KUWENTO 103
Pagpasok sa Isang Kuwartong Nakakandado
PAGKAALIS nina Pedro at Juan, nag-iisa na si Maria. Umiyak siya. Pagkatapos ay nakita niya ang dalawang anghel sa loob ng nitso, gaya ng nasa larawan kanina. Nagtanong sila: ‘Bakit ka umiiyak?’
Sumagot si Maria: ‘Kinuha nila ang Panginoon, at ewan ko kung saan siya dinala.’ Pagkatapos ay nakakita si Maria ng isang lalaki sa likuran niya. Sinabi nito: ‘Sino ang hinahanap mo?’
Akala ni Maria ay ito ang hardinero, kaya sinabi niya: ‘Kung kayo ang kumuha sa kaniya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay.’ Pero, ang totoo, si Jesus iyon. Nagsuot siya ng isang katawan na hindi nakikilala ni Maria. Kaya nang tawagin niya siya sa pangalan, nalaman ni Maria na ito’y si Jesus, kaya tumakbo siya at sinabi sa mga alagad.
Nang araw ding iyon, samantalang naglalakad ang dalawang alagad patungong Emmaus, may lalaking nakisabay sa kanila. Malungkot sila, pero ipinaliwanag sa kanila ng lalaki ang maraming bagay sa Bibliya, kaya nabawasan ang kalungkutan nila. Nang huminto sila para kumain, nakilala ng mga alagad na siya’y si Jesus. Pagkatapos ay nawala siya, kaya ang dalawang alagad ay nagbalik sa Jerusalem para sabihin sa mga apostol.
Samantala, nagpakita rin si Jesus kay Pedro. At nang ikinukuwento niya ito sa iba, nakita sila ng dalawang alagad at ikinuwento ang karanasan nila. Alam mo ba ang nangyari?
Tingnan mo ang larawan. Biglang lumitaw si Jesus sa kuwarto, kahit nakakandado ang pinto. Tuwang-tuwa ang mga alagad! Hindi ba masayang araw iyon? Mabibilang mo ba kung ilang beses nang nagpakita si Jesus sa mga alagad? Limang beses ba?
Si apostol Tomas ay hindi nila kasama nang magpakita si Jesus. Kaya sinabi niya na gusto muna niyang makita si Jesus bago siya maniwala. Pagkaraan ng walong araw, magkakasama na naman ang mga alagad sa isang nakakandadong kuwarto, at biglang-bigla, lumitaw si Jesus. Ngayon ay kasama na nila si Tomas, kaya naniwala na ito.