Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipagsanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Carjacking!

Ipagsanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Carjacking!

Ipagsanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Carjacking!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

ANG carjacking, tinatawag din kung minsan na car hijacking o pagnanakaw ng sasakyan habang tumatakbo ito, ay lumalaking suliranin sa mga lunsod sa buong mundo, mula Karachi hanggang Lisbon at Nairobi hanggang Rio de Janeiro. Sa pagitan ng 1993 at 2002, ayon sa Kagawaran ng Estadistika sa Katarungan ng Estados Unidos, mga 38,000 carjacking ang nagaganap taun-taon sa Estados Unidos.

Mas marami pang carjacking​—mahigit sa 14,000 bawat taon​—ang nagaganap sa Timog Aprika, na ang populasyon ay sangkanim ng populasyon ng Estados Unidos. Matapos mong basahin ang ilan sa nangyayaring mga carjacking, mauunawaan mo kung bakit itinuturing ng marami na ang isa sa pinakakinatatakutang krimen sa lahat ay ang maging biktima nito. Ang sumusunod na mga karanasan ay totoong nangyari sa mga taong nakatira sa pinakamalaking lunsod sa Timog Aprika, ang Johannesburg. Kapag binasa mo ang kanilang karanasan, baka matulungan kang malaman kung ano ang gagawin sakaling maging biktima ka ng carjacking, o mas mahalaga pa, kung paano mo maiiwasang maging biktima nito.

Totoong-Buhay na mga Karanasan

▪ “Isang taon na kaming magkasama sa gawaing pag-eebanghelyo ng aking kaibigang si Susan. Isang Miyerkules, bago kami pumunta sa aming susunod na estudyante sa Bibliya, huminto kami sa ilalim ng puno sa daang may mga bahay para uminom ng tsa. Lumabas ng kotse si Susan para kunin ang basket sa likuran ng kotse. Habang iniaabot niya sa akin ang tasa ko, bigla na lamang may sumulpot na dalawang lalaki at nakatutok na sa leeg ni Susan ang baril ng isa sa kanila. Nabigla ako at tinangka kong lumabas ng kotse, pero itinulak ako paloob ng isa pang lalaki. Naroon kami, dalawang babae sa loob ng kotse kasama ang dalawang lalaki habang minamaneho ng isa ang kotse​—naisip ko na malamang na halayin o patayin nila kami.”​—Anika, may asawa.

▪ “Nagmamaneho ako ng aking kotse bandang alas-siyete ng umaga papasok sa trabaho. Huminto ako sa interseksiyon na pinupuntahan ng mga taong naghahanap ng trabaho. Hindi ko pansin ang paligid nang biglang tutukan ako ng baril sa leeg ng isang lalaki sa nakabukas na bintana ng kotse at sinabi niya, ‘Lumabas ka. Kung hindi, babarilin kita.’ Nang mismong sandaling iyon, may dumaang helikopter na pantrapiko sa itaas namin. Dahil inakala ng carjacker na pulis iyon, nagpaputok siya at tumakas. Binaril niya ako sa leeg, at tinamaan ang gulugod ko. Naparalisa ako mula leeg pababa. Hindi ko magamit ang aking mga kamay at binti, at walang pakiramdam ang mga ito.”​—Barry, ama ng isang tin-edyer na lalaki.

▪ “Papaalis na sana kami ng asawa kong si Lindsay para mananghalian. Hinihintay ko siya sa loob ng aming kotse. Nakasusi ang mga pinto ng kotse, pero bahagyang nakabukas ang mga bintana dahil mainit. Nakatingin ako sa harap habang nakaupo sa likod ng manibela nang may papalapit na dalawang lalaking galing sa kanto. Nang mga walong hakbang na lamang sila mula sa harap ng kotse, naghiwalay sila, nagpunta ang isa sa kaliwa ng kotse at sa kanan naman ang isa pa. Walang anu-ano, nasa pintuan na sila ng kotse at nakatutok na sa akin ang baril mula sa magkabilang panig ng kotse at pabulyaw silang nag-uutos. Nang sundin ko sila at paandarin ang kotse, pasigaw nila akong pinalabas at pinaupo sa likuran ng kotse. Nagmaneho ang isa habang pilit na itinutungo naman ng isa pa ang ulo ko. ‘Ano ang maibibigay mong dahilan para hindi ka namin patayin?’ ang tanong niya. ‘Isa akong Saksi ni Jehova,’ ang sagot ko. Paulit-ulit niyang sinasabing papatayin niya ako, at paulit-ulit din akong nananalangin at iniisip ko ang aking mahal na asawa, at ang magiging reaksiyon niya kapag natuklasan niyang nawawala ang kaniyang asawa at kotse.”​—Alan, naglalakbay na tagapangasiwa at ama.

Ipinakikita ng mga karanasang ito na talagang napakabilis at di-inaasahan ang mga carjacking. Ipinakikita rin ng mga ito ang karaniwang mga situwasyon na sinasamantala ng mga carjacker. Sa maraming lugar, hindi na ligtas ang maghintay o magrelaks sa loob ng kotseng nakaparada sa daang may mga bahay. Mapanganib ding lugar ang mga interseksiyon at ang daang papasok sa iyong bakuran.

