Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Disenteng Pabahay Para sa Lahat—Sa Wakas!

Disenteng Pabahay Para sa Lahat—Sa Wakas!

Disenteng Pabahay Para sa Lahat​—Sa Wakas!

NASA labas lamang ng Nairobi, Kenya ang maganda at 56-na-ektaryang bakuran ng United Nations Gigiri, na kinaroroonan ng punong-tanggapan ng UN-HABITAT. Ang pamayanang ito ay simbolo ng internasyonal na pangakong lutasin ang pangglobong krisis sa pabahay. Kung maglilibot ka sa Gigiri Nature Trail, na nasa loob ng bakuran mismo, makikita mo ang malinaw na katibayan kung ano ang maisasakatuparan ng puspusang pagsisikap at paglalaan ng sapat na pondo. Ang dating tiwangwang na lupa rito ay ginawang kapaki-pakinabang at magandang lugar na panlibangan para sa mga kawani at mga panauhin.

Gayunman, ilang kilometro lamang mula rito ay masusumpungan ang medyo bago, subalit palawak nang palawak, na mga lugar ng barungbarong. Nakapanlulumong paalaala ito kung gaano kalala ang kasalukuyang krisis sa pabahay. Ang mga barungbarong, na gawa sa putik, patpat, at lata, ay mga 16 na metro kuwadrado ang sukat. Ang mga iskinita sa pagitan ng mga ito ay umaalingasaw dahil sa maruming tubig. Limang beses na mas malaki ang ibinabayad ng mga residente rito para sa tubig kaysa sa ibinabayad ng pangkaraniwang mga mamamayan sa Estados Unidos. Ang karamihan sa 40,000 o higit pang naninirahan dito ay nasa edad 20 hanggang 40. Hindi sila tamad o walang determinasyon. Dumayo sila rito para maghanap ng trabaho sa kalapit na Nairobi.

Kabaligtaran naman nito, ang mga lider sa daigdig ay nagtitipon dito sa malinis, maalwan, at kaakit-akit na kapaligiran upang pagdebatihan ang kinabukasan ng naghihikahos na mga lalaki, babae, at mga bata na malapit sa lugar na iyon. Nakalulungkot, ayon sa kalihim-panlahat ng United Nations, “ang daigdig ay may[roon namang] yaman, kaalaman at kapangyarihan” upang iangat nang husto ang buhay ng mga naninirahan sa mga barungbarong. Kung gayon, ano ang dapat gawin? “Umaasa ako,” ang sabi ni Mr. Annan, ‘na madaraig ng lahat ng nasasangkot ang pagwawalang-bahala at kawalan ng determinasyon ng mga pulitiko na nakahahadlang sa pag-unlad.’

Subalit makatotohanan ba ang pag-asang iyon? Ano ang kailangan upang maisaisantabi ng lahat ng internasyonal at lokal na mga pulitiko ang kanilang pansariling interes at makahanap ng solusyon na pakikinabangan ng lahat? May Isa na nagtataglay ng yaman, kaalaman, at kapangyarihan upang wakasan ang kasalukuyang krisis. Higit na mahalaga, maawain din siya at determinadong kumilos sa lalong madaling panahon. Sa katunayan, binalangkas na ng kaniyang pamahalaan ang detalyadong programa na permanenteng lulunas sa pangglobong problema sa pabahay.

Bagong Programa sa Pabahay

Sa Bibliya, ibinalangkas ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang nilalayon niyang gawin. Nangangako siya: “Lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa.” (Isaias 65:17) Malaking pagbabago ang ibubunga nito. Isasakatuparan ng bagong pamahalaan ng ‘mga langit’ ang hindi maisasagawa ng kasalukuyang mga pamahalaan ng tao. Gagarantiyahan ng Kaharian, o gobyerno, ng Diyos ang kalusugan, kaligtasan, at paggalang sa sarili ng lahat ng bubuo sa bagong lipunan ng tao sa lupa. Nauna pa rito, sinabihan si Isaias na ang mga nagnanais mapabilang sa bagong lipunan na ito sa lupa ay titipunin sa “huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:1-4) Nangangahulugan ito na napakalapit nang mangyari ang mga pagbabagong ito.​—Mateo 24:3-​14; 2 Timoteo 3:1-5.

