Ang Pinakamaiinam na Laruan
Ang Pinakamaiinam na Laruan
Anong klaseng laruan kaya ang bibilhin ko para sa aking anak? Magkano ba dapat ang gastusin ko? Kung ikaw ay isang magulang, maraming beses mo na sigurong naitanong ang mga ito. Buweno, matutuwa kang malaman na ang pinakamaiinam na laruan ay yaong pinakamura.
“Mas nakikinabang ang mga bata sa aktibong pagmamanipula at pagsisiyasat kaysa sa di-aktibong panonood, kaya mas mainam ang simpleng mga laruan na nangangailangan ng imahinasyon kaysa sa magarbong mga kotse-kotsehan na de-batirya o mga manikang nagsasalita, na sa mga ito ay limitado lamang ang magagawa ng anak mo,” ang sabi ng aklat na Motivated Minds—Raising Children to Love Learning. Ang huling nabanggit na mga laruan ay maaaring “nakatutuwa sa umpisa, subalit kaagad na nagsasawa ang mga bata sa mga ito dahil hindi sila makapag-eksperimento, makapagsiyasat, o makalikha gamit ang mga ito.”
Depende sa edad ng bata, kabilang sa mga laruan na nakapupukaw ng isip ay mga bagay na simple lamang gaya ng mga pinagpapatung-patong na mga bloke, mga kahong walang laman, papel, mga materyal sa sining, at kahit pa nga buhangin at tubig. “Ang maliliit na laruan, tulad ng mga hayop sa bukid,” ang sabi ng Motivated Minds, “ay magbibigay [sa bata] ng pagkakataong magpares-pares, maggrupu-grupo, at maghambing, at maglinang ng kaniyang mga kasanayan sa wika sa pamamagitan ng pag-iimbento ng mga kuwento.” Iminumungkahi rin ng aklat na ito ang mga panugtog—kung handa kang magtiis sa ingay—sapagkat sa pamamagitan ng mga ito ay nakapag-eeksperimento ang mga bata sa mga tunog at pagkakaugnay-ugnay ng mga tono nito.
Buháy na buháy ang imahinasyon ng mga bata, at sabik silang matuto at maglaro. Kaya bakit hindi mo sila tulungan sa tatlong salik na ito sa pamamagitan ng matalinong pagpili ng kanilang mga laruan?