Mga Pag-atake sa Bibliya
Mga Pag-atake sa Bibliya
ANG koleksiyon ng mga akda na tinatawag ngayon na Bibliya, o Banal na Kasulatan, ay isinulat sa loob ng mahigit 1,600 taon. Ang unang bahagi ng koleksiyong ito ay isinulat ni Moises; ang huling bahagi ay isinulat ng isang alagad ni Jesu-Kristo mga isang daang taon pagkasilang Niya.
Napakahaba na ng kasaysayan ng pag-atake sa Kasulatan. Nagkaroon ng gayong mga pag-atake bago ang ating Karaniwang Panahon, noong Edad Medya, at hanggang sa ating modernong panahon. Ang isang sinaunang rekord nito ay noong panahon ng propeta ng Diyos na si Jeremias, na nabuhay mahigit 600 taon bago isilang si Jesu-Kristo.
Pag-atake sa Isang Di-nagustuhang Mensahe
Inutusan ng Diyos si propeta Jeremias na isulat sa balumbon ang isang mensahe na tumutuligsa sa mga makasalanang mamamayan ng Juda at nagbababala na kung hindi sila magbabago, wawasakin ang kanilang kabiserang lunsod, ang Jerusalem. Binasa ito ng kalihim ni Jeremias na si Baruc sa harap ng mga tao sa templo sa Jerusalem. Binasa niya uli ito sa mga prinsipe ng Juda, na siyang nagdala ng balumbon kay Haring Jehoiakim. Nang basahin sa hari ang salita ng Diyos, hindi niya nagustuhan ang kaniyang narinig. Kaya pinagpipilas niya ang balumbon at sinunog.—Jeremias 36:1-23.
Pagkatapos, inutusan ng Diyos si Jeremias: “Kumuha kang muli sa ganang iyo ng isang balumbon, isa pa, at isulat mo roon ang lahat ng mga unang salita na nasa unang balumbon, na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda.” (Jeremias 36:28) Pagkaraan ng mga 17 taon, gaya ng inihula mismo ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias, winasak ang Jerusalem, pinatay ang marami sa mga pinuno nito, at ang mga naninirahan doon ay dinalang bihag sa Babilonya. Ang mensahe ng balumbong iyon—at ang ulat ng ginawang pag-atake rito—ay mababasa pa rin ngayon sa Bibliya sa aklat ng Jeremias.
Nagpatuloy ang Panununog sa Bibliya
Hindi lang si Jehoiakim ang nagtangkang sumunog sa Salita ng Diyos bago ang panahong Kristiyano. Nang malansag ang Imperyong Griego, ang Israel ay sumailalim sa kapangyarihan ng dinastiyang Seleucido. Gusto ng Seleucidong
hari na si Antiochus Epiphanes, na namahala mula 175 hanggang 164 B.C.E., na pagkaisahin ang kaniyang imperyo sa kulturang Griego, o Helenistiko. Kaya ipinilit niya sa mga Judio ang mga kaugalian at relihiyon ng mga Griego.Noong mga 168 B.C.E., nilooban ni Antiochus ang templo ni Jehova sa Jerusalem. Sa ibabaw ng altar nito, nagtayo siya ng isa pang altar para kay Zeus na diyos ng mga Griego. Ipinagbawal din niya ang pangingilin ng Sabbath at ipinag-utos sa mga Judio na huwag tuliin ang kanilang mga anak na lalaki. Ang sinumang lalabag dito ay papatayin.
Tinangka rin ni Antiochus na sirain ang lahat ng balumbon ng Kautusan. Bagaman isinagawa niya ito sa buong Israel, hindi niya nasira ang lahat ng kopya ng Hebreong Kasulatan. Ang ilang balumbon sa Israel ay naitagong mabuti at hindi napasama sa mga sinunog, at may mga kopya ng Banal na Kasulatan na naingatan ng mga Judiong naninirahan sa ibang lugar.
Ang Utos ni Diocletian
Ang isa pang prominenteng tagapamahala na nagtangkang pumawi sa Kasulatan ay ang Romanong emperador na si Diocletian. Noong 303 C.E., naglabas si Diocletian ng sunud-sunod na mga utos na nagpahirap sa mga Kristiyano. Ang resulta nito ay tinatawag ng ilang istoryador na “Ang Malaking Pag-uusig.” Una niyang ipinag-utos na sunugin ang mga kopya ng Kasulatan at wasakin ang mga lugar na pinagpupulungan ng mga Kristiyano. Si Harry Y. Gamble, propesor ng pag-aaral tungkol sa relihiyon sa University of Virginia, ay sumulat: “Inisip ni Diocletian na ang bawat komunidad ng mga Kristiyano, nasaan man iyon, ay may koleksiyon ng mga aklat at alam niyang mahalaga sa kanila ang mga aklat na iyon.” Ang istoryador ng simbahan na si Eusebius ng Cesarea sa Palestina, na nabuhay noong panahong iyon, ay nag-ulat: “Nakita namin mismo na winasak ang mga bahay-dalanginan hanggang sa mga pundasyon nito, at ang kinasihan at sagradong Kasulatan ay sinunog sa gitna ng mga pamilihan.”
Tatlong buwan matapos ilabas ni Diocletian ang kaniyang utos, sinasabing ipinag-utos ng alkalde ng lunsod ng Cirta, na nasa Hilagang Aprika at tinatawag ngayong Constantine, na isuko ng mga Kristiyano ang lahat ng kanilang “mga sulat ng kautusan” at “mga kopya ng kasulatan.” May mga ulat din mula sa panahong iyon na nagsasabing mas pinili pa ng mga Kristiyano na pahirapan at patayin sila sa halip na isuko ang mga kopya ng Bibliya para sirain.
Ang Layunin ng mga Pag-atake
Iisa ang layunin nina Jehoiakim, Antiochus, at Diocletian—ang lubusang pawiin ang Salita ng Diyos. Pero nakaligtas ang Bibliya sa lahat ng pagtatangkang sirain ito. Ang mga tagapamahala ng Roma na humalili kay Diocletian ay nakumberte sa Kristiyanismo. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang mga pag-atake sa Bibliya. Bakit kaya?
Sinabi ng mga tagapamahala at mga lider ng simbahan na ang layunin ng panununog sa Bibliya ay hindi para pawiin ito. Sa halip, ayaw lang nilang mabasa ito ng karaniwang mga tao. Pero bakit ganiyan ang pananaw ng mga lider ng simbahan? At ano ang handa nilang gawin para huwag mabasa ng mga tao ang Bibliya? Tingnan natin.