Suporta at Pakikiramay Mula sa Maraming Dako
Suporta at Pakikiramay Mula sa Maraming Dako
NAGDATINGAN ang mga boluntaryo mula sa ibang mga bahagi ng Estados Unidos gayundin mula sa ibang mga bansa. Ang isa sa mga boluntaryong iyon ay si Tom (ipinakita sa itaas), edad 29, isang bombero mula sa Ottawa, Canada. Sinabi niya sa Gumising!: “Nakita ko ang mga pangyayari sa TV at gusto kong magbigay ng moral na suporta sa aking mga kapuwa bombero sa New York. Nagmaneho ako patungo sa New York noong Biyernes at nagtungo ako sa Ground Zero noong Sabado upang tumulong. Inilagay ako sa tinatawag na brigada ng timba, na inaalis ang mga pira-pirasong labí sa pamamagitan ng timba.
“Dahan-dahan naming sinusuri ang kaguhuan, na ginagamit ang mga pala, upang hanapin ang mga bagay na maaaring magbigay ng pahiwatig sa pagkakakilanlan ng namatay na mga bombero. Nakakita ako ng isang kasangkapang Halligan na ginagamit na pambukas sa mga pintong nakakandado, gayundin ng mga pandugtong sa isang hose. Napakahirap na gawain ito. Nangailangan ng dalawang oras upang mapuno ng mga 50 boluntaryo ang isang dump truck.
“Noong Lunes, Setyembre 17, nailabas namin ang mga bangkay ng ilang bombero na sumugod sa gusali noong nakaraang Martes. Hinding-hindi ko malilimutan ang tanawin—lahat ng mga tagasagip ay huminto sa pagtatrabaho, inalis ang kanilang mga hard hat at helmet, at tumayo—bilang paggalang sa aming namatay na mga kasamahan.
“Habang nakatayo ako at pinagmamasdan ang tanawin sa Ground Zero, kagyat kong naisip kung gaano kadaling mawala ang buhay sa ngayon. Pinag-isip ako nito hinggil sa aking buhay, sa aking trabaho, sa aking pamilya. Anuman ang mga panganib, ang aking trabaho ay lubhang kasiya-siya—ang makatulong sa mga tao at magligtas pa nga ng buhay.”
Nag-alok ng Praktikal na Tulong ang mga Saksi
Noong unang dalawang araw ng kasakunaan, mga 70 katao ang nanganlong sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan na nawalan ng kanilang mga silid at bagahe sa otel ay binigyan ng matutuluyan at damit na pamalit. Sila’y pinakain. Marahil higit na mahalaga, sila’y binigyan ng emosyonal na suporta ng makaranasang Kristiyanong matatanda.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpadala rin ng kinakailangang mga kagamitan at panustos na pangkagipitan para sa mga tauhan ng search-and-rescue na nagtatrabaho sa tinatawag na Ground Zero. Inilaan din ang transportasyon sa departamento ng pamatay-sunog upang ihatid ang mga bombero sa lugar ng pagsagip. Si Ricardo (sa kanan, itaas), isang 39-anyos na Saksi at manggagawa sa sanitasyon, ay tumulong, kasama ng daan-daang iba pa, sa pag-aalis ng tone-toneladang pira-pirasong labí araw-araw. Sinabi niya sa Gumising!: “Napakaigting ng tanawin, lalo na para sa mga bombero, na naghahanap
sa kanilang namatay na mga kasamahan. Nakita kong inilabas nila ang isang bombero na buháy. Ang isa pang bombero ay napatay ng isang bumagsak na katawan ng tao. Maraming bombero ang tumatangis. Ako’y nanlupaypay at umiyak. Wala nang mas malakas ang loob kaysa sa kanila noong araw na iyon.”“Panahon at Di-inaasahang Pangyayari”
Libu-libong tao ang namatay sa sakuna. Kabilang sa mga ito ang di-kukulangin sa 14 na Saksi, na nagkataong naroon o malapit sa lugar ng trahedya. Si Joyce Cummings, edad 65 at dating taga-Trinidad, ay nakipagkita sa kaniyang dentista malapit sa World Trade Center. Sa kasamaang-palad, iyon ay naganap noong panahon ng kasakunaan. Mukhang hindi niya nakayanan ang usok at siya’y isinugod sa isang kalapit na ospital. Hindi na nila siya nailigtas. Ang kaniyang kalagayan ay isa sa maraming kaso ng mga taong nakaranas sa mga epekto ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kilalá siya bilang isang napakasigasig na ebanghelisador.
