Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 9

“Tumakas Kayo Mula sa Seksuwal na Imoralidad!”

“Tumakas Kayo Mula sa Seksuwal na Imoralidad!”

“Patayin ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan na umaakay sa seksuwal na imoralidad, karumihan, di-makontrol na seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na pagnanasa, at kasakiman, na isang uri ng idolatriya.”—COLOSAS 3:5.

1, 2. Ano ang ginawa ni Balaam para mapahamak ang bayan ni Jehova?

ISANG mangingisda ang pumunta sa lugar kung saan makakahuli siya ng isang klase ng isda na gusto niya. Pumili siya ng pain at inihagis ang pamingwit sa tubig. Matiyaga siyang naghintay, at nang may kumagat na isda, hinila niya ang tanse at nahuli ang isda.

2 Puwede ring mahuli ang tao sa ganiyang paraan. Halimbawa, halos nasa hangganan na ng Lupang Pangako ang mga Israelita nang magkampo sila sa Kapatagan ng Moab. Nangako ang hari ng Moab sa lalaking si Balaam na bibigyan niya ito ng maraming pera kung susumpain niya ang Israel. Di-nagtagal, nakaisip si Balaam ng paraan para ang mga Israelita na mismo ang magdala ng sumpa sa sarili nila. Pumili siyang mabuti ng pain. Nagpadala siya ng mga kabataang babaeng Moabita sa kampo ng mga Israelita para akitin ang mga lalaki roon.—Bilang 22:1-7; 31:15, 16; Apocalipsis 2:14.

3. Paano kumagat sa pain ni Balaam ang mga Israelita?

3 Epektibo ba ang pain ni Balaam? Oo. Libo-libong lalaking Israelita ang “nakipagtalik sa mga anak na babae ng Moab.” Sumamba rin sila sa huwad na mga diyos, kasama na ang nakakadiring diyos ng pagtatalik, ang Baal ng Peor. Bilang resulta, 24,000 Israelita ang namatay sa mismong hangganan ng Lupang Pangako.—Bilang 25:1-9.

4. Bakit nakagawa ng imoralidad ang libo-libong Israelita?

4 Bakit napakaraming Israelita ang nabiktima ng plano ni Balaam? Sarili lang kasi nila ang inisip nila, at nakalimutan nila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila. Marami silang dahilan para maging tapat sa Diyos. Pinalaya niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, binigyan ng pagkain sa ilang, at ligtas silang pinatnubayan hanggang sa hangganan ng Lupang Pangako. (Hebreo 3:12) Pero naakit pa rin sila ng seksuwal na imoralidad. Isinulat ni apostol Pablo: “Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, [at] namatay.”—1 Corinto 10:8.

5, 6. Ano ang matututuhan natin sa nangyari sa Kapatagan ng Moab?

5 Napakalapit na ng bagong sanlibutan. Kagaya tayo ng mga Israelita na nasa hangganan na ng Lupang Pangako. (1 Corinto 10:11) Ang mga tao ngayon ay mas mahilig sa sekso kaysa sa mga Moabita. Puwede itong makaapekto sa mga lingkod ni Jehova. Ang totoo, ang pinakaepektibong pain ng Diyablo ay ang seksuwal na imoralidad.—Bilang 25:6, 14; 2 Corinto 2:11; Judas 4.

6 Tanungin ang sarili, ‘Mas gusto ko ba ang pansamantalang kasiyahan kaysa mabuhay magpakailanman nang maligaya sa bagong sanlibutan?’ Hindi ba’t mas sulit na sundin ang utos ni Jehova: “Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad”?—1 Corinto 6:18.

ANO ANG SEKSUWAL NA IMORALIDAD?

7, 8. Ano ang seksuwal na imoralidad? Bakit seryosong bagay ito?

7 Maraming tao ngayon ang gumagawi nang may kapangahasan at lantarang nilalapastangan ang batas ng Diyos tungkol sa sex. Sa Bibliya, ang seksuwal na imoralidad ay tumutukoy sa seksuwal na gawain ng mga taong hindi legal na mag-asawa ayon sa Kasulatan. Kasama rito ang seksuwal na gawain ng mga taong pareho ang kasarian at sex sa pagitan ng tao at hayop. Kasama sa seksuwal na gawain ang pagtatalik, oral sex, anal sex, o paghimas sa ari ng iba nang may seksuwal na pagnanasa.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 23.

