Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kasaysayan Sumulat ako may kaugnayan sa seryeng “Ano ba ang Dapat Nating Matutuhan sa Kasaysayan?” (Marso 8, 2001) Ang mga ito ay kabilang sa mga artikulong pinakamahusay ang pagkakasulat na nabasa ko kailanman. Hindi ko mabitiwan ang magasin hangga’t hindi ko ito natapos basahin. Lagi akong namamangha sa pananaliksik na ginagawa ninyo para sa magasin at sa walang-katapusang dami at kalidad ng impormasyong inihaharap nito.
M. C., Estados Unidos
Nakapanghihinang Sakit Maraming salamat sa artikulong “Ang Pakikipagbaka Ko sa Isang Nakapanghihinang Karamdaman.” (Marso 8, 2001) Ang aking buhay taglay ang sakit na interstitial cystitis (IC) ay nagsimula nang ako’y 18. Lagi akong nababahala sa mga limitasyon ko dahil sa aking karamdaman. Nadama ko na hindi ako nakapagpakita ng sapat na pagbabata, at nakipagpunyagi ako sa pagkadama ng kawalang-halaga. Nailabas ko ang maraming taon ng nakimkim na damdamin pagkatapos kong mabasa ang artikulong ito. Nang mabasa ko na nalilimitahan din ng IC ang kilos ni Tanya Salay, nakatulong ito sa akin na magkaroon ng mas mabuting pangmalas sa mga bagay-bagay.
B. Y., Estados Unidos
Kapag nakababasa ako ng mga artikulong gaya nito, nagiging bale-wala ang aking sariling mga problema. Gusto kong malaman ni Tanya Salay na ipinagmamalaki ko siya at natutuwa ako na hindi siya nagpatiwakal kundi nagtiwala kay Jehova. Dapat ding papurihan ang kaniyang asawa sa suporta nito.
I. W., Estados Unidos
Maraming salamat sa mga artikulong gaya nito. Kahit na hindi tayo dumaranas ng mga problemang ito mismo, ang gayong mga artikulo ay tumutulong sa atin na maging higit na maunawain sa mga dumaranas nito.
C. L., Estados Unidos
Pag-ibig na Hindi Sinusuklian Habang binabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Siya Aayawan?” (Marso 22, 2001), nadama ko ang kirot ng aking sariling karanasan. Hindi ko pinansin ang aking damdamin, at ang aming pagsasama bilang mag-asawa ay isang malaking kabiguan. Gaya ng sinabi ng artikulo, “ang pagkahabag ay mahinang pundasyon para pagtayuan ng isang pag-aasawa.”
A. M., Estados Unidos
Niyaya ako ng isang binata na makipag-date sa kaniya, subalit yamang magkaiba ang aming mga tunguhin, tumanggi ako. Sa kabila niyan, muli siyang nagpahayag ng kaniyang damdamin sa akin. Litung-lito ako, anupat natatakot ako na kung aayawan ko siya ay mabubuhay akong nag-iisa. Subalit, nang mabasa ko ang artikulong ito, kumalma ang aking damdamin. Batid ko na tama ang aking pasiya.
S. N., Hapón
Tatlong araw bago ko natanggap ang artikulong ito, isang binata ang nagsabi sa akin, “Gusto kong makilala ka nang higit.” Nagulumihanan ako. Nagugustuhan ko siya subalit alam ko na napakabata ko pa upang makipag-date. Ngayon, pagkatapos basahin ang artikulong ito at muling basahin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Inaakala ng Aking mga Magulang na Napakabata Ko Pa Para Makipag-date?” (Enero 22, 2001), alam ko na kung ano ang aking gagawin.
R. S., Estados Unidos
Akala ko’y tama ang pasiya ko nang ako’y nakipagtipang magpakasal. Pinayuhan ako ng aking mga magulang at ng maygulang na mga kaibigang Kristiyano na waring mali ang napili ko, subalit hindi ako nakinig sa kanila. Pagkalipas ng mahigit na isang buwan, pinutol ko ang pakikipagtipan na magpakasal. Kung sana’y nagkaroon ako ng lakas ng loob na tumanggi bago pa naging seryoso ang mga bagay-bagay, kami ng dati kong katipan ay hindi sana dumanas ng maraming pasakit.
V. T., Italya
Sistema ng Sirkulasyon ng Dugo Kamakailan lamang ay naoperahan ako sa aking sistemang lymphatic at dumaranas ng pamamanas. Nang mabasa ko ang artikulong “Ang Kamangha-manghang Sistema ng Sirkulasyon ng Dugo” (Marso 22, 2001), nakadama ako ng kapanatagan. Sa huling pahina ng artikulo, nasumpungan ko ang isang paliwanag kung bakit nangyayari ang gayong pamamaga.
M. R., Italya