Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 30

Tulong Para Madaig ang Ating Takot

Tulong Para Madaig ang Ating Takot

MADALI bang maglingkod kay Jehova?— Hindi sinabi ng Dakilang Guro na ito’y madaling gawin. Noong gabing bago patayin si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alam ninyo na napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo.”Juan 15:18.

Naghambog si Pedro na hindi niya kailanman iiwan si Jesus, pero sinabi ni Jesus na tatlong beses na ikakaila siya ni Pedro sa mismong gabing iyon. At ito nga ang ginawa ni Pedro! (Mateo 26:31-35, 69-75) Bakit kaya ito nangyari?— Nangyari ito dahil natakot si Pedro, at gayundin ang iba pang mga apostol.

Alam mo ba kung bakit natakot ang mga apostol?— Hindi nila ginawa ang isang bagay na mahalaga. Kung malalaman natin ang tungkol dito, matutulungan tayong maglingkod kay Jehova anuman ang sabihin o gawin ng iba sa atin. Pero, bago ang lahat, repasuhin muna natin ang nangyari noong huling gabing iyon nang kasama ni Jesus ang kaniyang mga apostol.

Una, sama-sama silang nagdiwang ng Paskuwa. Ito ay isang espesyal na hapunang ginagawa taun-taon para ipaalaala sa bayan ng Diyos ang pagliligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Pagkatapos ay pinasimulan ni Jesus sa kanila ang isa pang espesyal na hapunan. Pag-uusapan natin ito sa ibang kabanata at ipaliliwanag kung paano tumutulong sa atin ang hapunang iyon sa pag-alaala kay Jesus. Pagkatapos ng hapunang iyon at ng pampatibay na mga salita sa kaniyang mga apostol, niyaya sila ni Jesus sa labas sa hardin ng Getsemani. Ito ay isang paboritong lugar na madalas nilang puntahan.

Habang nasa hardin, lumayo si Jesus nang kaunti para manalangin. Sinabihan din niya sina Pedro, Santiago, at Juan na manalangin. Pero nakatulog sila. Tatlong beses na lumayo si Jesus para manalangin, at tatlong beses din niyang nadatnan sina Pedro na natutulog! (Mateo 26:36-47) Alam mo ba kung bakit dapat sana ay gising sila para manalangin?— Pag-usapan natin ito.

Bakit dapat sana’y nanatiling gising sina Pedro, Santiago, at Juan?

Si Judas Iscariote ay kasama ni Jesus at ng ibang mga apostol sa Paskuwa maaga nang gabing iyon. Gaya ng maaalaala mo, si Judas ay naging magnanakaw. Ngayon naman ay naging traidor siya. Alam niya ang lugar sa hardin ng Getsemani na madalas puntahan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Kaya doon dinala ni Judas ang mga sundalo para hulihin si Jesus. Pagdating nila, nagtanong si Jesus sa kanila: “Sino ang hinahanap ninyo?”

Sumagot ang mga sundalo: “Si Jesus.” Hindi natakot si Jesus, kaya sumagot siya: “Ako nga siya.” Gulat na gulat ang mga sundalo sa tapang ni Jesus kaya’t napaurong sila at nabuwal sa lupa. Saka sinabi ni Jesus: ‘Kung ako nga ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang aking mga apostol.’Juan 18:1-9.

Nang sunggaban ng mga sundalo si Jesus at itali ang kaniyang mga kamay, natakot ang mga apostol at tumakas. Pero gustong malaman nina Pedro at Juan ang mangyayari, kaya sumunod sila mula sa malayo. Nang bandang huli, dinala si Jesus sa bahay ni Caifas, ang mataas na saserdote. Palibhasa’y kilala si Juan ng mataas na saserdote, silang dalawa ni Pedro ay pinapasok ng bantay-pinto sa looban.

Nagkakatipon na noon ang mga saserdote sa bahay ni Caifas para sa paglilitis. Gusto nilang ipapatay si Jesus. Kaya nagharap sila ng mga saksing sinungaling laban sa kaniya. Sinusuntok at sinasampal ng mga tao si Jesus. Habang nangyayari ang lahat ng ito, si Pedro ay nasa malapit lamang.