8 Malinaw na sinasabi ng Bibliya na kung ang isang tao ay patuloy na gumagawa ng seksuwal na imoralidad, hindi siya puwedeng manatili sa kongregasyon. (1 Corinto 6:9; Apocalipsis 22:15) Isa pa, naiwawala ng imoral na tao ang paggalang sa sarili at ang tiwala ng iba. Puro problema ang idinudulot ng imoralidad—pagkakonsensiya, di-inaasahang pagbubuntis, problema sa pag-aasawa, sakit, o kamatayan pa nga. (Basahin ang Galacia 6:7, 8.) Kung talagang pag-iisipan ng isang tao ang mga resulta ng imoralidad, malamang na hindi niya gugustuhing maging imoral. Pero kadalasan, kapag sinimulan ng isang tao ang unang hakbang na aakay sa imoralidad, ang iniisip lang niya ay kung paano masasapatan ang pagnanasa niya. Nagsisimula iyan sa pornograpya.

PORNOGRAPYA—ANG UNANG HAKBANG

9. Bakit mapanganib ang pornograpya?

9 Ang pornograpya ay dinisenyo para pumukaw ng seksuwal na pagnanasa. Sa ngayon, nagkalat ang pornograpya kahit saan—sa mga magasin, aklat, musika, palabas sa TV, at sa Internet. Iniisip ng marami na walang masama sa pornograpya, pero ang totoo, napakadelikado nito. Dahil dito, ang isang tao ay puwedeng maadik sa sex at laging mag-isip ng maruruming bagay. Kapag nanood ang isang tao ng pornograpya, puwede itong humantong sa masturbasyon, problema sa pag-aasawa, at diborsiyo pa nga.—Roma 1:24-27; Efeso 4:19; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 24.

Maging maingat kapag gumagamit ng Internet

10. Paano makakatulong ang prinsipyo sa Santiago 1:14, 15 para maiwasan natin ang imoralidad?

10 Mahalagang maintindihan kung paano tayo puwedeng maakit ng seksuwal na imoralidad. Tingnan ang babala sa Santiago 1:14, 15: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. At ang pagnanasa, kapag naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag nagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.” Kaya kapag may naisip kang maling pagnanasa, alisin ito agad. Kung aksidente kang makakita ng malalaswang larawan, alisin ang tingin dito! Patayin ang computer, o ilipat ang channel. Huwag mong hayaang magkaroon ka ng maling pagnanasa. Kung hindi, puwede itong tumindi at mahihirapan ka nang kontrolin ito.—Basahin ang Mateo 5:29, 30.

11. Paano tayo matutulungan ni Jehova kapag nakapag-iisip tayo ng malalaswang bagay?

11 Mas kilala tayo ni Jehova kaysa sa pagkakilala natin sa sarili natin. Kaya alam niyang hindi tayo perpekto. Pero alam din niya na kaya nating labanan ang maling pagnanasa. Sinasabi sa atin ni Jehova: “Patayin ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan na umaakay sa seksuwal na imoralidad, karumihan, di-makontrol na seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na pagnanasa, at kasakiman, na isang uri ng idolatriya.” (Colosas 3:5) Kahit hindi ito madaling gawin, matiisin si Jehova sa atin at tutulungan niya tayo. (Awit 68:19) Isang kabataang brother ang dating naadik sa pornograpya at masturbasyon. Para sa mga kaibigan niya sa eskuwelahan, bahagi lang ito ng pagbibinata, pero sinabi niya: “Dahil dito, naging manhid ang konsensiya ko, at naging imoral ako.” Napag-isip-isip niya na kailangan niyang kontrolin ang mga pagnanasa niya, at sa tulong ni Jehova, nakalaya siya sa adiksiyon niya. Kung nakapag-iisip ka ng malalaswang bagay, humiling kay Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” para mapanatili mong malinis ang isip mo.—2 Corinto 4:7; 1 Corinto 9:27.

12. Bakit kailangan nating ‘ingatan ang ating puso’?

12 Sumulat si Solomon: “Sa lahat ng dapat mong ingatan, ingatan mo ang iyong puso, dahil dito nagmumula ang bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ang “puso” ay tumutukoy sa panloob na pagkatao natin, ang pagkataong nakikita ni Jehova. Malaki ang epekto sa atin ng tinitingnan natin. Sinabi ng tapat na si Job: “Nakipagtipan ako sa mga mata ko. Kaya paano ko magagawang tumingin nang may pagnanasa sa isang dalaga?” (Job 31:1) Gaya ni Job, kailangan nating kontrolin kung ano ang tinitingnan at iniisip natin. At gaya ng salmista, nananalangin tayo: “Ilayo mo ang paningin ko sa mga bagay na walang kabuluhan.”—Awit 119:37.

