Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MGA BANSA AT MGA TAO

Pagbisita sa Belize

Pagbisita sa Belize

MALIIT lang ang Belize pero sari-sari ang makikita rito—mula sa tropikal na mga kagubatan hanggang sa mangasul-ngasul na tubig na nakapalibot sa maraming isla sa baybayin nito. Pero ang pagkakasari-sari ng heograpiya ng lupaing ito ay isa lang sa kamangha-manghang bagay na makikita sa Belize.

Daan-daang uri ng ibon at hayop ang makikita sa bansang ito. Kabilang na rito ang makulay na keel-billed toucan (Ramphastos sulfuratus) at ang Baird’s tapir (Tapirus bairdii)—isang kamag-anak ng rhino na mabilis kumilos sa lupa at sa ilalim ng tubig! Nariyan din ang jaguar (Panthera onca). Sa katunayan, nasa Belize ang kauna-unahang jaguar preserve sa mundo.

Nasa Belize ang kauna-unahang jaguar preserve sa mundo

Ang Belize ay bahagi noon ng sibilisasyong Maya. Dumating ang mga Kastilang konkistador noong ika-16 na siglo, pero hindi nila lubusang natalo ang mga Maya. Nang maglaon, naagaw ng mga Britano ang lugar na ito at noong 1862, opisyal nila itong idineklara bilang kolonya ng British Honduras. Noong 1981, nakamit ng Belize ang kalayaan.

 Gaya ng kapaligiran nila, iba’t iba rin ang kulay ng mga taga-Belize. Nariyan ang mga Creole, East Indian, Garifuna, Maya, at Mestizo, na ilan lamang sa pangunahing etnikong grupo rito. Palakaibigan at magalang ang mga tagarito. Kapag nakikipag-usap ang mga bata sa matatanda, madalas silang gumamit ng katawagang “Miss” o “Mister,” at “Ma’am” o “Sir.”

Palengke sa Belize City

May mga kongregasyon dito ng mga Saksi ni Jehova sa American Sign Language, Belize Kriol, Ingles, Kastila, Low German, Mandarin Chinese, at Maya (Mopán). Noong 2013, mga 1 sa bawat 40 tao sa Belize ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo kasama ng mga Saksi.

ALAM MO BA? Ang coral reef ng Belize ay mahigit 290 kilometro ang haba. Bahagi ito ng pangalawa sa pinakamalaking barrier reef sa mundo. Ang pinakamalaki ay ang Great Barrier Reef ng Australia.

Ang coral reef ng Belize ay bahagi ng pangalawa sa pinakamalaking barrier reef sa mundo