubos na kasiyahan ang sekular na karera ko, ngunit ang Bibliya ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pagpapanatiling simple ng buhay sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Sa paggawa nito, naiwasan naming mag-asawa ang maraming kaigtingan na dulot ng materyalistikong istilo ng pamumuhay. Nagkaroon din kami ng maraming tunay na kaibigan sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga taong may ganito ring espirituwal na pananaw sa buhay.”
Sinabi ni Vincent, isang abogado: “Nakapagdudulot ng isang antas ng kasiyahan ang magandang sekular na karera. Gayunman, nasumpungan kong higit pa ang kailangan upang matamo
ang kaligayahan at pagkakontento. Bago ko malaman ang turo ng Bibliya hinggil sa paksang ito, nagugunita kong natigilan ako sa kawalang-kabuluhan ng buhay—ang pagsilang, paglaki, pag-aasawa, pagtatrabaho upang mailaan ang kinakailangang materyal na mga bagay sa pag-aaruga ng mga anak, pagsasanay sa kanila na sumunod sa iyo’t iyon ding siklo ng buhay, at sa wakas ay pagtanda at kamatayan.“Nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, saka ko lamang natanggap ang kasiya-siyang mga sagot sa aking mga tanong tungkol sa layunin ng buhay. Tinulungan ako ng pag-aaral ko sa Bibliya upang makilala si Jehova bilang persona at malinang ang malalim na pag-ibig sa kaniya. Naglaan ito ng saligan upang mapanatili ko ang malusog na espirituwal na pananaw habang sinisikap kong mamuhay ayon sa alam kong layunin niya. Sa ngayon, nasisiyahan kaming mag-asawa sa pagkaalam na ginagamit namin ang aming buhay sa pinakamakabuluhang paraan na posible.”
Maaari ring magkaroon ng layunin at kahulugan ang iyong buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Tulad nina Marina, Nicholas, at Vincent, makapagtatamo ka ng kasiyahan na nagmumula sa pagkilala kay Jehova at pag-alam sa kaniyang mga layunin para sa sangkatauhan sa pangkalahatan at para sa iyo bilang indibiduwal. Hindi mo lamang madarama ang kagalakan na sapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan ngayon kundi magkakaroon ka rin ng pag-asang magtamasa ng buhay na walang hanggan sa sakdal na pisikal na kalusugan—isang pag-asang bukás lamang sa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
Ang isang paraan upang malinang ang ating espirituwalidad ay sa pamamagitan ng panalangin. Naglaan si Jesus ng panahon upang turuang manalangin ang kaniyang mga alagad, anupat ibinigay sa kanila ang karaniwan nang tinatawag na Panalangin ng Panginoon. Ano ang kahulugan ng panalanging iyan para sa iyo ngayon? Paano ka makikinabang dito? Masusumpungan mo ang mga sagot sa dalawang susunod na artikulo.
[Mga larawan sa pahina 6]
Si Marina
[Mga larawan sa pahina 7]
Si Nicholas
[Mga larawan sa pahina 7]
Si Vincent