Introduksiyon sa Gawa
Manunulat: Lucas
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 61 C.E.
Panahong Saklaw: 33–mga 61 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Mababasa sa Mga Gawa ng mga Apostol kung paano naitatag ang kongregasyong Kristiyano sa tulong ng banal na espiritu. Pagpapatuloy ito ng ulat ni Lucas sa Ebanghelyo. Iniulat ni Lucas sa Gawa ang mahahalagang pangyayari mula 33 hanggang mga 61 C.E., na sumasaklaw nang mga 28 taon. Mababasa sa kalakhang bahagi ng unang 12 kabanata ang mga ginawa ni Pedro, at sa natitirang 16 na kabanata naman, ang mga ginawa ni Pablo.
Isinulat ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo at ang Mga Gawa ng mga Apostol para kay Teofilo. (Luc 1:3, 4; Gaw 1:1) Lumilitaw na isang Kristiyano si Teofilo dahil ‘naturuan’ na siya tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang ministeryo.—Luc 1:4; tingnan ang study note sa Luc 1:3.
Makikita sa Gawa na sa Antioquia ng Sirya “unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.”—Gaw 11:26.
Lumilitaw na naging mánanampalatayá si Lucas pagkatapos ng 33 C.E. Hindi siya isa sa mga apostol, pero nakakasama niya sila. Tatlong beses binanggit ni apostol Pablo ang pangalan ni Lucas. Ilang taon din siyang laging kasama ni Pablo, at tinawag siya nitong “minamahal na doktor.”—Col 4:14; 2Ti 4:11; Flm 24.
Mga 100 pangalan ng tao ang binanggit sa aklat ng Gawa. May binanggit din itong mga 100 lugar (gaya ng mga rehiyon, lalawigan, lunsod, at isla) sa palibot ng o malapit sa Dagat Mediteraneo. Pinapatunayan ng arkeolohiya na tumpak ang ulat ni Lucas. Halimbawa, nahukay sa Efeso ang templo ni Artemis at ang sinaunang teatro kung saan sinugod ng mga taga-Efeso si apostol Pablo. (Gaw 19:27-41) May mga inskripsiyon ding nagpapatunay na tama ang pagkakagamit ni Lucas sa titulong Griego na isinaling “mga tagapamahala ng lunsod” para sa mga opisyal ng Tesalonica. (Gaw 17:6, 8) Makikita sa dalawang inskripsiyon na natagpuan sa Malta, isa sa Latin at isa sa Griego, na tama rin na tinawag ni Lucas si Publio sa terminong Griego na isinaling “pinuno” ng Malta. (Gaw 28:7) May natagpuan ding inskripsiyon na nagpapakitang tama na tinawag ni Lucas si Galio na “proconsul ng Acaya.”—Gaw 18:12.
Gaya ng mga Ebanghelyo, pinapatunayan din ng aklat ng Gawa na tumpak at galing sa Diyos ang Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sinipi ni Pedro ang dalawang hulang isinulat ni Haring David na natupad sa traidor na si Hudas. (Gaw 1:16, 20; Aw 69:25; 109:8) At sinabi ni Pedro sa manghang-manghang mga tao noong Pentecostes na nasasaksihan nila ang katuparan ng hula ni Joel. (Gaw 2:16-21; Joe 2:28-32) Makikita rin sa Gawa na ibinatay nina Felipe, Santiago, at Pablo ang mga turo nila sa Hebreong Kasulatan.—Gaw 8:28-35; 15:15-18; 26:22; 28:23, 25-27.