Isinisiwalat ng Kagila-gilalas na Tahong ang mga Lihim Nito
Isinisiwalat ng Kagila-gilalas na Tahong ang mga Lihim Nito
ANO ang gumagawa ng isang matibay na kolang di-tinatagos ng tubig, gumaganang parang vacuum cleaner, at nagtuturo pa nga sa mga siyentipiko tungkol sa pagkukumpuni ng gene? Ang hamak na munting lamandagat na kilala bilang tahong!
Ang mga tahong ay matatagpuan sa buong daigdig. Ang ilan ay nakatira sa dagat. Ang iba naman ay nasa mga batis at lawa. Sa loob ng dalawang magkasuklob na balat ay may malambot na katawang nababalot ng tulad-lamad na sangkap na tinatawag na manta. Tulad sa lahat ng iba pang mga molusko, binubuo ng manta ang balat sa pamamagitan ng paghahalo ng kalsiyum at carbon dioxide, na kinukuha mula sa pagkain ng nilalang na ito at sa tubig na nakapalibot. Upang magawa ang ganiyan, tayong mga tao ay kailangang kumain ng mga piraso ng bato, iproseso ito sa ating tiyan, at saka ilabas ang mga ito gaya ng patiunang-binuong materyales sa pagtatayo na awtomatikong bubuo ng mga pader at bubong! Pero hindi ang balat ang siyang kinawiwilihan ng mga mananaliksik; iyon ay ang pinakapaa ng tahong-dagat.
Ang Napakatibay na Kola ng Tahong
Subukan mong tungkabin ang isang tahong mula sa isang bato, at matutuklasan mo kung gaano kahigpit ang pagkakakapit nito sa bato—na kailangang-kailangan upang mapaglabanan ng tahong ang matulis na tuka ng isang gutom na ibong-dagat o ang pagsalpok ng mga alon sa dagat. Paano nito nagagawang kumapit nang gayon kahigpit? Kapag pumipili ito ng lugar na titirhan, inilalabas nito ang hugis-dilang pinakapaa mula sa balat nito at idiniriin sa matigas na ibabaw. Ang pantanging mga glandula ay naglalabas ng isang likido na pinaghalong mga protina tungo sa isang uka na nasa kahabaan ng paa. Mabilis na tumitigas ang likidong ito hanggang maging isang pino at elastikong sinulid na mga dalawang sentimetro ang haba. Pagkatapos ang maliit na tulad-kutsong kayarian sa dulo ng sinulid na ito ay magbubuga ng kaunting likas na pandikit, iaangat ng tahong ang paa nito, at kumpleto na ang unang angkla. Ang mahusay ang pagkakalagay na mga sinulid na ito ay bumubuo ng isang bungkos na tinatawag na byssus, na nagkakabit sa tahong sa bagong tahanan nito tulad ng lubid na sumusuporta sa isang tolda. Ang buong prosesong ito ay inaabot lamang ng tatlo o apat na minuto.—Tingnan ang dayagram.
Gunigunihin ang pagkakaroon ng isang napakatibay na kola na hindi nakalalason at napakalambot anupat nakatatagos ito kahit sa pinakamaliliit na butas at siwang, na dumidikit sa anumang ibabaw, kahit sa ilalim ng tubig. Malugod na tatanggapin ito ng mga gumagawa ng barko para sa pagkukumpuni ng mga sasakyan nang hindi na inaalis sa daungan ang mga ito. Talaga namang gusto ng mga gumagawa ng kaha ng sasakyan ang isang pinturang di-tinatagos ng tubig upang maiwasan ang pangangalawang. Pahahalagahan ng mga siruhano ang isang ligtas na pandikit upang paghugpungin ang mga nabaling buto at isara ang mga sugat. Magagamit ito ng mga dentista upang pasakan ang mga butas ng ngipin at tapalan ang natapyas na mga ngipin. Waring di-mauubusan ng posibleng mapaggagamitan nito.