Pagharap sa Epekto ng Carjacking

Mabuti naman ang nangyari kina Susan at Anika. Habang tangay sila ng mga carjacker sa kotse, sinimulang ipaliwanag ng dalawang babae ang ginagawa nilang pagtuturo ng Bibliya. Parang nakonsensiya naman ang mga lalaki. “Humingi sila ng paumanhin sa ginagawa nila,” ang paliwanag ni Anika, “pero sinabi nila na dahil sa panahong kinabubuhayan natin, napipilitan silang magnakaw at mag-carjack para mabuhay. Ipinaliwanag namin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kahirapan at pagdurusa.” Naantig ang puso ng dalawang carjacker sa mensahe ng Bibliya, at ipinasiya nilang ibalik ang pera at relo na kinuha nila, at tiniyak nila kina Susan at Anika na hindi sila sasaktan. “Saka sinabi ng isa sa kanila kung paano maiiwasang maging biktima ng carjacking sa hinaharap,” ang sabi ni Susan. “Pinasumpa nila kami,” ang dagdag pa ni Anika, “na hindi na kami kailanman hihinto sa daan para uminom ng tsa.” Pagkatapos, gaya ng sinabi ng mga carjacker sa kanila, inihinto nila ang kotse, lumabas, at malugod na tinanggap ang ilang literatura sa Bibliya, at ligtas na pinaalis sina Susan at Anika sakay ng kotse.

Pinalabas ng kotse si Alan, naglalakbay na tagapangasiwa, nang makarating ang mga carjacker sa liblib na lugar. Bagaman nawalan siya ng mahalagang ari-arian, nagpasalamat pa rin siya at hindi siya nasaktan. “Sa palagay ko, hindi ako gaanong napinsala,” ang sabi ni Alan, “dahil sinunod ko sila, hindi ako lumaban, at hindi ako nataranta. Pero naging mas alisto sana ako. Natutuhan ko sa insidenteng ito na dapat tayong maging maingat palagi lalo na ngayong nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ni Satanas.” Kinabukasan, bumalik sina Alan at Lindsay sa teritoryong iyon para patuloy na mangaral kasama ng kongregasyon kung saan sila naatasang maglingkod. Ganito ang paliwanag ni Alan: “Nanalangin kami at nagpalinga-linga buong araw. Hindi iyon madali, pero pinagkalooban kami ni Jehova ng ‘lakas na higit sa karaniwan.’”​—2 Corinto 4:1, 7.

Ang biktimang may pinakamalubhang pinsala, si Barry, ay nasa silyang de-gulong na lamang nitong nakalipas na 11 taon. Mabuti na lamang, positibo pa rin si Barry at hindi niya hinahayaang maging mapait ang kaniyang kalooban dahil sa nangyari. Hindi natitinag ang kaniyang pananampalataya sa pangako ng Diyos na Jehova na matuwid na bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Regular pa ring dumadalo si Barry sa mga pulong Kristiyano at sinasamantala niya ang lahat ng pagkakataon upang sabihin sa iba ang kaniyang pananampalataya. Sinabi niya: “Nakapagpapaligaya ang paglilingkod kay Jehova noon pa man. Bagaman nakaupo na lamang ako sa silyang de-gulong at walang gaanong magawa para sa sarili ko, madalas kong binubulay-bulay ang nagawa ni Jehova para sa akin, at tumutulong ito upang makapagbata ako. Malapit nang magwakas ang balakyot na sistemang ito, at napakaligaya ngang makita ang araw na makalakad akong muli!”​—Isaias 35:6; 2 Timoteo 3:1-5.

Dahil sa mga hakbang na ginawa ng mga awtoridad sa Timog Aprika, nabawasan ang mga carjacking. Gayunman, may nagaganap pa ring mga carjacking at dumadalas ito sa ibang bahagi ng daigdig. Umaasa ang tunay na mga Kristiyano sa Kaharian ng Diyos bilang tanging pamahalaan na makapag-aalis ng lahat ng ganitong krimen at karahasan.​—Awit 37:9-11; Mateo 6:10.

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

MUNGKAHI PARA MAIWASANG MABIKTIMA NG CARJACKING

▪ Kapag nagmamaneho sa isang lugar na pinangyarihan na nang mga carjacking, isusi ang pinto at isara ang bintana ng kotse.

▪ Kapag nagmemenor para huminto sa isang interseksiyon, maging alisto sa kahina-hinalang mga tao na aali-aligid sa magkabilang panig ng daan.

▪ Kapag may sapat na distansiya sa pagitan mo at ng sasakyan sa unahan, mas madaling magmaniobra para tumakas mula sa panganib.

▪ Kapag may bumangga sa likod ng iyong sasakyan, huwag agad bababa para tingnan ang pinsala. Baka pakana lamang ito. Kapag nangyari ito sa isang delikadong lugar, mas ligtas kung magmamaneho ka patungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.

▪ Maging alisto sa mga taong di-kilala na umaali-aligid sa pasukan ng inyong bahay. Kapag napansin mo ito, mas ligtas kung itutuloy mo ang pagmamaneho at magpapalipas muna ng oras bago umuwi, o maaari mong ipasiya na magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.

▪ Kung kailangan mong maghintay sa loob ng nakaparadang sasakyan sa lugar na lubhang mapanganib o sa lugar na kakaunti lamang ang tao, maging alisto sa mga nangyayari sa harap at likod mo. Kung iniisip mong may panganib, paandarin ang kotse at magmaneho sa palibot ng bloke.

[Larawan sa pahina 14]

Positibo pa rin si Barry kahit nasa silyang de-gulong na lamang siya