KUWENTO 33
Pagtawid sa Dagat na Pula
TINGNAN mo kung ano ang nangyayari. Iyan ay si Moises habang iniuunat ang kaniyang tungkod sa ibabaw ng Dagat na Pula. Ang mga kasama niya ay ang mga Israelita. Pero si Paraon at ang lahat ng kaniyang mga sundalo ay nalulunod sa dagat. Alamin natin kung papaano nangyari ito.
Gaya ng nalaman natin, nakaalis ang mga Israelita sa Ehipto pagkaraan ng ika-10 salot. Humigit-kumulang 600,000 Israelitang lalaki ang umalis, bukod pa sa maraming mga babae at bata. Sumama din sa kanila ang maraming mga dayuhan na sumampalataya kay Jehova. Dinala nila ang lahat ng kanilang mga tupa at kambing at baka.
Ang mga Ehipsiyo ay takut-na-takot dahil sa huling salot. Kaya bago umalis ang mga Israelita, pinabaunan nila ang mga ito ng maraming damit at kasangkapang ginto at pilak.
Pagkaraan ng ilang araw, ay dumating ang mga Israelita sa Dagat na Pula. Nagpahinga sila doon. Samantala, nanghinayang si Paraon at ang mga kababayan niya dahil sa pinaalis nila ang kanilang mga alipin. Kaya nagbago na naman ang isip ni Paraon, at agad niyang tinugis ang mga Israelita sa pamamagitan ng kaniyang mga sundalo.
Nang makita ng mga Israelita na dumarating si Paraon at ang kaniyang mga sundalo, takut-na-takot sila. Naglagay si Jehova ng ulap sa pagitan ng kaniyang bayan at ng mga Ehipsiyo. Hindi makita ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita para salakayin sila.
Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises na iunat ang tungkod niya sa ibabaw ng Dagat na Pula. Nang gawin niya ito, nagpahihip si Jehova ng isang malakas na hanging amihan. Ang tubig ng dagat ay nahati sa magkabilang panig at napigilan.
Pagkatapos ang mga Israelita ay nagmartsa patawid sa dagat sa ibabaw ng tuyong lupa. Maraming oras ang nakaraan bago sila nakatawid na lahat sa kabilang ibayo. Sa wakas ay nakita na rin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita. Tumatakas ang kanilang mga alipin! Kaya sumugod sila sa dagat para habulin ang mga ito.
Nang gawin nila ito, tinanggal ng Diyos ang mga gulong ng kanilang mga karwahe. Natakot ang mga Ehipsiyo, at nalaman nila na si Jehova ang nakikipaglaban para sa mga Israelita. Pero huli na ang lahat.
Kasi sinabi ni Jehova kay Moises na iunat uli ang tungkod nito sa ibabaw ng Dagat na Pula, gaya ng nakikita mo sa larawan. Nang gawin niya ito, ang mga pader ng tubig ay bumagsak at tinabunan ang mga Ehipsiyo. Ang buong hukbo ay sumunod sa mga Israelita sa dagat. Kaya kahit isang Ehipsiyo ay walang nakaligtas na buhay!
Tuwang-tuwa ang bayan ng Diyos sapagka’t silang lahat ay nakaligtas! Kumanta ang mga lalaki: ‘Si Jehova ay nagkamit ng maluwalhating tagumpay. Inihagis niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.’ Si Miriam na kapatid na babae ni Moises, at ang lahat ng mga kababaihan ay masayang sumayaw sa saliw ng kanilang mga pandereta. Habang sumasayaw sila ay inaawit din nila ang awit na ito: ‘Si Jehova ay nagkamit ng maluwalhating tagumpay. Inihagis niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito!’