Alam Mo Ba?
Sa paglutas ng mga pang-araw-araw na legal na usapin sa sinaunang Israel, talaga bang sinusunod ang mga simulain ng Kautusang Mosaiko?
OO, sa ilang pagkakataon. Tingnan ang isang halimbawa. Sinasabi ng Deuteronomio 24:14, 15: “Huwag mong dadayain ang isang upahang trabahador na nasa kagipitan at dukha, maging sa iyong mga kapatid man o sa iyong mga naninirahang dayuhan na nasa iyong lupain, . . . upang hindi siya dumaing kay Jehova laban sa iyo, at magiging kasalanan iyon sa ganang iyo.”
May ganitong nakasulat na pakiusap noong ikapitong siglo B.C.E. na natagpuan malapit sa Asdod. Maaaring isinulat ito para sa isang magsasaka na sinasabing di-nakaabot sa takdang dami ng butil na kinakailangan. Ganito ang sabi ng dokumentong nakasulat sa isang piraso ng luwad: “Matapos iimbak ng inyong lingkod [ang nakikiusap] ang ani ng nakalipas na mga araw, si Hoshayahu na anak ni Shobay ay dumating at kinuha ang kasuotan ng inyong lingkod. . . . Ang lahat ng kasama kong nag-ani sa ilalim ng init ng araw ay makapagpapatunay . . . na totoo ang sinasabi ko. Ako ay walang-sala. . . . Kung hindi man itinuturing ng gobernador na pananagutan niyang maibalik ang kasuotan ng inyong lingkod, gawin po ninyo ito dahil sa habag! Huwag po kayong manahimik habang ang inyong lingkod ay walang kasuotan.”
Makikita sa pakiusap na ito “hindi lang ang pagiging desperado ng manggagawa na maibalik [ang kaniyang kasuotan],” ang sabi ng istoryador na si Simon Schama. “Ipinahihiwatig din nito na ang nakikiusap ay may alam sa kodigo ng kautusan sa Bibliya, lalo na sa mga utos na nasa Levitico at Deuteronomio na laban sa malupit na pakikitungo sa mahihirap.”