Kapansin-pansin, sa mga salitang nakaulat sa iba pang talata ng Isaias kabanata 65, espesipikong sinabi ng Diyos na maglalaan siya ng permanenteng tahanan para sa lahat sa panahong iyon. “Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon,” ang sabi niya. “Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan.” (Isaias 65:21, 22) Gunigunihin na magkakaroon ka na sa wakas ng disenteng tahanan at mamumuhay sa malinis na kapaligiran at ligtas na mga kalagayan sa isang kamangha-manghang paraiso! Sino ang hindi mananabik sa gayong mga kalagayan? Subalit paano ka makatitiyak na mangyayari ang ipinangako ng Diyos?

Isang Pangakong Mapanghahawakan Mo

Nang lalangin ng Diyos sina Adan at Eva, hindi niya sila iniwan sa isang tiwangwang na lupa. Sa halip, inilagay niya sila sa isang hardin sa Eden, isang magandang parke na may malinis na hangin at saganang tubig at pagkain. (Genesis 2:8-15) Sinabihan si Adan na “punuin . . . ang lupa,” ngunit hindi ito gawing siksikan. (Genesis 1:28) Sa simula pa lamang, nilayon ng Diyos na tamasahin ng lahat ng naroroon ang kaayusan, pagkakaisa, at kasaganaan ng mabubuting bagay.

Nang maglaon, noong panahon ni Noe, napuno ang lipunan ng tao ng karahasan at imoralidad, kaya “ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:11, 12) Nagbulag-bulagan na lamang ba ang Diyos sa nangyaring iyon? Hindi. Daglian siyang kumilos. Nilinis niya ang lupa sa pamamagitan ng pangglobong Baha, alang-alang sa kaniyang pangalan at alang-alang sa matuwid na si Noe at sa kaniyang mga supling. Kaya nang lumabas si Noe at ang kaniyang pamilya sa arka patungo sa kanilang bagong tahanan, sinabihan silang muli na mangalat at “magpakarami at punuin . . . ang lupa.”​—Genesis 9:1.

Paglipas pa ng panahon, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang manang ipinangako sa kanilang ninunong si Abraham. Ang Lupang Pangakong iyon ay inilalarawan bilang “isang lupaing mabuti at maluwang, . . . inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8) Dahil sa pagkamasuwayin ng mga Israelita, nagpagala-gala sila sa ilang nang walang permanenteng tirahan sa loob ng 40 taon. Gayunman, tapat sa kaniyang pangako, nang maglaon ay pinaglaanan sila ng Diyos ng lupang matitirhan. Ganito ang sinasabi ng kinasihang ulat: “Binigyan sila ni Jehova ng kapahingahan sa buong palibot . . . Walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ay nagkatotoo.”​—Josue 21:43-45.

May Tirahan Na sa Wakas!

Kung gayon, maliwanag na hindi lamang walang-saysay na mga pangako ang mga salita ni Jehova sa Isaias kabanata 65. Bilang Maylalang ng lahat ng bagay, tiyak na may kapangyarihan siyang gawin ang lahat ng kinakailangan upang linisin ang lupa at tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para rito. (Isaias 40:26, 28; 55:10, 11) Bukod diyan, tinitiyak sa atin ng Bibliya na gusto niyang gawin ito. (Awit 72:12, 13) Kumilos na siya noon upang paglaanan ang matuwid na mga tao ng disenteng tirahan, at malapit na niyang gawin itong muli.

