May Lapis Ka ba Diyan?
May Lapis Ka ba Diyan?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
ITO ay mura lamang, madaling gamitin, at napakagaan. Puwede itong ilagay sa bulsa. Hindi na ito nangangailangan ng kuryente, hinding-hindi ito tumatagas, at puwedeng burahin ang marka nito. Gamit ito ng mga batang nag-aaral sumulat, ng mahuhusay na pintor para lumikha ng mga obra maestra, at ng karamihan sa atin para magsulat ng mga nota. Oo, ang hamak na lapis na ito ang isa sa pinakaabot-kaya at pinakamalaganap na panulat sa buong mundo. Nagsimula ang kahanga-hangang kuwento ng imbensiyon at pagsulong nito nang di-sinasadyang matuklasan ito sa isang probinsiya sa Inglatera.
Itim na Tingga
Noong ika-16 na siglo, may nakitang mga tipak ng kakaibang maitim na substansiya sa paanan ng gilid ng burol sa Borrowdale, isang libis sa Lake District sa hilagang Inglatera. Bagaman parang uling ang mineral na ito, hindi ito nagbabaga; at nag-iiwan ito ng makintab, maitim, at madaling burahing marka. Dahil malangis ito, ibinabalot ng mga tao ang mga tipak nito sa balat ng tupa o kaya naman ay pinaiikutan ng pisi kapag ginawa na itong maiikling istik. Walang makapagsabi kung sino ang unang nakaisip na ipasok sa kahoy ang itim na tingga, pero noong dekada ng 1560, nakarating sa kontinente ng Europa ang mga sinaunang lapis.
Di-nagtagal, nagsimula na ang pagmimina ng itim na tingga at iniluluwas ito sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng mga dalubsining; at noong ika-17 siglo, ginagamit na ito sa halos lahat ng lugar. Kasabay nito, ineksperimento ng mga gumagawa ng lapis ang itim na tingga para makagawa ng mas magandang panulat. Palibhasa’y puro at madaling kunin, pinuntirya ng mga magnanakaw at ilegal na mga negosyante ang produktong ito ng Borrowdale. Dahil dito, gumawa ng batas ang Parlamento ng Britanya noong 1752 na nagsasaad na ibibilanggo o ipatatapon ang sinumang mahuling magnakaw ng itim na tingga.
Noong 1779, isang nakagugulat na bagay ang natuklasan ng kimikong Sweko na si Carl W. Scheele. Ang itim na tingga ay hindi pala tingga,
kundi isang malambot na uri lamang ng purong karbon. Pagkalipas ng sampung taon, tinawag ito ng heologong Aleman na si Abraham G. Werner, na grapito, mula sa salitang Griego na graphein, na nangangahulugang “sumulat.” Oo, wala ngang tingga ang mga lapis!Ang Pagsulong ng Lapis
Sa loob ng maraming taon, pangunahin nang ginagamit sa industriya ng paggawa ng lapis ang grapitong galing sa Inglatera dahil ito ay puro at hindi na kailangang iproseso. Palibhasa’y mahinang klase ang grapitong galing sa Europa, nag-eksperimento ang mga gumagawa ng lapis doon ng mga paraan para mapasulong ang mga tasá ng lapis. Inihalo ng inhinyerong Pranses na si Nicolas-Jacques Conté ang pinulbos na grapito sa putik at tubig, ginawa itong mga istik, at inilagay ito sa hurno. Binagu-bago niya ang timpla ng grapito at putik hanggang sa makagawa siya ng mga tasá na may iba’t ibang pagkaitim—isang prosesong ginagamit pa rin hanggang ngayon. Ipinarehistro ni Conté sa kaniyang pangalan ang kaniyang imbensiyon noong 1795.
Noong ika-19 na siglo, naging isang malaking negosyo ang paggawa ng lapis. Natuklasan ang grapito sa ilang lugar, pati na sa Siberia, Alemanya, at sa tinatawag ngayong Czech Republic. Nagbukas ng mga pabrika ng lapis sa Alemanya at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Dahil sa mga makina para sa maramihang paggawa, bumaba ang presyo ng lapis, at pagtuntong ng ika-20 siglo, gumagamit na rin ng lapis kahit ang mga batang mag-aarál.
Ang Modernong Lapis
Dahil bilyun-bilyong lapis ang ginagawa sa buong daigdig taun-taon, ito ay naging mahusay at madaling gamiting panulat o pandrowing. Ang isang karaniwang lapis ay nakaguguhit ng isang linyang mga 56 na kilometro ang haba at nakasusulat ng 45,000 salita. Ang mechanical pencil, isang uri ng lapis na gawa sa metal o plastik, ay may manipis na tasá at hindi na kailangang tasahan pa. Sa halip na grapito, ang mga de-kulay na lapis naman ay ginagamitan ng mga tinang may iba’t ibang kulay.
Palibhasa’y maraming gamit, matibay, simple, at matipid, tila hindi malalaos ang hamak na lapis. Kaya sa darating pang mga taon, nasa bahay ka man o nasa opisina, malamang na maririnig mo pa rin ang ganitong tanong, “May lapis ka ba diyan?”
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
PAANO NAIPASOK SA LAPIS ANG TASÁ?
Ang pinaghalong timpla ng pulbos ng grapito, putik, at tubig ay ipinapasok sa makipot na tubong metal at paglabas nito, para na itong mahahabang ispageti na hindi pa nailuluto. Matapos patuyuin, putulin, at ilagay sa hurno, ang tasá ay itutubog sa mainit na langis at pagkit. Ang kahoy, na karaniwan nang sedro yamang madali itong tasahan, ay tinatabas upang gawing maliliit na tablang kasingnipis ng kalahati ng lapis at saka ito kakatamin at uukaan. Ang mga tasá ay inilalagay sa mga uka ng isang tabla, at isasalikop dito ang isa pang tablang may pandikit. Kapag tuyo na ang pandikit, pinuputol nang isa-isa ang mga lapis. Matapos kortehan, lihahin, pintahan, at lagyan ng tatak at ng iba pang mga detalye, ang lapis na ito na tila walang dugtungan ay puwede nang gamitin. Kung minsan nilalagyan ito ng pambura sa isang dulo.
[Credit Line]
Faber-Castell AG
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
ALING LAPIS ANG GAGAMITIN KO?
Kapag pumipili ng lapis na gagamitin mo, tingnan ang mga letra o numerong nakasulat sa lapis mismo. Sinasabi nito kung gaano katigas o kalambot ang tasá. Miyentras mas malambot ang tasa, mas maitim ang sulat.
Ang HB ay karaniwan at katamtaman ang pagkaitim.
Ang B ay tumutukoy sa mas malalambot na tasá. Ang numerong gaya ng 2B o 6B ay nagsasabi kung gaano kalambot ang tasá—habang tumataas ang numero, mas malambot ang tasá.
Ang H ay tumutukoy sa mas matitigas na tasá. Habang tumataas ang numero—2H, 4H, 6H, at mga kasunod nito—mas matigas ang tasá.
Ang F ay nasa pagitan ng HB at H.
May ilang bansa na gumagamit ng ibang sistema. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang numero 2 na lapis ay katumbas ng HB. Sa sistemang iyan, habang tumataas ang numero, mas matigas ang tasá.