Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 12

Ipakita na Tunay ang Iyong Pananampalataya!

Ipakita na Tunay ang Iyong Pananampalataya!

NAGBABALA ang Diyos sa kaniyang mga lingkod tungkol sa mga pagsubok sa pananampalataya. Sinasabi sa kaniyang Salita: “Maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Paano maaaring sikapin ni Satanas na sirain ang iyong pananampalataya?

Nakaranas ka na ba ng ganitong pagsalansang?

Maaaring gamitin ni Satanas ang iba, maging ang iyong mga mahal sa buhay, para hadlangan kang suriin ang Banal na Kasulatan. Ganito ang inihula ni Jesus: “Ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mateo 10:36) Baka hindi alam ng nagmamalasakit na mga kapamilya at kaibigan ang kamangha-manghang katotohanan na nasa Salita ng Diyos. O baka nag-aalala sila sa sasabihin ng iba. Pero binabanggit sa Kasulatan: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” (Kawikaan 29:25) Kung hihinto ka sa pag-aaral ng Kasulatan para mapasaya ang mga tao, mapasasaya mo rin kaya ang Diyos? Hindi! Pero kung magpapakita tayo ng tunay na pananampalataya, tutulungan tayo ng Diyos. “Hindi nga tayo ang uri na umuurong sa ikapupuksa, kundi ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.”​—Hebreo 10:39.

Alalahanin ang karanasan ni Dumas na binanggit sa ikatlong seksiyon. Noong una, tinutuya siya ng kaniyang asawa dahil sa kaniyang pananampalataya. Pero nang maglaon, nag-aral din ito ng Salita ng Diyos kasama niya. Sa katulad na paraan, kapag sinisikap mong gawin ang tama, maaari mong maimpluwensiyahan ang iyong mga kaibigan at mahal sa buhay na gawin din ang tama. Maraming ayaw mag-aral ng Kasulatan sa simula ang ‘nawagi nang walang salita sa pamamagitan ng malinis na paggawi’ at “matinding paggalang” ng kapamilya nila na nagpapakita ng tunay na pananampalataya.​—1 Pedro 3:1, 2.

Sinisikap din ni Satanas na impluwensiyahan ang mga tao na isiping sobra silang abala para mag-aral ng Kasulatan. Gusto niya na ang mga álalahanín sa buhay​—personal na mga problema at usapin sa pera​—ay ‘sumakal sa salita’ ng Diyos, wika nga, para maging “di-mabunga” ang iyong pananampalataya. (Marcos 4:19) Iwasan ang ganiyang maling kaisipan! Sinasabi ng Kasulatan: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, napakahalaga na patuloy na matuto tungkol sa Diyos at kay Jesus, ang Mesiyas, para magkaroon ng buhay na walang hanggan sa Paraiso!

Humingi ng tulong sa Diyos

Isipin si Moises, na naging miyembro ng pamilya ng hari ng Ehipto. Puwede sana siyang maging mayaman, tanyag, at makapangyarihan. Pero pinili ni Moises na “mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Bakit? “Nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:24, 25, 27) Oo, napakatibay ng pananampalataya ni Moises sa Diyos. Inuna niya ang Diyos at hindi ang kaniyang sarili, kaya sagana siyang ginantimpalaan ng Diyos. Kung tutularan mo si Moises, gagantimpalaan ka rin ng Diyos.

Baka sikapin ni Satanas na tuksuhin ka sa iba’t ibang paraan. Pero malalabanan mo siya. Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Paano mo siya sasalansangin?

Patuloy na pag-aralan ang Banal na Kasulatan. Basahin ang Salita ng Diyos araw-araw. Pag-aralan ang mga turo nito at sundin ang mga payo nito. Kung gagawin mo ito, maisusuot mo ang “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos,” na magagamit mo laban sa pagsalakay ni Satanas.​—Efeso 6:13.

Makisama sa mga may tunay na pananampalataya. Hanapin ang iba pa na nagbabasa at nag-aaral ng Banal na Kasulatan, at sumusunod dito. ‘Isinasaalang-alang nila ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa at nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.’ Tutulungan ka nila na mapatibay ang iyong pananampalataya.​—Hebreo 10:24, 25.

Makisama sa iba na may pananampalataya

Maging malapít kay Jehova. Humingi ng tulong sa Diyos at magtiwala sa kaniya. Laging tandaan na gusto ng Diyos na tulungan ka. ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:6, 7) “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”​—1 Corinto 10:13.

Tinutuya ni Satanas ang Diyos sa pagsasabing walang sinuman ang patuloy na maglilingkod sa Kaniya kung daranas sila ng mga pagsubok. Pero may pagkakataon kang patunayan na sinungaling si Satanas! “Magpakarunong ka,” ang sabi ng Diyos, “at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Maging determinadong magpakita ng tunay na pananampalataya!