Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Svalbard—Lupain ng Malalamig na Baybayin

Svalbard—Lupain ng Malalamig na Baybayin

Svalbard​—Lupain ng Malalamig na Baybayin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NORWAY

NASA gitna kami ng makapal na ulap at wala kaming makita. Nang biglang lumabas sa ulap ang aming eroplano, nakita namin sa ibaba ang tanawin sa Artiko na nababalot ng niyebe. Napakaganda nito! Manghang-mangha kami habang tinatanaw ang malalaking tipak ng yelo, kulay murang-asul na mga ilug-ilugan sa pagitan ng matatarik na bangin, at kabundukang nababalot ng niyebe. Puro niyebe at yelo ang naaabot ng aming tanaw. Ito ang Svalbard, isang kapuluang malapit sa Polong Hilaga, nasa pagitan ng 74 at 81 digri hilagang latitud, at narito kami para mamasyal!

Noong 1194 unang lumitaw sa mga ulat ng kasaysayan ng Iceland ang pangalang Svalbard, nangangahulugang “Malamig na Baybayin.” Pero aktuwal na napalagay sa mapa ang Svalbard noon lamang 1596 nang “matuklasan” ang lupain pagkaraan ng 400 taon. Noong taóng iyon, naglalayag pahilaga ang isang grupo ng manggagalugad na Olandes na pinangungunahan ni Willem Barents nang matanaw ng bantay ang isang di-kilalang lupain, isang usli-usling kabundukan. Ang mga manggagalugad na ito ay nagtungo sa hilagang-kanlurang bahagi ng Svalbard, na tinawag ni Barents na “Spitsbergen,” nangangahulugang “Patulis na Kabundukan.” Iyan ngayon ang pangalan ng pinakamalaking isla sa kapuluan. Dahil sa natuklasang ito ni Barents, marami nang puwedeng gawin sa Svalbard, tulad ng panghuhuli ng balyena at poka (seal), paggawa ng bitag sa mga hayop, pagtuklas ng mga bagong teritoryo, at nang dakong huli, pagmimina ng karbon, makasiyensiyang pananaliksik, at turismo. Sa paglipas ng mga taon, maraming bansa ang nakibahagi sa gawaing ito, pero mula noong 1925, ang kapuluan ay nasa ilalim na ng pamamahala ng Norway.

Ang Lupain ng Permafrost at ang Aurora Borealis

Bumaba ang aming eroplano sa lugar ng Ice Fjord at lumapag sa Paliparan ng Svalbard. Kinuha namin ang aming inarkilang kotse at nagbiyahe kami patungong Longyearbyen, na kinuha sa pangalan ng tanyag na Amerikanong negosyante sa pagmimina na si John M. Longyear, ang unang nagkaroon ng mga minahan ng karbon sa lugar na ito noong 1906. Longyearbyen ang pinakamalaking pamayanan sa Svalbard, na may populasyong mga 2,000. Oo, sa gitna ng malawak at halos di-pa-nagagalaw na kalikasan, natagpuan namin ang isang modernong bayan na may karaniwang mga bagay tulad ng supermarket, tanggapan ng koreo, bangko, pampublikong aklatan, mga paaralan, kindergarten, otel, kapihan at restawran, ospital, at lokal na pahayagan. Sa mahigit 78 digri pahilaga, ang Longyearbyen ang tanging pamayanan sa pinakadulong-hilaga ng daigdig na may gayong populasyon.

Nakakita kami ng matutuluyan sa isang maliit na otel na dating bahagi ng tirahan ng mga minero ng karbon. Matatanaw mula roon ang buong Longyearbyen, pati na ang maringal na bundok ng Hiorthfjellet. Oktubre ngayon at nababalot ng niyebe ang kabundukan. Wala pa ring niyebe sa ilalim ng libis, pero nagyeyelo na ang lupa. Ito ang lupain ng permafrost. Ang yelo lamang sa pang-ibabaw ng lupa ang pansamantalang natutunaw kapag tag-araw. Subalit dahil sa magandang kondisyon ng hangin at agos ng karagatan, mas banayad ang klima rito kaysa sa ibang mga lugar na nasa parehong latitud. Mula sa aming tinutuluyan, natatanaw namin ang sikat ng araw sa kabundukan, samantalang mangasul-ngasul naman ang libis. Sa palibot ng Longyearbyen, hindi sumisikat ang araw sa pagitan ng Oktubre 26 at Pebrero 16. Pero kadalasang nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng taglamig ang aurora borealis, o mga liwanag sa hilaga. Sa kabilang dako naman, sumisikat ang araw sa Svalbard sa hatinggabi sa mga buwan ng tagsibol at tag-araw, at sa Longyearbyen, nararanasan ito mula Abril 20 hanggang Agosto 23.

