Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG DAAN NG KALIGAYAHAN

Pag-ibig

Pag-ibig

UHAW ANG TAO SA PAG-IBIG. Hindi magtatagumpay ang pagsasama ng mag-asawa, pamilya, o magkakaibigan kung wala ito. Kaya makatuwirang isiping mahalaga ang pag-ibig sa kaligayahan at mental na kalusugan. Pero ano ba ang “pag-ibig”?

Mahalaga ang romantikong pag-ibig, pero hindi iyan ang tinutukoy rito. Sa halip, ito ang pinakamataas na uri ng pag-ibig na nag-uudyok sa isa na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili. Makadiyos na prinsipyo ang gumagabay sa pag-ibig na ito, pero hindi ito nangangahulugang wala itong damdamin at pagmamalasakit.

Maganda ang pagkakalarawan sa pag-ibig: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, . . . inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8.

Ang ganitong pag-ibig ay “hindi kailanman nabibigo,” o nawawala. Sa halip, patuloy itong lumalago sa paglipas ng panahon. At dahil ang pag-ibig ay mabait, mapagpatawad at may mahabang pagtitiis, isa itong “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Kaya ang ugnayang may ganitong pag-ibig ay matibay at masaya sa kabila ng pagiging di-perpekto ng bawat isa. Halimbawa, isaalang-alang ang pagsasama ng mag-asawa.

PINAGSAMA NG “SAKDAL NA BIGKIS NG PAGKAKAISA”

Itinuro ni Jesu-Kristo ang mahahalagang prinsipyo sa pag-aasawa. Halimbawa, sinabi niya: “‘Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’ . . . Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:5, 6) Kapansin-pansin, may dalawang mahalagang prinsipyong tinutukoy rito.

“ANG DALAWA AY MAGIGING ISANG LAMAN.” Ang buklod ng pag-aasawa ang pinakamalapít na ugnayan ng mga tao, at mapoprotektahan ito ng pag-ibig laban sa kataksilan—ang pagkakaroon ng romantikong ugnayan sa iba bukod sa kaniyang asawa. (1 Corinto 6:16; Hebreo 13:4) Sinisira ng kawalang-katapatan ang tiwala at pagsasama ng mag-asawa. Kung may mga anak sila, baka mas malaki ang epekto nito sa mga bata at madama nilang walang nagmamahal sa kanila, nag-iisa sila, o maghinanakit pa nga.

“ANG PINAGTUWANG NG DIYOS.” Sagrado rin ang buklod ng pag-aasawa. Kapag ganiyan ang pananaw ng mga mag-asawa, sisikapin nilang patibayin ang kanilang pagsasama. Hindi nila ginagawang solusyon ang paghihiwalay kapag may problema. Ang kanilang pag-ibig ay matibay at matatag. “Tinitiis [ng ganitong pag-ibig] ang lahat ng bagay,” at tumutulong ito para mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan ng mag-asawa.

Kapag may mapagsakripisyong pag-ibig ang mga magulang, talagang makikinabang ang mga anak. Ganito ang napansin ng kabataang si Jessica: “Talagang mahal at nirerespeto nina Mommy at Daddy ang isa’t isa. Kapag nakikita kong nirerespeto ni Mommy si Daddy, lalo na kapag kaharap kami, gustong-gusto ko siyang tularan.”

Ang pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya hindi nakapagtatakang tinukoy rin si Jehova bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Magiging maligaya rin tayo kung tutularan natin ang mga katangian ng ating Maylalang—lalo na ang pag-ibig. Sinasabi sa Efeso 5:1, 2: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig.”