Isang alilang babae, ang bantay-pinto na nagpapasok kina Pedro at Juan, ang nakapansin kay Pedro. “Ikaw rin ay kasama ni Jesus!” ang sabi niya. Pero ikinaila ito ni Pedro at sinabing ni hindi nga niya kilala si Jesus. Mayamaya ay isa na namang babae ang nakakilala kay Pedro at sinabi sa mga naroroon: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus.” Muli na namang ikinaila siya ni Pedro. Pagkalipas ng ilang sandali, nakita ng isang grupo ng mga tao si Pedro at sinabi sa kaniya: “Tiyak na isa ka rin sa kanila.” Sa ikatlong pagkakataon ay nagkaila si Pedro, na sinasabi: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” Sumumpa pa nga si Pedro na nagsasabi siya ng totoo, at si Jesus ay lumingon at tumingin sa kaniya.Mateo 26:57-75; Lucas 22:54-62; Juan 18:15-27.

Bakit takot na takot si Pedro anupat nakapagsinungaling tuloy siya na hindi raw niya kilala si Jesus?

Alam mo ba kung bakit nakapagsinungaling si Pedro?— Oo, dahil natakot siya. Pero bakit siya natakot? Anong bagay ang hindi niya ginawa na nagpalakas sana ng kaniyang loob? Isipin mo. Ano ang ginawa ni Jesus para magkaroon ng lakas ng loob?— Nanalangin siya sa Diyos, at tinulungan siya ng Diyos na magkaroon ng lakas ng loob. At tandaan, tatlong beses na sinabi ni Jesus kay Pedro na manalangin at manatiling gising at magbantay. Pero ano ang nangyari?

Sa bawat pagkakataon, nakatulog si Pedro. Hindi siya nanalangin, at hindi siya naging mapagbantay. Kaya nabigla siya nang hulihin si Jesus. Sa panahon ng paglilitis, nang saktan nila si Jesus at gumawa ng mga plano para maipapatay siya, natakot si Pedro. Gayunman, ilang oras lamang bago nito, ano ang sinabi ni Jesus na dapat asahan ng kaniyang mga apostol?— Sinabi sa kanila ni Jesus na kung paanong nagalit sa kaniya ang sanlibutan, magagalit din ito sa kanila.

Paano ka maaaring malagay sa isang situwasyong gaya ng kay Pedro?

Mag-isip tayo ngayon ng puwedeng mangyari sa atin na katulad ng nangyari kay Pedro. Halimbawang ikaw ay nasa isang silid-aralan at nagsimulang pintasan ng iba ang mga hindi sumasaludo sa bandila o hindi nagdiriwang ng Pasko. Pagkatapos ay biglang may nagtanong sa iyo: “Ikaw, totoo nga bang hindi ka sumasaludo sa bandila?” O baka sabihin naman ng iba: “Nabalitaan namin na ni hindi ka raw nagdiriwang ng Pasko!” Matatakot ka bang sabihin ang totoo?— Mapipilitan ka bang magsinungaling, gaya ng ginawa ni Pedro?

Pagkaraan, lungkot na lungkot si Pedro dahil ikinaila niya si Jesus. Nang mapag-isip-isip niya ang kaniyang ginawa, lumabas siya at umiyak. Oo, nagbalik siya kay Jesus. (Lucas 22:32) Isipin mo ngayon. Ano ang makatutulong sa atin upang huwag madaig ng takot at masabi tuloy ang gaya ng sinabi ni Pedro?— Tandaan, si Pedro ay hindi nanalangin at hindi naging mapagbantay. Kung gayon, ano sa palagay mo ang kailangan nating gawin upang maging isang tagasunod ng Dakilang Guro?

Talagang kailangan nating manalangin kay Jehova para humingi ng tulong. Nang manalangin si Jesus, alam mo ba kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kaniya?— Nagpadala ang Diyos ng isang anghel para palakasin si Jesus. (Lucas 22:43) Puwede ba tayong matulungan ng mga anghel ng Diyos?— Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.” (Awit 34:7) Pero para tumanggap ng tulong ng Diyos, may kailangan pa tayong gawin bukod sa manalangin. Alam mo ba kung ano pa ang kailangan nating gawin?— Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manatiling gising at mapagbantay. Sa palagay mo, ano ang makatutulong sa atin para magawa iyan?

Kailangan tayong makinig na mabuti sa mga sinasabi sa ating mga Kristiyanong pagpupulong at magbigay-pansin sa ating mga binabasa sa Bibliya. Pero kailangan din tayong regular na manalangin kay Jehova at hilingin sa kaniya na tulungan tayong paglingkuran siya. Kung gagawin natin ito, tatanggap tayo ng tulong upang madaig ang ating takot. Sa gayon ay matutuwa tayo kapag nagkaroon tayo ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa Dakilang Guro at sa kaniyang Ama.

Ang mga tekstong ito ay makatutulong sa atin upang huwag kailanman hayaang mapigilan tayo ng takot sa ibang tao sa paggawa ng tama: Kawikaan 29:25; Jeremias 26:12-15, 20-24; at Juan 12:42, 43.