Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

APENDISE

Pagkilala sa “Babilonyang Dakila”

Pagkilala sa “Babilonyang Dakila”

NAGLALAMAN ang aklat ng Apocalipsis ng mga kapahayagan na hindi dapat unawain sa literal na paraan. (Apocalipsis 1:1) Halimbawa, binabanggit nito ang isang babae na may pangalang “Babilonyang Dakila” na nakasulat sa kaniyang noo. Sinasabing nakaupo ang babaing ito sa “mga pulutong at mga bansa.” (Apocalipsis 17:1, 5, 15) Yamang walang literal na babae ang makagagawa nito, tiyak na makasagisag ang Babilonyang Dakila. Kaya ano ang inilalarawan ng makasagisag na patutot na ito?

Sa Apocalipsis 17:18, inilarawan ang makasagisag na babae ring iyon bilang “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” Ang terminong “lunsod” ay nagpapahiwatig ng isang organisadong grupo ng mga tao. Yamang may kontrol ang “dakilang lunsod” na ito sa “mga hari sa lupa,” malamang na ang babaing tinatawag na Babilonyang Dakila ay isang maimpluwensiya at internasyonal na organisasyon. May kawastuan itong matatawag na isang pandaigdig na imperyo. Anong uri ng imperyo? Relihiyoso. Pansinin kung paano tayo inaakay ng ilang kaugnay na mga talata sa aklat ng Apocalipsis tungo sa konklusyong ito.

Ang isang imperyo ay maaaring pulitikal, komersiyal, o relihiyoso. Ang babaing pinanganlang Babilonyang Dakila ay hindi isang pulitikal na imperyo sapagkat sinasabi ng Salita ng Diyos na ‘nakiapid’ siya sa “mga hari sa lupa,” o pulitikal na mga elemento ng sanlibutang ito. Ang pakikiapid niya ay tumutukoy sa mga pakikipag-alyansa niya sa mga tagapamahala ng lupang ito at iyan ang dahilan kung bakit siya tinatawag na “dakilang patutot.”​—Apocalipsis 17:1, 2; Santiago 4:4.

Hindi maaaring maging isang komersiyal na imperyo ang Babilonyang Dakila sapagkat ang mga “mangangalakal sa lupa,” na kumakatawan sa komersiyal na mga elemento, ay magdadalamhati sa panahon ng kaniyang pagkapuksa. Sa katunayan, ang mga hari at mga mangangalakal ay inilarawan na nakatingin sa Babilonyang Dakila mula sa “malayo.” (Apocalipsis 18:3, 9, 10, 15-17) Kung gayon, makatuwiran lamang isipin na ang Babilonyang Dakila ay, hindi isang pulitikal o komersiyal na imperyo, kundi relihiyoso.

Lalo pang napatunayan ang relihiyosong pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila dahil sa pananalitang inililigaw niya ang mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang “mga espiritistikong gawain.” (Apocalipsis 18:23) Yamang ang lahat ng anyo ng espiritismo ay nauugnay sa relihiyon at galing sa mga demonyo, hindi kataka-taka na tinatawag ng Bibliya ang Babilonyang Dakila bilang “tahanang dako ng mga demonyo.” (Apocalipsis 18:2; Deuteronomio 18:10-12) Inilalarawan din ang imperyong ito bilang aktibong sumasalansang sa tunay na relihiyon, anupat pinag-uusig ang “mga propeta” at “mga banal.” (Apocalipsis 18:24) Sa katunayan, gayon na lamang katindi ang pagkapoot ng Babilonyang Dakila sa tunay na relihiyon anupat marahas niyang pinag-uusig at pinapatay pa nga ang “mga saksi ni Jesus.” (Apocalipsis 17:6) Kaya naman, ang babaing ito na tinatawag na Babilonyang Dakila ay maliwanag na kumakatawan sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na kinabibilangan ng lahat ng relihiyong sumasalansang sa Diyos na Jehova.