Mga Hayop at Halaman

Ang temperatura ay -8 digri Celsius, malakas ang hihip ng hangin; pero maaliwalas ang papawirin. Handa na kaming mamasyal. Dinala kami ng aming giya paakyat sa Bundok Sarkofagen at pababa sa malalaking tipak ng yelo malapit sa Longyearbyen. Habang inaakyat namin ang mayelong mga burol, ikinuwento niya sa amin na maraming magagandang bulaklak ang tumutubo rito tuwing tagsibol at tag-araw. Sa katunayan, nakapagtatakang napakaraming pananim sa Svalbard, na may mga 170 uri ng namumulaklak na mga halaman. Ang puti o dilaw na poppy ng Svalbard at ang mabango’t kulay-ubeng saxifrage ay dalawa sa tipikal na mga bulaklak dito.

Sa banda pa roon ng mayelong gilid ng bundok, tinahak namin ang mga bakas ng ptarmigan ng Svalbard, ang tanging uri ng ibon na permanenteng naninirahan sa Svalbard. Lahat ng iba pang mga ibon, tulad ng mga Brünnich’s guillemot, mumunting auk, iba’t ibang golondrina, at kulay-ubeng mga sandpiper, ay pawang nandarayuhan dito. Kawili-wili ang tern ng artiko. Marami sa mga tern na ito ang nandarayuhan hanggang sa kabilang panig ng globo, ang Antartiko.

Nakita rin namin ang mga bakas ng sorra ng artiko. Ang tusong hayop na ito ay palabuy-laboy na nanginginain ng bangkay at nabubulok na laman ng mga hayop o ng mga tira ng oso, pero kumakain din ito ng inakay na mga ibon at itlog. Isa ang sorra sa dalawang mamalya sa Svalbard na sa lupa lamang tumitira. Ang isa pa ay ang maamong usang reno ng Svalbard. Maraming beses naming nakita ito nang malapitan habang nasa Svalbard kami. Tahimik itong nakatingin sa amin at hinahayaan kaming lumapit upang makunan ng larawan at saka ito umaalis. Maiikli ang binti ng usang renong ito na may makakapal at mainit na balahibo. Medyo mapintog na ito ngayong taglagas​—dahil sa ekstrang taba nito, nakakatagal ito nang hindi kumakain sa panahon ng taglamig.

Ang polar bear, ang hari ng Artiko, ay itinuturing ng marami na isang mamalya sa dagat yamang ginugugol nito ang malaking bahagi ng panahon sa mga tipak ng yelo sa dagat habang nanghuhuli ng mga poka. Pero posibleng may makasalubong kang paisa-isang oso na pagala-gala sa Svalbard. Umaasa ang aming giya na wala sana kaming makasalubong. Napakaagresibo kasi ng polar bear kaya may dalang baril ang aming giya. Mula noong 1973, ipinagbawal na ang panghuhuli ng mga polar bear, at iniimbestigahan ang anumang insidente ng pagpatay sa isang polar bear. Bagaman malaki-laki ngayon ang populasyon ng polar bear sa Svalbard, may pangamba pa rin sa kahihinatnan ng maringal na hayop na ito. Mukhang maputi, maaliwalas, at malinis ang Artiko, pero may epekto sa kapaligiran nito ang mga nakalalasong dumi tulad ng PCB (polychlorinated biphenyl). Ang mga duming nakain ng iba pang mga hayop ay nakukuhang lahat ng mga polar bear, yamang sila ang pinakahuli sa mga hayop na maninila, at waring ito ang dahilan ng depekto sa kanilang kakayahan sa pag-aanak.

Narating namin ang taluktok ng Bundok Sarkofagen at bumulaga sa amin ang kapana-panabik na tanawin ng maraming taluktok ng bundok na nababalot ng niyebe. Makikita sa timog-kanluran ang kahanga-hanga at pabilog na bundok ng Nordenskiöldfjellet habang nasisikatan ito ng araw. Nasa gawing ibaba namin ang Longyearbyen; at nasa itaas naman namin ang murang-asul na papawirin ng Artiko. Talaga namang parang nakatayo kami sa ibabaw ng globo. Nakapagpahinga kami habang kumakain ng ilang piraso ng tinapay at umiinom ng isang tasa ng black-currant “toddy”​—tinimplang katas ng black-currant, asukal, at mainit na tubig na karaniwang iniinom ng mga umaakyat sa bundok​—at handa na kami ngayong bumaba sa malalaking tipak ng yelo malapit sa Longyearbreen.

