Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sumunod si Ezekiel at kinubkob ang Jerusalem sa makasagisag na paraan

Tularan ang Halimbawa ng mga Propeta

Tularan ang Halimbawa ng mga Propeta

MAY pagkakatulad ka ba sa mga sinaunang propeta? Batay sa Kaunawaan sa Kasulatan, ang propeta ay “taong ginagamit ng Diyos upang maipabatid ang Kaniyang kalooban at layunin. . . . isa na nagpapabatid ng mga mensahe na itinuturing na may sagradong pinagmulan.” Ang mga mensaheng ito ay maaaring mga prediksiyon, pero hindi lagi. Bilang mga tagapagsalita ng Diyos, inihahatid din ng mga propeta ang kaniyang mga turo, utos at kahatulan. Bagaman hindi ka bumibigkas ng mga prediksiyon, nagsasalita ka para sa Diyos, na naghahayag ng mensaheng nasa Salita ng Diyos.—Mat. 24:14.

Napakagandang pribilehiyo na ipaalam sa iba ang tungkol sa ating Diyos, si Jehova, at ituro kung ano ang kaniyang kalooban para sa tao! Kasama natin sa gawaing ito ang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit.” (Apoc. 14:6) Pero baka malimutan natin ang magandang pribilehiyong ito kapag napaharap tayo sa iba’t ibang hamon. Halimbawa, baka mapagod tayo, panghinaan ng loob, o madama nating wala tayong nagagawa. Ganiyan din ang nadama ng mga propeta noon, pero hindi sila sumuko. At tinulungan sila ni Jehova na maisakatuparan ang kanilang atas. Tingnan natin ang ilang halimbawa at kung paano natin sila matutularan.

NAGPUNYAGI SILA

Kung minsan, baka pagod na tayo dahil sa araw-araw na gawain at parang hindi na natin kayang makibahagi sa ministeryo. Totoo, kailangan natin ng pahinga; si Jesus at ang mga apostol ay nangailangan din ng pahinga. (Mar. 6:31) Isipin natin ang halimbawa ni Ezekiel at ang atas sa kaniya. Nasa Babilonya siya noon at kasama niya ang mga Israelita na binihag mula sa Jerusalem. Minsan, inutusan siya ng Diyos na kumuha ng isang laryo at ililok doon ang lunsod ng Jerusalem. Kukubkubin niya ito sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng paghiga sa kaniyang kaliwang tagiliran sa loob ng 390 araw, at pagkatapos, sa kaniyang kanang tagiliran sa loob ng 40 araw. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Narito! lalagyan kita ng mga panali upang hindi ka makabaling mula sa isang tagiliran mo tungo sa kabilang tagiliran mo, hanggang sa matapos mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.” (Ezek. 4:1-8) Tiyak na napukaw nito ang atensiyon ng mga tapong Israelita. Mahigit isang taóng gagawin ni Ezekiel ang nakakangawit na atas na ito. Paano nakaya ng propeta ang kaniyang atas?

Nauunawaan ni Ezekiel kung bakit siya isinugo bilang propeta dahil ang sabi ng Diyos sa kaniya: “Makinig man [ang mga Israelita] o tumanggi . . . , tiyak na malalaman din nila na nagkaroon nga ng isang propeta sa gitna nila.” (Ezek. 2:5) Iningatan niya sa isip ang layunin ng kaniyang pagiging propeta. Kaya sumunod siya at kinubkob ang Jerusalem sa makasagisag na paraan. Talagang naging tapat siya sa kaniyang atas. Isang ulat ang nakarating sa kaniya at sa kaniyang mga kapuwa tapon: “Ang lunsod ay ibinagsak!” Oo, natanto ng mga Israelita na may isang propeta sa gitna nila.—Ezek. 33:21, 33.

Sa ngayon, binababalaan natin ang mga tao tungkol sa nalalapit na pagwasak sa buong sistema ng mga bagay ni Satanas. Kahit nakadarama tayo ng pagod, ginagamit natin ang ating lakas sa pangangaral ng Salita ng Diyos, pagdalaw-muli, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Habang natutupad ang mga hula tungkol sa katapusan ng sistemang ito, nasisiyahan tayo na “ginagamit [tayo] ng Diyos upang maipabatid ang Kaniyang kalooban at layunin.”

NAPAGLABANAN NILA ANG PANGHIHINA NG LOOB

Nagpupunyagi tayo sa tulong ng espiritu ni Jehova; pero kung minsan, negatibo ang tugon ng mga tao sa ating mensahe kaya pinanghihinaan tayo ng loob. Makatutulong sa atin ang halimbawa ni propeta Jeremias. Dahil inihayag niya sa mga Israelita ang mensahe ng Diyos, dumanas siya ng panunuya, pang-iinsulto, at pagkutya. Minsan, nasabi tuloy ni Jeremias: “Hindi ko siya babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.” Si Jeremias ay isa ring taong may damdaming tulad ng sa atin. Pero patuloy niyang inihayag ang mensahe ng Diyos. Bakit? Ipinaliwanag ng propeta: “Sa aking puso ay naging gaya iyon ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at pagod na ako sa kapipigil, at hindi ko na iyon matiis.”—Jer. 20:7-9.

Kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa pagtugon ng mga tao, puwede rin natin itong mapaglabanan kung bubulay-bulayin natin ang mensaheng inihahayag natin. Maaari itong maging gaya ng ‘nagniningas na apoy na nakukulong sa ating mga buto.’ Kung uugaliin nating magbasa ng Bibliya araw-araw, mapananatili nating nagniningas ang apoy sa loob natin.

NADAIG NILA ANG NEGATIBONG DAMDAMIN

May ilang Kristiyano na natatakot tumanggap ng atas lalo na kapag hindi nila nauunawaan kung bakit ito iniatas sa kanila. Maaaring ganiyan din ang nadama ni propeta Oseas. Inutusan siya ni Jehova: “Yumaon ka, kumuha ka sa ganang iyo ng isang asawang mapakiapid at ng mga anak sa pakikiapid.” (Os. 1:2) Ano kaya ang madarama mo kung ikakasal ka pero sinabihan ka ng Diyos na pagtataksilan ka ng mapapangasawa mo? Tinanggap ni Oseas ang atas. Kinuha niya si Gomer bilang asawa, at nagkaanak sila ng lalaki. Pagkatapos, nagkaroon ang asawa niya ng isang anak na babae at isa pang anak na lalaki. Lumilitaw na ang huling dalawang anak na ito ay anak ni Gomer sa pakikiapid. Sinabi ni Jehova kay Oseas na ‘hahabulin ng mapapangasawa niya ang mga maalab na mangingibig’ nito. Pansinin na hindi lang isa kundi “mga” mangingibig. At pagkatapos ay babalikan niya si Oseas. Kung ikaw ang propeta, tatanggapin mo pa ba ang asawa mo? Iyan mismo ang ipinagagawa ni Jehova kay Oseas! Malaking halaga pa nga ang ipinambili ng propeta kay Gomer para mabawi siya.—Os. 2:7; 3:1-5.

Baka hindi alam ni Oseas kung bakit kailangan niyang gawin ang atas na ito. Pero dahil sumunod siya, natulungan tayong maunawaan ang sakit na naramdaman ng Diyos na Jehova nang pagtaksilan siya ng bansang Israel. At mayroon ngang tapat-pusong mga Israelita na nanumbalik sa Diyos.

Hindi sinasabi ng Diyos sa ngayon na ‘kumuha tayo ng asawang mapakiapid.’ Pero may matututuhan ba tayo sa pagiging handa ni Oseas na tanggapin ang gayong atas? Una, dapat tayong maging handa na ihayag ang mabuting balita ng Kaharian nang “hayagan at sa bahay-bahay” kahit hindi ito madali para sa atin. (Gawa 20:20) Baka may ilang anyo ng pangangaral ng Kaharian na nahihirapan kang gawin. Maraming nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang nagsabi na nagugustuhan nilang mag-aral ng Bibliya, pero hinding-hindi sila magbabahay-bahay para mangaral. Pero nagawa rin ng marami sa kanila ang iniisip nilang hindi nila kayang gawin. Nakuha mo ba ang aral?

May isa pang aral tayong matututuhan sa pagtanggap ni Oseas sa mahirap na atas. Puwede sana siyang tumangging makibahagi sa makasagisag na dramang ito. Tutal, wala namang makaaalam sa atas na ito kung hindi ito iniulat ni Oseas. Tayo rin ay maaaring magkaroon ng pagkakataong ibahagi sa iba ang tungkol kay Jehova at hindi ito malalaman ng iba. Nangyari iyan kay Anna, isang estudyante sa high school sa United States. Pinasulat sila ng kanilang guro ng essay tungkol sa isang paksa na pinaniniwalaan nila at sinabing patunayan nila ito sa klase. Puwede naman sanang palampasin ni Anna ang pagkakataong ito na magpatotoo. Pero nakita niya na mula ito sa Diyos. Alam niya ang puwedeng maging reaksiyon ng mga kaklase niya kaya nanalangin siya kay Jehova. Pagkatapos manalangin, lalo siyang nanabik na samantalahin ang pagkakataong iyon. Ang pamagat ng essay niya ay “Ebolusyon: Pag-isipan ang Ebidensiya.”

Nang iharap ni Anna ang essay sa klase, pinaulanan siya ng tanong ng kaklase niya na kilalang naniniwala sa ebolusyon. Naipagtanggol ni Anna ang paniniwala niya. Humanga ang kaniyang guro at binigyan niya si Anna ng award para sa pinakanakakukumbinsing essay. Mula noon, nakakausap na niya tungkol sa paglalang ang kaklase niyang iyon. Dahil tinanggap ni Anna ang “atas” sa kaniya ni Jehova, sinabi niya, “Hindi na ako takót na ipangaral ang mabuting balita.”

Bagaman hindi tayo propeta sa ganap na diwa, kung tutularan natin ang pagiging mapagsakripisyo ng mga propetang gaya nina Ezekiel, Jeremias, at Oseas, magtatagumpay rin tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova sa ngayon! Sa inyong pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral, bakit hindi ninyo basahin ang tungkol sa iba pang mga propeta at pag-isipan kung paano ninyo matutularan ang kanilang halimbawa?