Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

“The Watchtower Man”

James Koroma

“The Watchtower Man”
  • ISINILANG 1966

  • NABAUTISMUHAN 1990

  • Naging tagahatid ng liham noong digmaang sibil.

NOONG 1997, habang nagbabakbakan sa Freetown ang mga rebelde at mga puwersa ng gobyerno, nagboluntaryo ako na maging tagahatid ng liham mula sa Freetown patungo sa pansamantalang tanggapang pansangay sa Conakry, Guinea.

Sa istasyon ng lunsod, sumakay ako sa bus. May kasakay akong grupo ng mga lalaki. Bigla na lang, umalingawngaw ang isang putok ng baril mula sa di-kalayuan kaya natakot kami. Habang binabaybay namin ang lunsod, nakarinig kami ng sunud-sunod na putok ng baril sa palibot. Ibinuwelta ng drayber ang bus at umiba kami ng ruta. Di-nagtagal, pinahinto kami ng isang grupo ng armadong mga rebelde at pinababa ng bus. Matapos kaming pagtatanungin, pinaraan nila kami. Pagkatapos, may isa na namang grupo na nagpahinto sa amin. Dahil kakilala ng isa sa mga pasahero ang kanilang kumander, pinaraan nila ulit kami. Nang nasa dulo na kami ng bayan, nadaanan namin ang ikatlong grupo ng mga rebelde. Pinagtatanong nila kami pero pinaraan din kami. Habang papahilaga, marami pa kaming nadaanang barikada. Gabi na nang makarating sa Conakry ang maalikabok naming sasakyan.

Nang maglaon, nagdadala na rin ako ng mga kahon ng literatura, gamit sa opisina, dokumento ng sangay, at relief goods. Kadalasan nang nagbibiyahe ako sakay ng kotse at minibus. Pero umuupa rin ako ng mga kargador at maliliit na bangka kapag dumaraan ako sa mga gubat at tumatawid ng ilog sa paghahatid ng mga literatura.

Minsan, nang magdala ako ng gamit sa opisina mula Freetown patungong Conakry, pinahinto ng mga rebelde sa hanggahan ang minibus na sinasakyan ko. Napagdiskitahan ng isa sa kanila ang dala-dalahan ko at pinagtatanong ako na parang nagsususpetsa. ‘Tapos, nakita ko ang dati kong kaeskuwela na kasama ng mga rebelde. Tinatawag siya ng mga kasamahan niya na Tigasin, at talaga namang siya ang pinakamukhang nakakatakot sa kanilang grupo. Sinabi ko sa nagtatanong sa akin na si Tigasin ang sadya ko, at saka ko siya tinawag. Agad akong namukhaan ni Tigasin at tumakbo papunta sa akin. Nagyakap kami at nagtawanan. Pagkatapos, bigla siyang nagseryoso.

“May problema ba,” ang tanong niya.

“Gusto ko sanang tumawid ng Guinea,” ang sagot ko.

Agad niyang inutusan ang mga rebelde na paraanin sa checkpoint ang minibus namin nang hindi na iniinspeksiyon.

Mula noon, tuwing dadaan ako sa checkpoint na ‘yon, inuutusan ni Tigasin ang mga kasamahan niya na paraanin ako. Binibigyan ko ng mga magasin ang mga rebelde, at gustung-gusto naman nila. Di-nagtagal, tinawag nila akong The Watchtower Man.