Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 17

Magkakambal Nguni’t Magkaiba

Magkakambal Nguni’t Magkaiba

MAGKAIBANG-MAGKAIBA ang dalawang bata, hindi ba? Alam mo ba ang mga pangalan nila? Ang mangangaso ay si Esau, at ang nag-aalaga ng tupa ay si Jacob.

Sina Esau at Jacob ay kambal na anak nina Isaac at Rebeka. Mahal-na-mahal ni Isaac si Esau, kasi siya ang nag-uuwi ng pagkain para sa pamilya. Pero mas mahal ni Rebeka si Jacob, kasi tahimik at mabait siya.

Para na nating nakikita si Jacob na nakikinig sa lolo niyang si Abraham habang nagkukuwento tungkol kay Jehova. Namatay si Abraham sa edad na 175, nang ang magkakambal ay 15 anyos pa lang.

Nang si Esau ay 40 anyos na, nag-asawa siya ng dalawang babaeng Canaanita na hindi sumasamba kay Jehova. Kaya lungkot-na-lungkot sina Isaac at Rebeka.

Dumating ang panahon na dapat nang basbasan ni Isaac ang kaniyang panganay na anak. Siya’y si Esau. Pero ang karapatan na tumanggap ng basbas ay ipinagbili na ni Esau kay Jacob. At saka sinabi din ng Diyos na si Jacob ang tatanggap ng basbas. Ito nga ang nangyari. Binasbasan ni Isaac ang anak niyang si Jacob.

Galit-na-galit si Esau nang mabalitaan niya ito. Papatayin daw niya si Jacob! Alalang-alala si Rebeka nang malaman ito. Kaya sinabi niya kay Isaac: ‘Napakasama kung mag-aasawa din si Jacob ng isa sa mga babaeng Canaanita.’

Kaya tinawag ni Isaac si Jacob at sinabi: ‘Pumunta ka sa lolo mong si Betuel sa Haran. Pakasalan mo ang isa sa mga anak na babae ng kaniyang anak na si Laban.’

Nagsimula agad si Jacob sa mahabang paglalakbay patungong Haran.