Sobrang Katabaan—Nagiging Isang Pangglobong Epidemya Ba?
Sobrang Katabaan—Nagiging Isang Pangglobong Epidemya Ba?
“BAGAMAN karaniwan nang itinuturing na kaakibat ng makabagong pamumuhay sa mga bansang mayaman at maunlad, ang sobrang katabaan ay lumalaganap na rin sa papaunlad na mga bansa,” ang ulat ng babasahing pangmedisina na The Lancet ng Britanya. Sinabi nito na ang mga eksperto sa nutrisyon ay nagbababala ngayon hinggil sa “isang pangglobong epidemya” ng mga sakit na nauugnay sa sobrang katabaan tulad ng diyabetis, alta presyon, kanser, at sakit sa puso at mga ugat.
Dahil sa tatlong beses na pagtaas ng bilang ng mga lalaking sobra sa timbang at pagdoble ng bilang ng mga babaing sobra sa timbang sa Tsina nitong nakalipas na walong taon, ang bilis ng pagdami ngayon ng mga may alta presyon doon ay katulad na niyaong sa Estados Unidos. Mahigit sa kalahati ng lahat ng bagong nasuri na may sakit na diyabetis ay mula sa India at Tsina. Ang antas ng paglaganap ng diyabetis sa Ehipto ay kapantay na niyaong sa Estados Unidos, at kalahati ng bilang ng mga babae sa bansang iyon ay sobra na sa timbang ngayon. Sa Mexico, mabilis na dumarami ang sobrang matataba sa lahat ng antas ng lipunan saanmang lugar sa bansang iyon, kasunod nito ang pagdami rin ng mga nagkakaroon ng diyabetis. Maging sa napakadukhang mga bansa sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, tumataas din ang bilang ng sobrang matataba at ng mga may diyabetis.
Bagaman ang masesebong pagkain sa mga fast-food ay maaaring siyang sanhi ng sobrang katabaan sa ilang bansa, ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat maraming mga pabrika ang nagdaragdag ngayon ng mas maraming asukal sa mga pagkain “upang sumarap ang lasa ng mga ito.” Bukod dito, mas maraming mantika ang mga pagkain sa Asia at Aprika, at kaakibat nito ang karagdagang mga kalori. Ang masulong na teknolohiya sa mga pagawaan at sa agrikultura ay nangangahulugan na mas kaunting pisikal na trabaho ang kailangan upang makagawa ng mga produkto. Gusto ng mga tao na mabawasan ang kanilang panahon ng pagtatrabaho at magkaroon ng higit na panahon sa paglilibang. Ngayong napakapopular ng mga computer at telebisyon, lalo nang hindi nakapag-eehersisyo ang mga manggagawa, at “inihudyat ng e-mail ang wakas ng pagdadala ng mensahe at paglakad upang makipag-usap sa mga kasamahan.”
Yamang mabilis ding dumarami ang sobrang matataba sa mga batang estudyante, lalo na sa mga lugar na doo’y binawasan ang paglilibang at pisikal na gawain, may apurahang pangangailangan na mabatid ng mga guro ang kaugnayan ng nutrisyon at ng kakayahan sa pag-aaral. Nagbabala si Gail Harrison, ng School of Public Health, University of California, na bukod sa mga estratehiya sa paghadlang sa sobrang katabaan sa kanilang lugar, “ang pagkakaroon ng iisang plano para sa pandaigdig na paghadlang, kalakip ang magkakaugnay na paggawa ng patakaran, pagpapakadalubhasa, at pagtatatag ng mga ahensiya sa pagseserbisyo, ay mahalaga” upang mapagtagumpayan ang epidemya ng sobrang katabaan at ang kaugnay nitong mga sakit.