Sa katunayan, nang dumating sa lupa ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, espesipikong tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalanging ‘mangyari ang kalooban ng Diyos, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ (Mateo 6:10) Ipinahiwatig niyang magiging paraiso ang lupa. (Lucas 23:43) Isip-isipin ang kahulugan nito. Wala nang barungbarong, lugar ng mga iskuwater, at mga taong natutulog sa lansangan o pinalalayas sa kanilang tahanan. Kayligaya ngang panahon iyon! Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang lahat ay makatatanggap ng permanenteng tirahan sa wakas!

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

PABAHAY SA SINAUNANG ISRAEL

Tulad ng mga Canaanitang nauna sa kanila, maliwanag na mas gusto ng mga Israelita ang mga bahay na gawa sa bato, yamang mas matibay ang mga gusaling ito kaysa sa iba at hindi basta-basta napapasok ng mga manloloob. (Isaias 9:10; Amos 5:11) Gayunman, sa mabababang lupain, mga laryo na pinatuyo sa araw o hinurno ang ginagawang dingding ng mga tirahan. Ang karamihan sa mga bubong ay patag, at kung minsan ay may silid sa ibabaw nito. Kadalasang may pugon sa looban at kung minsan ay mayroon ding balon o imbakang-tubig.​—2 Samuel 17:18.

May ilang patakaran sa Kautusang Mosaiko hinggil sa pabahay. Mangyari pa, pinakamahalaga ang kaligtasan. Dapat gumawa ng halang sa palibot ng patag na bubong upang maiwasan ang mga aksidente. Binabalaan ng ikasampung utos ang mga Israelita laban sa pag-iimbot sa bahay ng kaniyang kapuwa. Ang sinumang napilitang magbili ng kaniyang bahay ay may karapatang tumubos nito sa loob ng maikling panahon.​—Exodo 20:17; Levitico 25:29-​33; Deuteronomio 22:8.

Mahalagang dako rin sa espirituwal na pagtuturo ang isang bahay sa Israel. Espesipikong tinagubilinan ang mga ama na ituro sa kanilang mga anak ang mga kahilingan ng Diyos kapag nakaupo sa kanilang bahay, at ang tahanan ay dapat na walang anumang kagamitan sa idolatriya.​—Deuteronomio 6:6, 7; 7:26.

[Larawan]

Sa sinaunang Israel, ang mga bahay ay ginagamit sa espirituwal na mga gawain, gaya ng pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Kubol

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

SINAUNANG MGA BAHAY

Hindi sinasabi ng Bibliya na tumira sa isang bahay ang unang lalaking si Adan. Gayunman, sinasabi sa Genesis 4:17 na “nagpakaabala [si Cain] sa pagtatayo ng isang lunsod at tinawag ang pangalan ng lunsod ayon sa pangalan ng kaniyang anak na si Enoc.” Ang lunsod na iyon ay malamang na isang nakukutaang nayon lamang ayon sa kasalukuyang pamantayan. Hindi sinasabi sa ulat kung anong uri ng mga bahay ang itinayo. Malamang na pinakamalalapit na kamag-anak ni Cain ang nakatira sa buong nayon.

Ang mga tolda ay karaniwang tirahan noong sinaunang panahon. Ang isa pang inapo ni Cain, si Jabal, ay tinatawag na ‘tagapagpasimula ng mga tumatahan sa mga tolda at ng mga may alagang hayop.’ (Genesis 4:20) Ang mga tolda ay maliwanag na mas madaling itayo at ilipat-lipat.

Sa paglipas ng panahon, maraming sibilisasyon ang nagtayo ng mga lunsod na punô ng mas magagarbong tahanan. Halimbawa, sa lunsod ng Ur, kung saan minsang nanirahan ang patriyarkang si Abram (Abraham), ipinakikita ng mga guho na tumira ang ilang residente sa maalwan, napalitadahan, at pinaputing mga bahay na may 13 o 14 na silid. Malamang na inaasam-asam nang panahong iyon ang pagkakaroon ng gayong mga tirahan.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Nangangako ang Diyos ng permanenteng pabahay para sa mga matuwid