Gayunman, hindi pinag-iisipan ng mga siyentipiko na gamitin ang mga tahong para makagawa ng napakatibay na kolang ito. Kakailanganin ang mga 10,000 lamandagat para lamang makagawa ng isang gramo ng kola. Kaya ang pangongolekta ng sapat na tahong upang matugunan ang pangangailangan ng mundo sa napakatibay na kola ay uubos sa mga tahong, na ang maraming uri nito ay nanganganib nang malipol. Sa halip, ibinukod at kinopya ng mga Amerikanong mananaliksik ang mga gene upang makakuha ng limang pandikit na mga protina ng tahong, at sisimulan na nila ang maramihang paggawa ng mga ito sa
laboratoryo upang masubukan ito sa mga industriya. Sinasaliksik din ng mga Britanong siyentipiko ang isa sa mga pandikit na protinang ito. Gayunman, mas lamang pa rin ang tahong sa mga siyentipiko. Tanging ang tahong lamang ang likas na nakaaalam ng eksaktong timpla ng mga protinang kailangan para sa bawat uri ng pang-ibabaw. Buong paghangang nagtanong ang biyologo sa mga molekula na si Frank Roberto: “Paano mo nga ba magagaya iyan?”Ang Vacuum Cleaner
Sinasala ng tahong ang pagkain nito mula sa tubig. Sa karamihan ng uri nito, bawat tahong ay naglululan araw-araw sa katawan nito ng ilang litrong tubig at sinasala hindi lamang ang pagkain at oksiheno kundi pati ang mga dumi tulad ng nakapipinsalang baktirya at mga nakalalasong kemikal. Dahil sa kakayahang ito ay nagiging mahuhusay na tagapagdalisay ng tubig ang mga tahong. Maganda ring gamitin ang mga ito bilang patiunang tagapagbabala ng nadumhang tubig. Halimbawa, daan-daang tahong ang inilagay sa dagat sa palibot ng minahan ng langis ng Ekofisk sa baybayin ng Norway. Ang mga ito ay tinatanggal ng mga siyentipiko sa tuwing lilipas ang ilang buwan at sinusukat ang antas ng polusyon sa mga balat nito upang malaman kung nakapipinsala sa mga nilalang sa dagat ang mga kemikal na itinapon sa dagat. Sapol noong 1986, ginagamit na ang mga tahong at talaba sa Mussel Watch Project na ipinatutupad sa mga katubigan sa baybayin at sa interyor sa palibot ng Hilagang Amerika. Naoobserbahan ng mga mananaliksik ang anumang mga pagbabago sa katangian ng tubig sa pamamagitan ng taunang pagsusuri sa pagdami ng kemikal sa loob ng mga lamandagat. Tunay ngang kapaki-pakinabang!
Ang isang uri na matatagpuan sa tubig-tabang, ang guhitang tahong na zebra, ay laging itinuturing na isang peste. Ang katutubong ito sa silangang Europa na kasukat ng kuko ng hinlalaki ay malamang na di-sinasadyang nakarating sa Hilagang Amerika noong kalagitnaan ng dekada ng
1980 nang idiskarga ng isang barkong pangkaragatan ang tubig sa tulakbahala nito. Palibhasa’y malayo mula sa likas na mga kaaway nito, ang tahong na zebra ay mabilis na dumami sa Great Lakes at sa kaugnay na mga daang-tubig, anupat nagiging sanhi ng pinsalang nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar dahil sa pagbabara ng mga tubong humihigop ng tubig at nababalutan ang mga bangka, piyer, at mga tulay. Naging dahilan din ito ng pagkawala ng ilang katutubong uri ng tahong.Subalit may isang pakinabang. Yamang ang mga tahong na zebra ay napakahuhusay magsala ng tubig sa pagkuha ng pagkain, agad nitong nalilinis ang malalabong tubig sa mga lawa sa pamamagitan ng paglulon sa mga lumulutang na lumot. Maaari na namang muling yumabong ang mga berdeng halaman sa ilalim ng tubig at maglaan ng tirahan para sa iba pang naninirahan sa lawa. Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang ideya ng paggamit sa kakayahang magsala ng mga tahong upang salain ang mga nakapipinsalang baktirya sa mga pampublikong pinagkukunan ng tubig ng mga tao at upang alisin pa nga ang mga dumi mula sa mga plantang naglilinis ng mga tubig na galing sa imburnal.
