Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos, Hindi sa Tao
Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos, Hindi sa Tao
NITO lamang nakaraang mga buwan, natutuhan ng mga umiibig sa katuwiran sa buong daigdig kung paano magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos habang nagtitipon sila sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Repasuhin natin ang nakapagtuturong programa na iniharap dito.
Ang programa na nakasalig sa Bibliya ay tumagal nang tatlong sunud-sunod na araw para sa karamihan ng mga kombensiyonista at apat na araw naman para sa mga nakadalo sa pantanging internasyonal na mga pagtitipon. Lahat-lahat, narinig ng mga dumalo ang mahigit sa 30 maka-Kasulatang mga presentasyon, kasali na ang mga pahayag na nagpapalalim ng kaunawaan at pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, mga karanasang nagpapatibay ng pananampalataya, mga pagtatanghal na nagtatampok ng praktikal na pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, at isang kumpleto sa kostiyum na drama na nagpapakita sa mga hamong nakaharap ng mga Kristiyano noong unang siglo. Kung nadaluhan mo ang isa sa mga kombensiyon, bakit hindi repasuhin ang iyong mga nota habang binabasa mo ang artikulong ito? Nakatitiyak kami na ipagugunita nito ang masasayang alaala ng saganang espirituwal na piging at magiging nakapagtuturo rin.
Tema sa Unang Araw: “Ikaw ang Karapat-dapat, Jehova, . . . na Tumanggap ng Kaluwalhatian”
Pagkatapos ng pambungad na awit at panalangin, malugod na tinanggap ng unang tagapagsalita ang lahat ng dumalo sa pamamagitan ng pahayag na nagtutuon ng pansin sa pangunahing dahilan ng kombensiyon: “Nagtitipon Tayo Upang Luwalhatiin ang Diyos.” Sa pagsipi sa Apocalipsis 4:11, idiniin ng tagapagsalita ang pangkalahatang tema ng kombensiyon. Agad niyang itinawag-pansin kung ano ang kahulugan ng magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Ginagamit ang aklat ng Mga Awit, idiniin niya na nasasangkot sa pagluwalhati sa Diyos ang “pagsamba,” “pasasalamat,” at “papuri.”—Awit 95:6; 100:4, 5; 111:1, 2.
Ang sumunod na bahagi ay pinamagatang “Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos.” Isang nakatatawag-pansing komento ang ibinigay ng tagapagsalita. Yamang mahigit sa anim na milyong Saksi ni Jehova ang nasa 234 na lupain sa buong daigdig, masasabi na ang araw ay hindi kailanman lumulubog sa mga lumuluwalhati kay Jehova. (Apocalipsis 7:15) Isang pinahahalagahang pitak ng bahaging ito na nagpasigla sa puso ng tagapakinig ang pakikipanayam sa ilang kapatid na Kristiyano na nakikibahagi sa ilang larangan ng pantanging buong-panahong paglilingkod.
Ang sumunod na pahayag ay ang “Inihahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ng Diyos.” Bagaman tahimik, dinadakila ng pisikal na langit ang kadakilaan ng Diyos at tinutulungan tayo na pasidhiin ang ating pagpapahalaga sa kaniyang Isaias 40:26.
maibiging pangangalaga. Ipinaliwanag ito nang maingat at detalyado.—Naging hamon sa katapatan ng tunay na mga Kristiyano ang pag-uusig, pagsalansang, makasanlibutang mga impluwensiya, at makasalanang mga hilig. Kaya naman nararapat sa matamang pansin ng tagapakinig ang pahayag na “Lumakad sa Daan ng Katapatan.” Isang talata-por-talatang pagtalakay sa ika-26 na Awit ang sumunod, kasali na ang mga panayam sa isang estudyanteng Saksi na nanindigang matatag sa moral at sa isa pa na dating gumugugol ng napakaraming panahon sa kaduda-dudang libangan ngunit gumawa ng mga hakbang upang mapagtagumpayan ang problema.
Tinapos ng pinakatemang pahayag na, “Pinasisigla Tayo ng Maluwalhati at Makahulang mga Pangitain!” ang programa sa umaga. Binanggit ng tagapagsalita ang mga halimbawa ni propeta Daniel at ng mga apostol na sina Juan at Pedro bilang mga indibiduwal na may pananampalatayang pinalakas ng maluwalhati at makahulang mga pangitaing may kaugnayan sa pagtatatag at pagkilos ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Kung tungkol sa sinumang nakalimot sa malinaw na ebidensiyang nagpapatunay na nasa panahon na tayo ng kawakasan, sinabi ng tagapagsalita: “Taos-puso tayong umaasa na ang mga ito ay muling magtutuon ng pansin sa katotohanan ng pagkanaririto ni Kristo taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian at na sila ay matutulungang manumbalik sa espirituwal na kalakasan.”