Si Calvin Dawson (tingnan ang kahon) ay nagtatrabaho sa isang kompanyang brokerage sa ika-84 na palapag ng south tower. Nasa opisina siya at kitang-kita niya ang north tower karaka-raka pagkatapos na banggain ito ng isang eroplano. Ang kaniyang amo, na wala sa opisina, ay tumawag sa telepono upang alamin kung ano ang nangyari. Sabi niya: “Sinasabi sa akin ni Calvin ang nakita niya. Aniya, ‘Nagtatalunan ang mga tao papalabas!’ Sinabihan ko siyang umalis na roon at palabasin ang iba pa sa opisina.” Hindi na nakalabas si Calvin. Ang amo ay nagpatuloy: “Si Calvin ay kahanga-hangang tao at pinahahalagahan namin siyang lahat, kahit ng ilan sa amin na hindi espirituwal. Hinahangaan namin ang kaniyang pagiging makadiyos at ang kaniyang pagkamadamayin.”
Ang isa pang biktimang Saksi ay si James Amato (bandang ibaba sa kanan sa kabilang pahina), ama ng apat na anak at isang kapitan sa departamento ng pamatay-sunog sa New York. Yaong mga nakakakilala sa kaniya ay nagsabi na napakalakas ng loob niya anupat “umaakyat siya sa isang nasusunog na gusali kahit na ang mga tao ay nagsisitakas.” Si James ay itinaas sa tungkulin in absentia sa ranggo na hepe ng batalyon ng departamento ng pamatay-sunog.
Isa pang bomberong Saksi, na may pitong taóng karanasan sa pagiging bombero, ay si George DiPasquale. Siya’y kasal kay Melissa at may dalawang-taóng-gulang na anak na babae, si Georgia Rose. Siya’y isang matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Staten Island at nasa ikasampung palapag siya ng south tower nang ito ay gumuho. Siya man ay nagbuwis ng kaniyang buhay habang sinisikap niyang iligtas ang iba.
Dalawa lamang ito sa daan-daang bombero, pulis, at mga emergency worker na nasawi habang buong giting na sinisikap nilang sagipin ang mga tao. Ang katapangan ng mga tagasagip na ito ay hindi kailanman maaaring maliitin. Nang maglaon ay sinabi ng alkalde ng New York City na si Rudolph Giuliani sa pangkat ng mga bomberong itinaas sa tungkulin: “Ang inyong pagkukusa at walang-takot na pagsugod sa pinakamahihirap na kalagayan ay isang inspirasyon sa aming lahat. . . . At wala nang . . . hihigit pang halimbawa ng tibay ng loob kaysa sa Departamento ng Pamatay-Sunog ng Lunsod ng New York.”
Isang Ministeryo ng Kaaliwan
Noong mga araw pagkatapos ng trahedya, mga 900,000 Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ang gumawa ng puspusang pagsisikap na magbigay ng kaaliwan sa mga namimighati sa buong bansa. Pag-ibig sa kapuwa ang nag-udyok sa kanila na aliwin ang mga nagdadalamhati. (Mateo 22:39) Sinikap din nilang tukuyin sa kanilang ministeryo ang tanging tunay na pag-asa para sa nababagabag na sangkatauhan.—2 Pedro 3:13.
Ang mga Saksi ay madamayin sa kanilang paglapit sa publiko. Ang kanilang intensiyon ay magbigay ng kaaliwan mula sa Kasulatan at tularan ang nakagiginhawang halimbawa ni Kristo, na nagsabi: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Ang mga pangkat ng matatanda mula sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Manhattan ay pinahintulutan sa lugar ng Ground Zero upang kausapin at aliwin ang mga tagasagip doon. Napakabuti ng pagtugon. Ang mga ministrong ito ay nagkomento: “Ang mga tao’y naluluha habang ibinabahagi namin sa kanila ang mga kasulatan.” Ang mga tagasagip ay nagpapahinga sa isang bapor sa daungan. “Mukhang desperadung-desperado ang mga lalaking ito, nakayuko sila at talagang hindi nila makayanan ang kanilang nakita. Naupo kaming kasama nila at ibinahagi sa kanila ang mga teksto mula sa Bibliya. Lubos kaming pinasalamatan ng mga lalaki sa aming pagdating, na sinasabing talagang kailangan nila ang kaaliwang ito.”
