Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Tibay ng Loob sa Kabila ng Kasakunaan Salamat sa seryeng itinampok sa pabalat na “Tibay ng Loob sa Kabila ng Kasakunaan—Ang Araw na ang Twin Towers ay Gumuho.” (Enero 8, 2002) Ako ay lubhang naantig sa mga artikulong ito, at pinangyari nito na matanto ko kung paanong ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay makaaapekto sa sinuman sa atin. Nagdadalamhati ako kapag naiisip ko ang maraming buhay na nasawi.
S.B.R., Denmark
Salamat sa paglalathala sa “Ang Panalangin ni Tatiana.” Umiiyak na ako noon habang binabasa ko ang seryeng itinampok sa pabalat, ngunit nang mabasa ko ang kahon na ito, ako’y napahagulhol. Nais kong ipanalangin ang espirituwal na paglaki ng mga batang nawalan ng magulang dahil sa mga pagsalakay ng terorista upang magkita silang muli ng kanilang magulang sa bagong sanlibutan. Gayundin, sa pamamagitan ng artikulong ito, napasidhi ko ang aking pagpapahalaga na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, mayroon akong isang maningning na pag-asa sa hinaharap.
T. A., Hapon
Bagaman naninirahan ako sa Alemanya, ang mga naganap noong Setyembre 11 ay nakagitla sa akin at sa aking pamilya. Pagkalipas ng tatlong buwan, ang aking siyam-na-taóng-gulang na anak na babae ay nagdodrowing pa rin ng mga larawan ng isang eroplanong lumilipad patungo sa isang mataas na gusali. Umaasa kami na sasapit ang panahon kapag ang gayong mga trahedya ay hindi na iiral pa.
E. G., Alemanya
Nang makita ko ang nangyari sa New York, nanalangin ako kay Jehova at humiling sa kaniya na bigyan ng lakas ang mga nakaligtas at bigyan ng pag-asa ang mga pamilya ng mga biktima. Nang mabasa ko ang mga artikulong ito, nakita ko kung paano dininig ang aking mga panalangin kasama na ang mga panalangin ng maraming iba pa. Ang pagkaalam na maaaring sumapit ang trahedya sa anumang oras ay umakay sa akin na muling suriin ang aking buhay.
M.V., Italya
Higit naming pinahahalagahan ang mga reaksiyon ng mga tao na nakaranas mismo sa nangyari. Napaluha kami sa mga sinabi ng mga nakaligtas. Hiniling namin kay Jehova na tulungan ang lahat ng naapektuhan at idinadalangin namin na makasumpong nawa sila ng kaaliwan sa pamamagitan ng Gumising! Yamang bata pa, napasigla kami ng mga tanong na nagpangyari sa amin na pag-isipan ang paraan ng aming pamumuhay at ang aming mga priyoridad. Hangarin namin na sana ay hindi kayo huminto sa paglalathala ng magasing ito.
T. M. at A. P., Slovenia
Ako po ay 14-na-taóng-gulang na estudyante na nasa ikatlong taon sa haiskul. Nang mabasa ko ang seryeng ito, naunawaan ko ang takot na nauugnay sa insidente. Nakita ko kung paano isinakripisyo ng mga tao ang kanilang buhay upang mailigtas ang iba. Nalaman ko po mula sa balita na maraming namatay na bombero, pero hindi ko pa ito nadama nang gayon na lamang kapersonal noon. Napaiyak po ako nang mabasa ko ang kahong “Ang Panalangin ni Tatiana.” Noong unang taon ko sa haiskul, namatay din ang aking ama dahil sa sakit. Pinag-isip ako ng kahon, ‘Ganoon ba katotoo ang bagong sanlibutan sa akin gaya ng paniniwala ni Tatiana?’ Gusto ko pong ibigay ang magasing ito sa aking mga guro sa paaralan at sa marami kong kaibigan. Pakisuyong ipagpatuloy po ninyo ang paglilimbag ng ganitong kasiya-siyang mga magasin!
H. T., Hapon
Bagong Disenyo Nakalulugod na makita ang pagsulong ng hitsura ng Gumising! sapol nang mabasa ko ang magasing ito noong 1978. Nang suriin ko ang isyu ng Enero 8, 2002, talagang naakit ako sa mga pahina nito. Kapansin-pansin ang mga pamagat ng mga artikulo, at kapana-panabik ang mga ilustrasyon. Lalong nakalulugod ang pagbabasa dahil sa pagkakaayos ng mga ito. Natitiyak ko na ang bagong hitsurang ito ay makaaakit ng mas marami pang taimtim na mga tao tungo kay Jehova.
V.P.L., Brazil