ANG MALING PAGPILI NI DINA

13. Anong klase ng mga kaibigan ang pinili ni Dina?

13 Malaki ang impluwensiya sa atin ng mga kaibigan natin; puwede tayong mapabuti o mapasama. Kung pipili ka ng mga kaibigang sumusunod sa pamantayan ng Diyos, matutulungan ka nilang sundin iyon. (Kawikaan 13:20; basahin ang 1 Corinto 15:33.) Makikita sa nangyari kay Dina na napakahalagang pumili ng kaibigan. Anak siya ni Jacob, kaya lumaki siya sa pamilyang sumasamba kay Jehova. Hindi imoral si Dina, pero nakipagkaibigan siya sa mga babaeng Canaanita na hindi sumasamba kay Jehova. Ibang-iba sa mga lingkod ng Diyos ang tingin ng mga Canaanita sa sekso, at kilalá silang imoral. (Levitico 18:6-25) Habang kasama ni Dina ang mga kaibigan niya, nakilala niya ang kabataang Canaanita na si Sikem, na nagkagusto sa kaniya. Si Sikem ang itinuturing na “pinakamarangal” na kabataan sa pamilya nila. Pero hindi niya mahal si Jehova.—Genesis 34:18, 19.

14. Ano ang nangyari kay Dina?

14 Ginawa ni Sikem kung ano ang natural at katanggap-tanggap para sa kaniya. Dahil gusto niya si Dina, “kinuha” niya ito at “hinalay.” (Basahin ang Genesis 34:1-4.) Dito nagsimula ang sunod-sunod na problema ni Dina at ng pamilya niya.—Genesis 34:7, 25-31; Galacia 6:7, 8.

15, 16. Paano tayo magiging marunong?

15 Hindi na natin kailangang gayahin ang pagkakamali ni Dina para malaman na mas mabuting sumunod sa mga pamantayang moral ni Jehova. “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.” (Kawikaan 13:20) Gawing tunguhin na maintindihan ang “landas ng kabutihan,” at maiiwasan mong masaktan at magdusa.—Kawikaan 2:6-9; Awit 1:1-3.

16 Magiging marunong tayo kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, mananalangin bago gumawa ng desisyon, at susundin ang payo ng tapat at matalinong alipin. (Mateo 24:45; Santiago 1:5) Siyempre, alam nating mahina tayo at hindi perpekto. (Jeremias 17:9) Pero ano ang magiging reaksiyon mo kung may magbabala sa iyo na baka makagawa ka ng imoralidad? Sasamâ ba ang loob mo, o mapagpakumbaba mong tatanggapin ang payo?—2 Hari 22:18, 19.

17. Magbigay ng halimbawa kung paano nakakatulong ang payo ng kapuwa Kristiyano.

17 Pag-isipan ang halimbawang ito. Sa pinagtatrabahuhan ng isang sister, isang lalaki ang nagpapakita ng espesyal na atensiyon sa kaniya at niyayaya siyang makipag-date. Hindi ito lingkod ni Jehova, pero mukha namang mabait. May isang sister na nakakita sa kanila kaya pinayuhan siya tungkol dito. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng sister na pinayuhan? Mangangatuwiran ba siya, o pahahalagahan niya ang payo? Baka naman mahal ng sister si Jehova at gusto niyang gawin ang tama. Pero kung patuloy siyang lalabas kasama ng lalaking ito, ‘tumatakas ba siya mula sa seksuwal na imoralidad’ o “nagtitiwala sa sarili niyang puso”?—Kawikaan 22:3; 28:26; Mateo 6:13; 26:41.

MATUTO SA HALIMBAWA NI JOSE

18, 19. Ipaliwanag kung paano tumakas si Jose sa imoralidad.

18 Alipin sa Ehipto si Jose noong kabataan siya. Araw-araw siyang inaakit ng asawa ng panginoon niya na sipingan siya, pero alam ni Jose na mali iyon. Mahal ni Jose si Jehova at gusto niya Siyang pasayahin. Kaya sa tuwing inaakit si Jose ng babae, tumatanggi siya. Dahil alipin si Jose, hindi niya puwedeng basta iwan ang panginoon niya. Isang araw, nang pilitin si Jose ng asawa ng panginoon niya na sipingan siya, “tumakas palabas” si Jose.—Basahin ang Genesis 39:7-12.

19 Ibang-iba sana ang nangyari kung nag-isip si Jose nang imoral o kung pinagpantasyahan niya ang babae. Pero pinakamahalaga kay Jose ang kaugnayan niya kay Jehova. Sinabi niya sa babae: “Walang . . . ipinagkait sa akin [ang panginoon ko] maliban sa iyo, dahil asawa ka niya. Kaya paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?”—Genesis 39:8, 9.