Nagsimula ang programa sa hapon sa pamamagitan ng pahayag na pinamagatang “Isiniwalat ang Kaluwalhatian ni Jehova sa mga Mapagpakumbaba.” Ipinakita ng tagapagsalita kung paano nagpapakita ng halimbawa ng kapakumbabaan si Jehova, bagaman siya ang pinakamataas na Persona sa sansinukob. (Awit 18:35) Sinasang-ayunan ni Jehova ang mga tunay na mapagpakumbaba, ngunit sinasalansang niya ang mga nagpapakumbaba lamang kapag nakikitungo sa kanilang mga kasamahan o sa mga nakatataas sa kanila ngunit nakikitungo naman nang may kalupitan sa mga nasa ilalim ng kanilang superbisyon.—Awit 138:6.
Sumunod, itinampok ang hula ng Bibliya sa isang simposyum na nagpapatingkad sa iba’t ibang aspekto ng pangunahing tema: “Ang Hula ni Amos—Ang Mensahe Nito Para sa Ating Panahon.” Sa pagtukoy sa halimbawa ni Amos, itinawag-pansin ng unang tagapagsalita ang pananagutan natin na babalaan ang mga tao sa dumarating na paghatol ni Jehova. Ang tema ng kaniyang pahayag ay “Ipahayag ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan.” Iniharap ng ikalawang tagapagsalita ang tanong na: “Wawakasan pa kaya ni Jehova ang kabalakyutan at pagdurusa rito sa lupa?” Ipinakita ng kaniyang bahagi, “Ang Paghatol ng Diyos Laban sa Balakyot,” na laging nararapat, di-matatakasan, at mapamili ang paghatol ng Diyos. Ang huling tagapagsalita sa simposyum ay nagbigay-pansin sa temang “Sinusuri ni Jehova ang Puso.” Diringgin ng mga naghahangad na palugdan si Jehova ang mga salita sa Amos 5:15: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.”
Ang mga inuming de-alkohol, tulad ng alak na nagpapasaya sa puso, ay maaaring gamitin sa maling paraan. Sa kaniyang pahayag na “Iwasan ang Silo ng Pag-abuso sa Inuming De-alkohol,” itinala ng tagapagsalita ang pisikal at espirituwal na mga panganib ng labis na paggamit ng alkohol, kahit na hindi nalalasing ang isang tao. Nagbigay siya ng gumagabay na simulain: Yamang iba-iba ang dami ng alkohol na kayang inumin ng bawat tao, anumang dami na nakapagpapahina sa iyong ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’ ay labis-labis na sa iyo.—Kawikaan 3:21, 22.
Yamang nabubuhay na tayo sa mapanganib na mga panahon, talagang nakaaaliw ang sumunod na paksang, “Si Jehova, ang Ating ‘Tanggulan sa mga Panahon ng Kabagabagan.’ ” Makatutulong ang panalangin, banal na espiritu, at ang mga kapuwa Kristiyano upang magtagumpay tayo.
Ang huling pahayag sa araw na iyon, “ ‘Ang Mabuting Lupain’—Isang Patikim sa Paraiso,” ay nagtapos sa pamamagitan ng nakagagalak na sorpresa para sa lahat—isang bagong publikasyon na may maraming mapa sa Bibliya! Ito ay pinamagatang Tingnan Mo ang Mabuting Lupain.
Tema sa Ikalawang Araw: “Ipahayag Ninyo ang Kaniyang Kaluwalhatian sa Gitna ng mga Bansa”
Matapos isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto, iniharap ang ikalawang simposyum ng kombensiyon, na may temang “Ipaaninag ang Kaluwalhatian ni Jehova Tulad ng mga Salamin.” Ipinaliwanag ng unang bahagi ang hinggil sa “Pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa Lahat ng Dako” at inilakip ang mga pagsasadula ng aktuwal na mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Inilakip ng ikalawang pahayag ang isang pagtatanghal hinggil sa pagdalaw-muli habang inihaharap ng tagapagsalita
ang temang “Pag-aalis ng Talukbong sa mga Bulag.” Pinatingkad ang huling bahagi, na pinamagatang “Ginagawa Iyon Nang Lubus-lubusan sa Ating Ministeryo,” sa pamamagitan ng kawili-wiling mga panayam hinggil sa mga karanasan sa larangan.Ang sumunod na bahagi ng programa ay pinamagatang “Kinapootan Nang Walang Dahilan.” Kasali rito ang nakapagpapasiglang mga pakikipanayam sa tapat na mga indibiduwal na nakapanatiling tapat sa ilalim ng pagsalansang dahil sa lakas ng Diyos.
