Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Artritis—Ang Nakasasalantang Sakit

Artritis—Ang Nakasasalantang Sakit

Artritis​—Ang Nakasasalantang Sakit

“HINDI MO MAGUGUNIGUNI ANG KIROT HANGGANG SA MARANASAN MO ITO. INAKALA KO NA ANG TANGING PARAAN UPANG GUMINHAWA AY ANG MAMATAY.”​—SETSUKO, HAPÓN.

“PALIBHASA’Y NAGKAROON AKO NITO MULA NOONG AKO’Y 16, SA PALAGAY KO’Y NAWALA ANG AKING KABATAAN DAHIL SA SAKIT NA ITO.”​—DARREN, GRAN BRITANYA.

“NAWALA KO ANG DALAWANG TAON SA BUHAY KO DAHIL SA PAGKAKARATAY KO SA BANIG NG KARAMDAMAN.”​—KATIA, ITALYA.

“MINSANG MAGSIMULA NA ANG KIROT SA LAHAT NG AKING MGA KASUKASUAN, PURO KIROT NA LAMANG ANG BUONG BUHAY KO.”​—JOYCE, TIMOG APRIKA.

ITO ang malulungkot na pananalita ng mga biktima ng sakit na kilala bilang artritis. Ang artritis ang nagtutulak sa milyun-milyong pinahihirapan nito na magtungo sa kanilang mga manggagamot taun-taon upang humanap ng ginhawa mula sa kirot, hindi pagkilos, at depormidad na maaaring dulot nito.

Sa Estados Unidos lamang, apektado ng artritis ang mahigit sa 42 milyon katao, anupat dumaranas ng kapansanan ang 1 sa bawat 6 na pinahihirapan nito. Sa katunayan, ang artritis ang nangungunang sanhi ng kapansanan sa bansang iyon. Ang epekto ng sakit na ito sa kabuhayan ay “humigit-kumulang katumbas ng isang katamtamang paghina ng ekonomiya,” sabi ng National Centers for Disease Control and Prevention, yamang ito’y nagkakahalaga sa mga Amerikano ng mahigit sa 64 na bilyong dolyar sa bawat taon dahil sa mga gastusin sa paggamot at nawalang produksiyon. Ayon sa World Health Organization, ipinakikita ng mga surbey na isinagawa sa mga papaunlad na bansa, gaya sa Brazil, Chile, India, Indonesia, Malaysia, Mexico, Pakistan, Pilipinas, Thailand, at Tsina, na ang pagkabalisa sa artritis at sa iba pang mga sakit na rayuma sa gayong mga bansa ay halos “katumbas niyaong sa mayayamang bansa.”

Hindi totoo na ang artritis ay sakit lamang ng mga may-edad na. Totoo, mas malubhang naaapektuhan nito ang mga tao habang sila ay tumatanda. Subalit ang isa sa pinakakaraniwang anyo nito, ang rheumatoid arthritis, ay karaniwang nakaaapekto sa mga nasa pagitan ng edad na 25 at 50. Sa Estados Unidos, halos 3 sa bawat 5 kataong may artritis ay wala pang 65 taóng gulang. Sa katulad na paraan, sa Gran Britanya, sa 8 milyong pinahihirapan nito, 1.2 milyon ang wala pang 45 ang edad. Mahigit na 14,500 ang mga bata.

Taun-taon, ang bilang ng mga pinahihirapan ng artritis ay mabilis na dumarami. Sa Canada, tinatayang sa susunod na dekada, ang bilang ng mga taong may artritis ay darami nang isang milyon. Bagaman mas laganap ang artritis sa Europa kaysa sa Aprika at Asia, ang mga kaso ng sakit na ito ay dumarami rin sa mga kontinenteng huling nabanggit. Kaya ang mabilis na pagdami ng mga may sakit na artritis ay nag-udyok sa World Health Organization na ipahayag ang 2000-2010 bilang Dekada ng Buto at Kasukasuan. Sa panahong ito ang mga doktor at mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan sa buong daigdig ay magtutulungan sa pagsisikap na mapabuti ang kalidad ng buhay niyaong mga pinahihirapan ng mga sakit sa kalamnan at buto na gaya ng artritis.

Ano ba ang nalalaman tungkol sa makirot na karamdamang ito? Sino ang nanganganib na magkaroon nito? Paano mahaharap niyaong mga pinahihirapan ng artritis ang nakasasalantang mga epekto nito? May nakikita bang lunas sa hinaharap? Tatalakayin ng aming sumusunod na mga artikulo ang mga isyung ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

X ray: Used by kind permission of the Arthritis Research Campaign, United Kingdom (www.arc.org.uk)