Pagmimina ng Karbon at Nanganganib na mga Hayop

Isa pang kawili-wiling karanasan ang pamamasyal sa lumang minahan ng karbon. Ipinakita sa amin ng aming matipunong giya, isang beteranong minero ng karbon, ang Mine 3 na nasa labas lamang ng Longyearbyen. Suot ang aming overall at hard hat na may ilaw, sinamahan namin siya sa bundok. Nabatid namin na ang pagmimina ng karbon ang siyang pangunahing pinagkakakitaan sa Svalbard mula pa noong unang mga taon ng ika-20 siglo. Naging mahirap ang buhay para sa mga minero sa loob ng maraming taon. Kadalasang gumagapang sila sa mahahabang daanan, o lagusan, sa mga suson ng karbon na sa ilang lugar ay dalawang talampakan lamang ang taas. Nasubukan namin ito at hinding-hindi namin nanaising maging minero dito. Mahirap ang kanilang trabaho, ang hangin ay puno ng alikabok ng karbon at bato, napakaingay, at palaging nariyan ang panganib ng mga pagsabog at pagguho ng lupa. Ngayon, gumagamit na ng mas makabagong pamamaraan. Mahalaga pa rin sa kabuhayan ng Svalbard ang pagmimina ng karbon, pero sa nakalipas na ilang dekada, lumalakas na ang turismo.

Hindi laging isinasaalang-alang ng mga tao ang pagiging maselan ng buhay-iláng sa Artiko. Kung minsan, dahil sa panghuhuli ng mga balyena, walrus, usang reno, polar bear, at iba pang mga hayop, nanganganib malipol ang ilang uri ng hayop sa Svalbard. Gayunman, nakatulong ang mga tuntunin sa pangangalaga upang maparami uli ang ilang nanganganib na uri ng mga hayop.

Paraiso ng mga Heologo

Sinasabing ang Svalbard ay isang “paraiso para sa mga heologo.” Yamang kakaunti lamang ang pananim, ang tanawin ay tulad sa isang aklat ng mga larawan sa heolohiya. Napansin namin ang heolohikal na katangian ng kayarian ng mga bundok, na binubuo ng kitang-kitang suson ng mga lupa at bato na tila patung-patong na suson ng malaking keyk. Masusumpungan ang mga bato mula sa lahat ng yugto ng panahon sa kasaysayan ng lupa. Ang ilan ay pinaghalong buhangin at putik; ang iba naman ay galing sa organikong materyales. Sa paglipas ng panahon, maraming patay na halaman at hayop ang natabunan ng putik at naingatan bilang fosil. Sa katunayan, matatagpuan ang fosil sa mga bato mula sa buong panahon ng kasaysayan ng lupa.

Sa museo ng Svalbard, pinag-aralan namin ang ilang fosil ng mga halaman at hayop na nabubuhay sa maiinit na lugar, anupat ipinakikita na ang klima sa kapuluan ay dating mas mainit kaysa sa kasalukuyan. Sa ilang lugar sa Svalbard, umaabot nang hanggang limang metro ang kapal ng suson ng karbon! Natagpuan sa mga suson ng karbon ang mga fosil na labí ng mga punungkahoy na karaniwang di-nalalagas ang dahon sa taglamig at ng mga punungkahoy na nawawalan ng dahon kung taglagas. Ang fosil na mga bakas ng paa ng dinosaurong kumakain ng halaman ay isa pang ebidensiya na maganda ang klima at malago ang pananim noon.

Paano kaya maipaliliwanag ang malalaking pagbabagong ito sa klima? Tinanong namin ang heologong si Torfinn Kjaernet, kinatawan ng Directorate of Mining sa Longyearbyen. Sinabi niya sa amin na ayon sa maraming heologo, ang pangunahing dahilan nito ay ang unti-unting paggalaw ng mga kontinente. Sinasabi ng mga heologo na ang Svalbard ay nasa isang platong tektoniko na gumalaw pahilaga sa loob ng napakatagal na panahon, malamang na mula sa katimugan malapit sa ekwador. Ayon sa makabagong pagsubaybay gamit ang satelayt, gumagalaw pa rin ang Svalbard pahilagang-silangan nang mga dalawang sentimetro sa isang taon.

Habang paalis sa Svalbard ang aming eroplano, nadama naming marami kaming dapat bulay-bulayin sa pamamasyal na ito. Ang malawak na kalupaan sa Artiko, ang mga hayop na nabubuhay rito, at ang lahat ng iba’t ibang halaman ay nag-uudyok sa amin na pag-isipan ang pagkakasari-sari ng sangnilalang, ang kawalang-halaga ng tao kung ihahambing dito, at kung paano ginagampanan ng mga tao ang kanilang pananagutang alagaan ang lupa. Habang lumilipad kami patimog, sinulyapan namin sa huling pagkakataon ang lupain ng malalamig na baybayin, kung saan halos umaabot sa makakapal na ulap ang taluktok ng mga bundok na nababalot ng niyebe at kumikislap sa mamula-mulang kulay ng araw sa hapon.

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Polong Hilaga

GREENLAND

SVALBARD

Longyearbyen

75°H

ICELAND

NORWAY

60°H

RUSSIA

[Larawan sa pahina 25]

Ang pamayanan ng Longyearbyen

[Larawan sa pahina 25]

Maraming namumulaklak na halaman, tulad ng kulay-ubeng “saxifrage,” ang nakatatagal sa matinding klima ng Artiko

[Credit Line]

Knut Erik Weman

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang ibong “ptarmigan” at usang reno sa Svalbard

[Credit Line]

Knut Erik Weman