Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 15

Lumingon ang Asawa ni Lot

Lumingon ang Asawa ni Lot

SI LOT at ang pamilya niya ay sumama kay Abraham sa Canaan. Isang araw sinabi ni Abraham kay Lot: ‘Masikip na ang lupain para sa lahat ng ating mga hayop. Puwede bang maghiwalay na tayo?’

Nakita ni Lot ang isang magandang lugar na may tubig at sariwang damo para sa kaniyang mga hayop. Ito ang Distrito ng Jordan. Kaya inilipat doon ni Lot ang kaniyang pamilya at mga hayop. Sa katagalan ay sa lunsod ng Sodoma na sila nanirahan.

Napakasama ng mga taga-Sodoma. Nalungkot si Lot, kasi mabuti siyang tao. Nalungkot din ang Diyos. Kaya dalawang anghel ang inutusan ng Diyos para sabihin kay Lot na sisirain niya ang Sodoma at ang katabing lunsod ng Gomora dahil sa kasamaan nito.

Sinabi ng mga anghel kay Lot: ‘Dali! Umalis ka kasama ang iyong asawa at dalawang anak na dalaga!’ Kaya hinila sila ng mga anghel at inilabas sila sa lunsod. Isa sa mga anghel ang nagsabi: ‘Tumakas kayo para makaligtas! Huwag kayong lilingon!’

Kaya tumakbo si Lot at ang kaniyang mga anak. Hindi sila lumingon. Pero sumuway ang asawa ni Lot. Huminto siya ng pagtakbo at lumingon sa Sodoma. Kaya ang asawa ni Lot ay naging haligi ng asin. Nakikita mo ba siya sa larawan?

Ito ay nagpapakita na inililigtas ng Diyos ang mga sumusunod sa kaniya, pero yaong mga hindi sumusunod sa kaniya ay mamamatay.