Ang lubhang inaasam na bahagi ng kombensiyon ay ang pahayag sa bautismo na sinusundan ng lubusang pagpapalubog sa tubig ng lahat ng mga kuwalipikadong kandidato. Isinasagisag ng bautismo sa tubig ang lubusang pag-aalay ng isang tao kay Jehova. Kaya naman lubhang naaangkop ang paksa: “Ang Pagtupad sa Ating Pag-aalay ay Lumuluwalhati sa Diyos.”
Nagsimula ang programa sa hapon sa pamamagitan ng isang pahayag na nagpasigla sa tagapakinig na suriin ang sarili, “Linangin ang Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan.” Binanggit ng tagapagsalita ang nakatatawag-pansing puntong ito: Ang kadakilaan ay nagmumula sa pagtulad sa kapakumbabaan ni Kristo. Samakatuwid, hindi dapat maghangad ng pananagutan ang isang Kristiyano upang bigyang-kasiyahan ang personal na ambisyon. Dapat niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Handa ba akong gumawa ng kapaki-pakinabang na mga atas na hindi agad napapansin?’
Nakadarama ka ba ng pagod? Maliwanag ang sagot. Pinahalagahan ng lahat ang pahayag na “Pagód Ngunit Hindi Nanghihimagod.” Ipinakita ng mga panayam sa matatagal nang Saksi na ‘mapalalakas tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.’—Efeso 3:16.
Ang pagkabukas-palad ay isang katangian na hindi likas sa atin kundi dapat itong matutuhan. Idiniin ang mahalagang puntong ito sa bahaging “Maging Mapagbigay, Handang Mamahagi.” At ibinangon ang nakapupukaw-kaisipang tanong na ito: “Handa ba nating ibahagi ang ilang minuto ng ating araw kasama ng mga kapatid na lalaki at babae na may-edad na, may sakit, nanlulumo, o nalulumbay?”
Nakatawag sa pansin ng tagapakinig ang paksang “Mag-ingat sa ‘Tinig ng Ibang mga Tao.’ ” Inihambing ng pahayag na ito ang mga tagasunod ni Jesus sa mga tupa na nakikinig lamang sa kaniyang tinig bilang “ang mabuting pastol” at hindi nakikinig sa “tinig ng ibang mga tao” na namumutawi sa iba’t ibang paraan na naiimpluwensiyahan ng Diyablo.—Juan 10:5, 14, 27.
Dapat umawit nang nagkakaisa ang isang koro upang maunawaan ito. Upang maluwalhati ang Diyos, dapat magkaisa ang tunay na mga mananamba sa buong daigdig. Dahil dito, nagbigay ng kapaki-pakinabang na tagubilin ang paksang “Luwalhatiin ang Diyos ‘sa Pamamagitan ng Iisang Bibig’ ” kung paano makapagsasalita ng iisang “dalisay na wika” at makapaglilingkod kay Jehova “nang balikatan” ang bawat isa sa atin.—Zefanias 3:9.
Lubusang nalugod ang mga magulang, lalo na yaong mga may mumunting anak, sa huling pahayag ng araw na iyon, “Ang Ating mga Anak—Isang Pinakamamahal na Mana.” Inilabas ang isang bagong publikasyon na may 256 na pahina, anupat malugod na sinorpresa ang tagapakinig. Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro ay isang aklat na tutulong sa mga magulang na gumugol ng panahon na kapaki-pakinabang sa espirituwal na paraan kasama ng kanilang mga anak, na kaloob ng Diyos sa kanila.
Tema sa Ikatlong Araw: “Gawin Ninyo ang Lahat ng Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos”
Pinasimulan ng mga paalaala sa pang-araw-araw na teksto ang huling araw ng kombensiyon sa pamamagitan ng paghaharap ng espirituwal na mga kaisipan. Nagbigay ng karagdagang pansin ang unang bahagi ng programa sa araw na ito sa kaayusan ng pamilya. Inihanda ng unang pahayag na, “Mga Magulang, Patibayin ang Inyong Pamilya,” ang isipan ng tagapakinig. Matapos repasuhin ang mga pananagutan ng mga magulang na maglaan
ng materyal na mga bagay sa kanilang pamilya, pinatunayan ng tagapagsalita na ang pangunahing pananagutan ng mga magulang ay ang maglaan ng espirituwal na mga bagay sa kanilang mga anak.Kinausap ng sumunod na tagapagsalita ang mga anak at sinuri ang paksang “Kung Paano Pinupuri ng mga Kabataan si Jehova.” Sinabi niya na katulad ng “mga patak ng hamog” ang mga kabataan dahil napakarami nila at nakapagpapaginhawa ang kanilang sigasig bilang kabataan. Natutuwa ang mga adulto na gumawang kasama nila sa paglilingkod kay Jehova. (Awit 110:3) Kasali sa bahaging ito ang nakalulugod na mga panayam sa huwarang mga kabataan.