20. Paano natin nalaman na nalugod si Jehova kay Jose?

20 Kahit malayo si Jose sa pamilya niya, nanatili siyang tapat sa Diyos, at pinagpala siya ni Jehova. (Genesis 41:39-49) Nalugod si Jehova sa katapatan ni Jose. (Kawikaan 27:11) Hindi madaling labanan ang imoralidad. Pero tandaan ang mga salitang ito: “O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan. Binabantayan niya ang buhay ng mga tapat sa kaniya; inililigtas niya sila mula sa kamay ng masasama.”—Awit 97:10.

21. Paano tinularan ng isang kabataang brother si Jose?

21 Araw-araw, lakas-loob na ipinapakita ng mga lingkod ni Jehova na ‘kinapopootan nila ang kasamaan’ at ‘iniibig ang kabutihan.’ (Amos 5:15) Anuman ang edad mo, kaya mong maging tapat kay Jehova. Nasubok ang pananampalataya ng isang brother sa paaralan. Sinabi ng isang babae na makikipag-sex ito sa kaniya kung tutulungan niya ito sa test nila sa math. Ano ang ginawa ng brother? Tinularan niya si Jose. Sinabi niya: “Kaagad ko siyang tinanggihan. Dahil naging tapat ako, hindi nawala ang dignidad ko at paggalang sa sarili.” Ang ‘pansamantalang kasiyahan’ dahil sa imoralidad ay laging humahantong sa mga problema. (Hebreo 11:25) Ang pagsunod kay Jehova ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan.—Kawikaan 10:22.

HAYAANG TULUNGAN KA NI JEHOVA

22, 23. Paano tayo matutulungan ni Jehova kahit nakagawa tayo ng malubhang kasalanan?

22 Gagamitin ni Satanas ang seksuwal na imoralidad para biktimahin tayo, at hindi ito madali para sa atin. Lahat tayo ay nakapag-iisip ng mali paminsan-minsan. (Roma 7:21-25) Naiintindihan ito ni Jehova at inaalaala niyang “tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Paano kung nagkasala ng imoralidad ang isang Kristiyano? May pag-asa pa ba siya? Oo. Kung talagang nagsisisi siya, tutulungan siya ni Jehova. Ang Diyos ay “handang magpatawad.”—Awit 86:5; Santiago 5:16; basahin ang Kawikaan 28:13.

23 Nagbigay rin si Jehova ng “mga tao bilang regalo”—ang mapagmahal na mga elder na nangangalaga sa atin. (Efeso 4:8, 12; Santiago 5:14, 15) Ibinigay niya ang mga elder para tulungan tayong ayusin ang kaugnayan natin sa kaniya.—Kawikaan 15:32.

GUMAMIT NG “UNAWA”

24, 25. Paano tayo matutulungan ng “unawa” na iwasan ang imoralidad?

24 Para makagawa ng tamang desisyon, kailangan nating maintindihan kung paano tayo nakikinabang mula sa mga batas ni Jehova. Ayaw nating maging katulad ng kabataang inilalarawan sa Kawikaan 7:6-23. Kulang siya sa “unawa,” kaya nabiktima siya ng seksuwal na imoralidad. Ang unawa ay hindi lang basta talino. Kapag may unawa tayo, sinisikap nating maintindihan ang kaisipan ng Diyos at sundin ito. Tandaan ang pananalitang ito: “Ang nagsisikap magkaroon ng unawa ay nagmamahal sa sarili niya. Ang nagpapahalaga sa kaunawaan ay magtatagumpay.”—Kawikaan 19:8.

25 Kumbinsido ka bang tama ang pamantayan ng Diyos? Talaga bang naniniwala ka na magiging masaya ka kapag sinunod mo ito? (Awit 19:7-10; Isaias 48:17, 18) Kung hindi ka pa sigurado, alalahanin ang lahat ng magagandang bagay na ginawa ni Jehova para sa iyo. “Subukin ninyo si Jehova at makikita ninyong mabuti siya.” (Awit 34:8) Habang ginagawa mo ito, lalo mong mamahalin ang Diyos. Ibigin ang mga iniibig niya, at kapootan ang mga kinapopootan niya. Punuin ang isip ng mabubuting bagay—mga bagay na totoo, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at mabuti. (Filipos 4:8, 9) Puwede tayong maging gaya ni Jose, na nakinabang mula sa karunungan ni Jehova.—Isaias 64:8.

26. Ano ang pag-uusapan natin sa susunod?

26 May asawa ka man o wala, gusto ni Jehova na maging masaya ang buhay mo. Ang susunod na dalawang kabanata ay tutulong sa atin na maging matagumpay sa pag-aasawa.