Iba Pang Kakayahan
Alam mo ba na ang ilang tahong sa tubig-tabang ay nakagagawa ng likas na mga perlas, na ang ilan sa mga ito ay totoong mamahalin? Kung nakapagsuot ka na ng alahas na may kalupkop na nakar o nakagamit ng mga butones na perlas, malamang na ang mga ito rin ay galing sa tahong. Isang makintab at may kulay-bahaghari na nakar ang galing sa panloob na suson ng mga balat nito, at ito’y madalas gamitin sa industriya ng artipisyal na paggawa ng perlas. Ang isang napakaliit na butil ng nakar, na kinuha mula sa balat ng tahong, ay ipinapasok sa isang talaba. Yamang napukaw, sisimulang balutin ng talaba ang kinaiinisan nito ng susun-suson ng nakar, anupat sa kalaunan ay nakabubuo ng isang perlas.
Siyempre, binubusog din tayo ng ilang tahong sa dagat! Maraming siglo nang nasisiyahan ang mga tao sa pagkain ng malambot at masustansiyang laman ng tahong sa iba’t ibang paraan. Maaari mong subukan sa mga tahanang Pranses ang moules marinière, iyon ay, tahong na pinasingawan sa sabaw ng white wine at murang sibuyas. Mas gusto naman ito ng mga Kastila sa makulay na putaheng paella, samantalang inihahain naman ito ng mga taga-Belgium sa isang malaki at umuusok na kaldero kasabay ng mga French fry. Ang pag-aani ng tahong upang ibenta ay malaking negosyo sa buong daigdig, bagaman sa ilang bansa sa Europa ay mayroon pa ring mga kompanya na pinatatakbo ng mga pamilya. Isang babala: Kung balak mong tikman ang malinamnam na pagkaing ito, tiyaking ligtas ang pinagkunan ng iyong lamandagat, at huwag kailanman kukuha ng sarili mong suplay mula sa dalampasigan malibang nakasisiguro ka na malinis ang tubig.
Sino ang nakaaalam kung ano pang ibang lihim ang isisiwalat ng tahong? Tutal, ang ilan sa mga nilalang na ito ay inaakalang nabubuhay nang mas mahaba kaysa sa isang siglo! Ang tahong ay may mumunting puso na bumobomba ng malinaw na dugo, pero wala itong utak. Kaya paano nagagawa ng tahong ang kagila-gilalas na mga bagay na inilarawan sa itaas? Sumasagot ang Bibliya: “Ipakita mo ang iyong pagkabahala sa lupa, at tuturuan ka nito; at ipahahayag iyon sa iyo ng mga isda sa dagat. Sino sa lahat ng mga ito ang hindi lubos na nakaaalam na ang kamay ni Jehova ang gumawa nito?”—Job 12:8, 9.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ang Tagakumpuni ng Gene
Ang tahong sa malalim na dagat ay nabubuhay sa isa sa pinakamahihirap na lugar sa lupa, ang Mid-Atlantic Ridge, kung saan ang maiinit na bukal ay bumubuga ng lubhang nakalalasong mga kemikal na patuluyang pumipinsala sa henetikong kayarian ng nilalang na ito. Subalit, may mga pantanging enzyme na nagpapangyari sa tahong na ito na kumpunihin ang DNA nito. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga enzyme na ito sa pag-asang matuklasan kung paano kukumpunihin ang DNA ng tao na napinsala ng karamdaman o pagtanda.
[Dayagram/Larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Pamamaraang Pag-aangkla na Ginagamit ng Maraming Tahong
Pinakapaa
Tangkay
Mga sinulid na byssus
Sinulid
Plaque
[Larawan sa pahina 22]
Ang mga tahong ay napakahuhusay na tagapagdalisay ng tubig
[Credit Line]
Ontario Ministry of Natural Resources/Michigan Sea Grant
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang berdeng tahong sa Asia
Tahong na bughaw
Tahong na zebra
Tahong ng California
Tahong na villosa iris
(Hindi ayon sa aktuwal na sukat ang mga ipinakitang tahong)
[Credit Lines]
Berdeng tahong sa Asia: Courtesy of Mote Marine Laboratory; tahong na zebra: S. van Mechelen/University of Amsterdam/Michigan Sea Grant; tahong na villosa iris at sa ibaba sa kaliwa: © M. C. Barnhart
[Larawan sa pahina 24]
Paella, isang makulay na putaheng Kastila na kadalasang sinasahugan ng tahong