Kadalasang nais ng mga taong nakausap pagkatapos ng trahedya ng mababasa, at libu-libong brosyur ang ibinigay sa kanila nang walang bayad. Ang ilan sa mga ito ay Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, “Will There Ever Be a World Without War?,” at Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? Binigyan din ng pantanging pansin ang mga seryeng itinampok sa pabalat ng dalawang isyu ng Gumising!: “Ang Bagong Anyo ng Terorismo” (Mayo 22, 2001) at “Pagharap sa Post-traumatic Stress” (Agosto 22, 2001). Sa maraming kaso ay ipinaliwanag ng mga Saksi ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa Bibliya. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Marahil ay milyun-milyong tao ang napaabutan ng nakaaaliw na mensaheng ito.
Dapat Tayong Papag-isipin Nito
Tayong lahat ay dapat na papag-isipin ng mga trahedyang katulad ng isang ito sa New York City hinggil sa kung ano ang ginagawa natin sa ating buhay. Tayo ba’y nabubuhay lamang para sa sakim na mga hangarin, o sinisikap ba nating magdulot ng kaligayahan sa iba? Si propeta Mikas ay nagtanong: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8) Ang kahinhinan ay dapat na mag-udyok sa atin na bumaling sa Salita ng Diyos upang masumpungan ang tunay na pag-asa para sa patay at malaman kung ano ang malapit nang gawin ng Diyos upang muling itatag ang Paraisong mga kalagayan sa lupang ito. Kung nais mong makaalam nang higit pa tungkol sa mga pangako ng Bibliya, hinihimok ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.—Isaias 65:17, 21-25; Apocalipsis 21:1-4.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]
ANG PANALANGIN NI TATIANA
Sinabi ng nabalong asawa ni Calvin Dawson, si Lena, sa Gumising! ang tungkol sa panalangin na binigkas ng kaniyang pitong-taóng-gulang na anak na babae mga ilang araw pagkatapos nitong malaman na ang kaniyang tatay ay hindi na uuwi. Pagkatapos manalangin ni Lena, nagtanong si Tatiana, “Maaari rin po ba akong manalangin, Mommy?” Sumang-ayon ang ina. Nanalangin si Tatiana: “Jehova, aming makalangit na Ama, nais po naming pasalamatan kayo sa pagkaing ito at sa buhay na taglay namin sa araw na ito. At nais po naming hilingin na ang inyong espiritu ay sumaamin ng Mommy ko upang kami ay maging malakas. At gusto po naming hilingin na ang inyong espiritu ay mapasa kay Daddy, upang maging malakas siya pagbalik niya. At pagbalik po niya, siya po sana ay maging mahusay, malakas, at maligaya at malusog, at makikita namin siyang muli. Sa pangalan ni Jesus . . . ah, at huwag po ninyong kalimutan na palakasin si Mommy. Amen.”
Palibhasa’y hindi natitiyak kung naunawaan ni Tatiana ang nangyari, sinabi ni Lena: “Tiana, maganda ang panalangin mo. Subalit, Mahal, alam mo ba na hindi na babalik si Daddy?” Karaka-raka, mababakas ang pagkabigla sa mukha ni Tatiana. “Hindi na siya babalik?” aniya. “Hindi na,” ang sabi ng kaniyang ina. “Akala ko ay nasabi ko na iyan sa iyo. Akala ko ay naunawaan mo na hindi na babalik si Daddy.” Sabi ni Tatiana: “Subalit palagi mong sinasabi sa akin na babalik siya sa bagong sanlibutan!” Sa pagkatanto sa wakas kung ano pala ang ibig sabihin ng kaniyang anak, sinabi ni Lena: “Sori, Tatiana. Hindi kita naintindihan. Akala ko, ang ibig mong sabihin ay na bukas babalik si Daddy.” Sabi ni Lena: “Natutuwa akong malaman na ang bagong sanlibutan ay gayon katotoo sa kaniya.”