Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkamay Tayo

Magkamay Tayo

Magkamay Tayo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GHANA

MARAMING tao ang gumagamit ng tinidor, kutsilyo, at kutsara para isubo ang masarap na pagkain. Ang iba naman, gaya ng mga lumaki sa mga bansa sa Silangan, ay gumagamit ng isang pares ng chopstick para sa pagkain din. Gayunman, may mga pagkain na mas masarap kainin kung nakakamay. Isipin mo na lang ang barbecue na mga tadyang, mga piraso ng manok, puto, lumpia, at mga taco.

Kumusta naman ang sopas? Maaari mo bang kainin iyon na ginagamit ang iyong mga daliri? ‘Imposible!’ baka sabihin mo. ‘Mainit at malagkit iyon, at hindi mo puwedeng kamayin iyon.’ Sa maraming bansa sa Aprika, sanay ang mga tao na kumain ng sopas na gamit ang kanilang mga daliri katulad ng mga taga-Asia na gamit ang mga chopstick kapag kumakain. Hayaan mong ikuwento namin sa iyo ang isang pagkain sa Ghana at ang nakatutuwang pagkain nito nang nakakamay.

Sopas ng Fufu at Mani

Ang fufu ay gawa sa nilagang saba, isang prutas na kauri ng karaniwang saging, at mula sa kamoteng-kahoy​—na tinatawag ding balinghoy​—isang maugat na lamang-lupa, na itinatanim sa lahat ng tropikal na lupain. Binabalatan, hinuhugasan, at nilalaga ang mga saging na saba at kamoteng-kahoy hanggang sa lumambot. Pagkatapos patuluin ang tubig, binabayo ito sa lusong hanggang sa maging pinung-pino ang masa. Kapag halung-haló at pino na, binibilo ang masang ito.

Mas kilala mo siguro ang nakakaing lamang-lupa na nuwes bilang mani. Ang sopas ng lamang-lupa na nuwes ay gawa sa masa ng mani, karne o isda, kamatis, sibuyas, paminta, at iba pang pampalasa. Pinasisingawan at nilalagyan ng mga pampalasa ang karne o isda, at saka daragdagan ng tubig at ilalahok ang masa ng mani. Ang mga gulay ay pinagsasama-sama at saka inihuhulog sa sopas, at ang lahat ng sangkap ay hinahalo at nilulutong mabuti. Pagkatapos ay ilalagay ang binilong fufu sa isang mangkok, na may kasamang umuusok na sopas ng mani sa ibabaw nito.

Kung Paano Ito Kinakain

Ngayong nakahanda na sa harap mo ang masarap na pagkain, paano mo ito isusubo nang nakakamay lamang? Siyempre pa, kailangan mo lang ng tamang paraan ng pagkain nito.

Sabihin pa, maghugas ka munang mabuti ng iyong mga kamay. Pagkatapos ay ilubog mo ang iyong kanang kamay sa sopas. Pero mag-ingat ka! Kung hindi ka sanay rito, baka mapasò ka sa init nito!

Kunin mo ngayon ang ilang fufu, na ginagamit ang iyong hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri, at palasingsingan. Hayaan mong nakalubog sa sopas ang piraso ng fufu, at dahan-dahan mong diinan ito ng iyong hinlalaki para magkaroon ng maliit na uka, na malalagyan ng kaunting sopas.

Pagkatapos ay iangat mo ang iyong kamay na may piraso ng fufu. Kapag susubo ka na, medyo ibaluktot mo ang iyong galanggalangan at mga daliri at tiyakin mong hindi naman mas mataas pa ang mga daliri mo kaysa sa iyong galanggalangan. Kapag gayon ang ginawa mo, makatitiyak ka na hindi tutulo ang sopas sa iyong braso hanggang sa siko.

Medyo itungo mo ang iyong ulo, at kapag dumiit na ang iyong kamay sa labi mo, gamitin mo ang gitnang daliri at palasingsingan upang itulak ang fufu at sopas sa iyong bibig mismo. Kumain ka pa pero mag-ingat ka pa rin. Mag-ingat ka ngayon dahil baka makakain ka ng siling labuyo, yamang karaniwan nang maanghang ang mga pagkain sa Ghana!

Kailangan mong ulit-ulitin ang ganitong paraan ng pagkain hanggang sa maubos mo ang lahat ng fufu. Kainin mo pa ang ibang sangkap, gaya ng mga piraso ng karne, na hiwalay sa fufu. At kung may matirang sopas, maaari mong kamayin para ubusin ito.

Ang Pagkakamay

Sinasabi ng ilang taga-Ghana na ibig nilang gamitin sa pagkain ang limang pangunahing pandamdam. Naririnig at naaamoy mo ang pagkain kapag niluluto ito. Nakikita at natitikman mo ito habang kumakain ka. Subalit para magamit mo ang iyong ika-limang pandamdam, kailangan mong mahawakan at masalat iyon.

Anuman ang iyong pinagmulan, makatitiyak ka na ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay interesado sa “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Timoteo 2:4) Nagbibigay ito ng pagkakataon na maranasan mo ang nakatutuwang pagkakasari-sari ng kaugalian. At kung hindi ka sanay sa pagkain ng sopas nang nakakamay lamang, baka maging napakasarap at nakatutuwang karanasan ito para sa iyo.