Laging isang kapana-panabik na bahagi ng mga pandistritong kombensiyon ang mga drama sa Bibliya na kumpleto sa kostiyum, at totoo rin ito sa kombensiyong ito. Inilarawan ng dramang “Pagpapatotoo Nang May Katapangan sa Kabila ng Pagsalansang” ang mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo. Hindi lamang ito nakaaaliw kundi, higit sa lahat, nakapagtuturo rin. Idiniin ng pahayag na kasunod ng drama, “Ihayag ang Mabuting Balita ‘Nang Walang Humpay,’ ” ang mahahalagang punto sa drama.
Inaasam-asam ng lahat ng dumalo ang tampok na bahagi ng programa sa Linggo, ang pahayag pangmadla na, “Sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?” Nagbigay ng maraming katibayan ang tagapagsalita kung paanong sa pangkalahatan ay hindi niluluwalhati ng mga siyentipiko at ng mga relihiyon ang Diyos. Tanging ang bayan lamang na tinatawag sa kaniyang pangalan, yaong mga nangangaral at nagtuturo ng katotohanan tungkol kay Jehova, ang tunay na lumuluwalhati sa kaniyang pangalan sa ngayon.
Ang pahayag pangmadla ay sinundan ng sumaryo ng aralin sa magasing Bantayan para sa linggong iyon. Pagkatapos ay sumunod naman dito ang huling pahayag na, “ ‘Patuloy na Mamunga Nang Marami’ sa Ikaluluwalhati ni Jehova.” Iniharap ng tagapagsalita ang sampung-puntong resolusyon na pagtitibayin ng lahat ng dumalo. Ito ay nagtuon ng pansin sa iba’t ibang paraan ng pagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova, ang Maylalang. Isang nagkakaisang “Oo” ang umalingawngaw sa lahat ng kombensiyon sa buong daigdig.
Sa gayon ay nagwakas ang kombensiyon habang umaalingawngaw sa pandinig ng bawat dumalo ang temang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos.” At sa tulong ng espiritu ni Jehova at ng nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon, lagi nawa tayong magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos at hindi sa mga tao.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
Mga Internasyonal na Kombensiyon
Idinaos ang mga internasyonal na kombensiyon na tumagal nang apat na araw sa Aprika, Asia, Australia, Europa, at Hilaga at Timog Amerika. Inanyayahan ang mga Saksi sa iba’t ibang panig ng daigdig upang maging mga delegado sa mga pagtitipong ito. Sa ganitong paraan ay nagkaroon ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob” sa pagitan ng mga panauhin at ng kanilang mga punong-abala. (Roma 1:12) Muling nagkita ang mga dating magkakilala, at may mga bago ring nagkakilala. Isang pantanging pitak ng mga internasyonal na kombensiyon ang bahagi sa programa na pinamagatang “Mga Ulat Mula sa Ibang mga Lupain.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
Bagong mga Publikasyon na Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos
Dalawang bagong publikasyon ang inilabas sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon. May matibay na pabalat at 36 na pahinang mga mapa at mga larawan ng mga lugar sa Bibliya ang atlas sa Bibliya na Tingnan Mo ang Mabuting Lupain. Bawat pahina ay makulay at may mga mapa ng mga imperyo ng Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. May nakahiwalay na mga mapa na sumasaklaw sa ministeryo ni Jesus at sa paglawak ng Kristiyanismo.
Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro ay isang aklat na may 256 na pahina at mga 230 larawan. Maraming kasiya-siyang sesyon ang magugugol kasama ng mga anak sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga larawan at pagsagot sa nakapupukaw-kaisipang mga tanong na masusumpungan sa aklat. Dinisenyo ang bagong publikasyong ito upang labanan ang pagsalakay ni Satanas sa ating mga kabataan, na naglalayong sirain ang kanilang moral.
[Larawan sa pahina 23]
Inilahad ng mga misyonero ang mga karanasang nagpapatibay ng pananampalataya
[Mga larawan sa pahina 24]
Isang mahalagang bahagi ng “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga kombensiyon ang bautismo
[Mga larawan sa pahina 24]
Nasisiyahan ang mga bata at matanda sa mga drama sa Bibliya