Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kahanga-hangang mga Pandamdam Ako po ay 15 taóng gulang at nagbabasa na ng inyong mga magasin mula pa noong ako’y matutong bumasa. Salamat po sa seryeng “Ang Kahanga-hangang mga Pandamdam sa Buhay—Pinahahalagahan Mo ba ang mga Ito?” (Marso 8, 2003) Kawili-wili ang mga artikulo. Salamat po sa masikap na paggawa at pagsasaliksik na inyong ginugugol sa bawat isyu ng Gumising! Nananabik na akong basahin ang susunod na isyu!
H. S., Estados Unidos
Talagang naliwanagan ako sa seryeng ito hinggil sa kung gaano kasalimuot ang pagkalikha sa atin. Namangha ako nang malaman kong kaya palang madama ng dulo ng daliri ng isang tao ang isang tuldok na tatlong micron lamang ang taas! Tiyak na nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang mga nilalang para pag-isipan nang husto ang gayon kaliit na bagay.
E. R., Australia
Kastilang Martir Taos-puso kong ipinaaabot ang aking pasasalamat para sa artikulong “Ipinasiya ng Isang Lalaki na Sundin ang Diyos.” (Marso 8, 2003) Naantig ako nang mabasa ko kung paano napanatili ni Antonio Gargallo, 19 na taóng gulang lamang at isang bagong bautisadong Kristiyano, ang kaniyang katapatan noong kinailangan niyang gumawa ng gayong biglaan at seryosong desisyon. Ipinabatid nito sa akin kung gaano kalaking lakas at panloob na kapayapaan ang kayang ibigay ni Jehova kung determinado tayong gawin ang kaniyang kalooban.
M. T., Italya
Maraming salamat sa maikli ngunit matinding karanasang ito. Napaluha ako nang binabasa ko ito. Lalo na akong naantig sa liham na isinulat ni Antonio Gargallo para sa kaniyang ina at kapatid na babae bago siya patayin. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang pagsulat hinggil sa mga Kristiyanong nagpanatili ng kanilang katapatan kay Jehova sa harap ng kamatayan upang mapatibay rin naman namin ang aming sariling pananampalataya.
R. O., Nigeria
Sapatos Salamat sa artikulong “Talaga Bang Komportable ang Iyong Sapatos?” (Marso 8, 2003) Maraming taon na akong nagkakaproblema sa aking mga paa at ilang beses na akong nagkaroon ng maliit na operasyon sa mga daliri sa paa. Sa wakas ay natuklasan ko na mas malaki pala nang kaunti ang isa kong paa kaysa sa kabilang paa. Dahil maraming taon akong nagsuot ng sapatos na mali ang sukat, kinailangan ko na ngayong magsuot ng orthopedic shoes.
R. G., Estados Unidos
Napakahusay ng artikulong ito. Gayunman, hindi ninyo binanggit na ang pinakamabuting panahon para bumili ng sapatos ay karaniwan nang sa dapit-hapon, kapag ang paa ay malamang na mas malaki.
A. W., Canada
Sagot ng “Gumising!”: Salamat sa iyong obserbasyon. Pakisuyong tingnan ang balitang “Iniugnay sa Sapatos ang mga Suliranin sa Kalusugan” sa “Pagmamasid sa Daigdig,” na lumitaw sa aming isyu ng Agosto 8, 1999.
Pandaraya Nais kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pandaraya?” (Enero 22, 2003) Isa akong estudyante sa unibersidad at may ugaling mandaya mula pa noong ako’y nasa ikalimang grado. Matagal na akong nag-aalinlangan kung tama ba ang pandaraya, ngunit hindi ko masumpungan ang sagot dito. Kaya ang artikulong ito ay talagang kapaki-pakinabang. Magbabago na ako simula sa aking susunod na pagsusulit, na siyang pinaghahandaan ko ngayon.
S. Y., Ukraine
Prostitusyon ng mga Bata Salamat sa inyong serye na “Prostitusyon ng mga Bata—Isang Kalunus-lunos na Katotohanan.” (Pebrero 8, 2003) Ang partikular nang nakaantig sa aking puso ay ang katotohanan na sa kabila ng pagiging masaklap ng paksa, binigyan ng pag-asa ang mga biktima. Ang mga ulat ng kaso na inyong binanggit ay nakahahawig ng aking personal na karanasan. Ipinakikita nito na kahit sa matandang sistemang ito, ang mga sugat ng kahila-hilakbot na trauma ay maaaring lubhang gumaling—sa tulong ni Jehova.
P. R., Alemanya